• October 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 5th, 2026

Tulak, balik-selda sa P170K droga sa Valenzuela 

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BALIK-SELDA ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang muling naaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Sabado ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Odek”, 45, residente ng Brgy. Balangkas.

Isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela CPS sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA, kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa patuloy umanong illegal drug activities ni alyas Odek.

Ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na positibo na ang transaksyon ang naging hudyat para agad lumapit at dambahin ng back-up na operatiba ang suspek dakong alas-2:25 ng madaling araw sa kanto ng Sebastian at Deato Sts., Brgy., Balangkas.

Umabot 25 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000.00 ang nasamsam sa suspek, kasama ang buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, at P100 cash.

Sa record ng SDEU, ilang beses nang naaresto ang suspek dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Ayon kay SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Babaeng nag-viral sa pagpunta ng truck ban sa Valenzuela, timbog sa unjust vexation

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

DAHIL sa kasong Unjust Vexation, dinakip ng pulisya ang 44-ayos na babaing negosyante na nanlait at pumuna sa ipinatupad na truck ban ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian nang matunton sa Baliwag, Bulacan, Sabado ng madaling araw.

Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Caloocan City Metropolitan Trial Court Branch 49, inaresto ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento si alyas “Cathy”, sa kasong Unjust Vexation na isinampa laban sa kanya ng isang pribadong complainant ala-1:00 ng madaling araw sa kanyang tirahan sa Brgy., Sabang, Baliwag, Bulacan.

Magugunita na nag-post sa kanyang Facebook page si ‘Cathy’ noong Setyembre 26, 2026 na pumupuna sa ipinatupad na truck ban sa Valenzuela na aniya ay nakasisira sa negosyo at umani ng halos apat na milyong views at 80,000 reaction makaraang laitin at sinabihan pa ng hindi magandang pananalita ang alkalde.

Ipinatupad ng alkalde ang truck ban mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi upang matapos agad ang pagkukumpuni at rehabilitasyon sa pangunahing lansangan sa lungsod habang binigyang ng exemption ang lehitimong mga negosyante.

Pansamantalang naka-detine si alyas Cathy sa Valenzuela Police Sub-Station-6 sa 3S Dalandanan habang hinihintay pa ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail o pagpapalaya sa kanya sa oras na makapaglagak ng piyansang P2,000.00. (Richard Mesa)

NCAP, hindi muna ipapatupad sa Valenzuela

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANSAMANTALA munang sinuspinde ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang nakatakdang pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa No Contact Apprehension Policy o NCAP sa lungsod sa Lunes, October 5.

Ayon kay Mayor Wes, nauunawaan niya ang layunin ng NCAP bagamat sa sitwasyon aniya ngayon ng lungsod ay hindi pa ito tamang panahon dahil sa sunod-sunod na road construction, rehabilitasyon, at pagkukumpuni ng mga pangunahin nilang lansangan.

“Araw-araw po ay nagbabago ang daloy ng trapiko sa ating lungsod, ayaw nating dagdagan ang pasanin ng ating mga motorista sa panahong hindi pa normal ang kondisyon ng ating mga kalsada,” pahayag ng alkalde.

Dagdag pa ni Mayor Gatchalina, uunahin muna nila ang maayos at ligtas na daloy ng trapiko para sa mga Valenzuelano at tsaka na nila ito ipatutupad hanggang sa susunod na paglalabas nila ng abiso. (Richard Mesa)

LTFRB IPINATAWAG ANG 19 NA TNC DAHIL SA HINDI PAGPAPATUPAD NG FARE HIKE IMPLEMENTATION

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez, ng Show Cause Order (SCO) laban sa 19 na platform provider ng ride-hailing services dahil sa hindi pagpapatupad ng inaprubahang taas-pasahe.

Ayon kay LTFRB Acting Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., ipinatawag ang mga TNC matapos makatanggap ang ahensya ng mga reklamo mula sa TNVS drivers hinggil sa hindi pagpapatupad ng bagong pamasahe.

Noong Setyembre 28, ipinatupad ang bagong pamasahe para sa TNVS: ₱65 mula ₱45 para sa sedan, ₱75 mula ₱55 para sa AUV, ₱55 mula ₱35 para sa hatchback, at ₱165 mula ₱145 para sa premium TNVS.

Gayunman, iniulat na nanatili sa dating pamasahe ang ilang TNC sa halip na ipatupad ang aprubadong fare adjustment.

“Maaaring magtaka ang ating mga kababayan kung bakit kailangan pa nating ipatawag ang mga TNC na ito, sa halip na ipagpasalamat na hindi nagtataas ng pamasahe ang TNVS,” ani Acting Chairman Pua.

“Para sa kaalaman ng lahat, ang mga TNVS partner ang gumagastos sa gasolina at diesel, hindi ang mga TNC. Kaya kapag hindi ipinatupad ang taas-pasahe, ang mga driver ang direktang naaapektuhan, hindi ang mga TNC,” paliwanag niya.

Ayon kay Acting Chairman Pua, taliwas sa layunin ng fare increase ang hindi pagpapatupad nito, dahil layunin nitong makatulong sa lahat ng sektor ng pampublikong transportasyon, kabilang ang TNVS.

Sa SCO na nilagdaan ni LTFRB Legal Division Officer-in-Charge Atty. Ralph Aldrin Baguio, inatasan ang mga TNC na magpaliwanag sa loob ng three (3) working days mula sa pagtanggap ng kautusan kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang akreditasyon dahil sa umano’y hindi pagpapatupad ng aprubadong pamasahe.

Ayon sa LTFRB, ang patuloy na paniningil ng pamasahe na hindi naaayon sa aprubadong fare adjustment ay paglabag sa umiiral na mga alituntunin at regulasyon ng ahensya.

Itinakda ang pagdinig sa Oktubre 7.

“Ang hindi pagdalo sa pagdinig at hindi paghahain ng sagot ay maaaring ituring na pagtalikod sa karapatang marinig ang panig ng respondent at magresulta sa kaukulang parusa,” ayon sa kautusan ng LTFRB. 

(PAUL JOHN REYES)

DA, palalakasin food buffer vs Super El Niño

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGPAPALAKAS ang Department of Agriculture (DA) ng food buffer upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain at mabawasan ang epekto ng posibleng matinding El Niño sa produksyon ng agrikultura.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinalalawak ng pamahalaan ang rice storage capacity at nagbubukas ng karagdagang cold storage facilities bilang paghahanda sa posibleng pagkaantala ng suplay.

Umabot na sa 365 ang aktibong bodega ng National Food Authority (NFA), mula sa humigit-kumulang 300, matapos umupa ng karagdagang mga pasilidad.

Pinalalawak din ng DA ang cold storage capacity para mapahaba ang shelf life ng karne at mga gulay. Isinasagawa naman ang cloud seeding sa mga lugar na nakararanas ng tagtuyot, kabilang ang Isabela at Negros, kapag may sapat na moisture sa mga ulap upang makalikha ng ulan.

Sinabi ng PAGASA na maaaring tumagal ang El Niño hanggang Marso o Hunyo, habang nasa 40 lalawigan ang inaasahang makaranas ng below-normal rainfall. Maaari pa itong dumoble pagsapit ng Enero, kasabay ng inaasahang pagtaas ng temperatura sa ilang lugar.

Sinabi ni Tiu Laurel na nakahanda ang DA sa worst-case scenario, kabilang ang halos P10 bilyong pondo para sa fuel at fertilizer subsidies at solar-powered irrigation projects. Gayunman, aminado ang kalihim na posibleng bumaba pa rin ang kabuuang produksiyon ng agrikultura dahil sa epekto ng matinding El Niño.

Ads October 5, 2026

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments