• October 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 5th, 2026

Gilas Pilipinas Girls nilampaso ng Australia sa U18 Asia Cup opener

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MABIGAT ang naging simula ng kampanya ng Gilas Pilipinas Girls sa FIBA U18 Women’s Asia Cup matapos silang tambakan ng defending champion Australia, sa iskor na 102-47, noong Linggo sa Karisma Arena sa Seremban, Malaysia.

Agad na nakontrol ng Australia ang laro matapos magtayo ng 30-8 kalamangan sa unang quarter, bago tuluyang lumayo ang kanilang kalamangan sa mga sumunod na yugto.

Hindi na nakasabay pa ang Pilipinas sa opensa ng Australia, habang nahirapan din itong makakuha ng mga puntos mula sa field. 

Tumira lamang ang Gilas ng 15-of-56 o 26.8 porsiyento mula sa field.

Malaki rin ang naging lamang ng Australia sa rebounding, 60-20.

Sina Tiffany Reyes at Zaydhen Rosano ang nanguna para sa Pilipinas na may tig-10 puntos.

Samantala, pinangunahan ni Sophie Richardson ang Australia sa 18 puntos sa wala pang 16 minutong paglalaro, habang nagdagdag si Isabel Smith ng 17. Nagtala rin si Lily Mapp ng 10 puntos at 12 rebounds para sa defending champions.

Kasama ng Pilipinas at Australia sa Pool A ang South Korea at New Zealand. May pagkakataon agad ang Gilas Girls na bumawi sa kanilang susunod na laro kontra South Korea sa Lunes.

Max Verstappen wagi sa Bahrain Grand Prix

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAGI si Max Verstappen sa Bahrain Grand Prix na ginanap sa Malaysia.

Naungusan niya si Kimi Antonelli kung saan ito ang unang world title niya ng magretiro ang kaniyang team-mate na si George Russel sa ikatlong puwesto.

Naantala pa ng ilang oras ang karera dahil sa naranasang malakas na pag-ulan sa lugar.

Nagkaroon naman ng problema sa kaniyang sasakyan si Lewis Hamilton kaya ito ay pumangatlo sa puwesto.

Susunod naman na karera na inaasahan na magkakatalo sina Verstappen at Hamilton ay sa Oktubre 11 na gaganapin ito sa Singapore.

POC kuntento sa naging performance ng bansa sa katatapos na Asian Games

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINUON ngayon ng Philippine Olympic Committee (POC) sa paparating na Los Angeles Olympics sa susunod na taon.

Ito ay matapos na hindi nalagpasan ng Pilipinas ang target na gold medal sa katatapos na 20th Asian Games na ginanap sa Aichi-Nagoya , Japan.

Sinabi ni 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗢𝗹𝘆𝗺𝗽𝗶𝗰 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 (𝗣𝗢𝗖) 𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 Abraham “Bambol” Tolentino, na kahit na hindi naman nalagpasan ang target ay napantayan ang gintong medalya noong nagdaang Asian Games.

Dagdag pa nito mas kailangan ng ating bansa ang pagpapaigting ng ensayo ganun din ang pagkuha sa mga foreign coaches para mamayagpag ang ating bansa sa nalalapit na LA Olympics 2028.

Nakapagtala ang Pilipinas ng apat na gintong medalya; siyam na silver medals at bronze medals.

Nahigitan ng Pilipinas ang 2023 Hangzhou Asian Games kung saan mayroong apat na gintong medalya, dalawang silver at 18 bronze.

Hiling ng defense panel ni VP Sara na ipagpaliban ang testimonya ng isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council , hindi saklaw ng AMLA

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI saklaw ng confidentiality rules ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) ang anumang impormasyon na hinihiling ng subpoena ng Senate Impeachment Court, ayon kay Akbayan Rep. Chel Diokno, isa sa mga tagausig ng House prosecution panel.

Ito ang tinukoy na Diokno bilang kasagutan sa hiling ng defense panel ni Vice President Sara Duterte na ipagpaliban muna ang testimonya ng isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa confidentiality clause ng AMLA at kawalan ng panahon para pag aralan nila ito.

“Hindi nito sakop at hindi nito kayang harangan ang isang lehitimong subpoena mula sa korte, partikular na ang Senado na tumatayong Impeachment Court, Section 8-A was only intended to prevent leaks by officers or employees of the [AMLC]. It was never intended as a blanket shield for any lawful subpoenas issued by a proper court,” sinabi ni Diokno. 

Tinukoy ni Defense counsel Sheila Sison ang confidentiality clause ng AMLA matapos mapansin ang mga records na isinumite para sa testimonya ni AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura ay markado ng “strictly confidential.” 

Nakatakdang tumestigo si Buenaventura sa mga records ng AMLC na tumutukoy sa financial transactions ni Duterte at ang kanyang asawa, Manases Carpio, habang pinapatunayan ng mga prosecutors ang sources at galawan ng pondo kaugnay sa unexplained wealth sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint. (VINA de GUZMAN)

Tulfo: Magplano, maglaan ng pondo sa banta ng ‘Super El Niño’

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA si Sen. Erwin Tulfo sa bantang dulot ng posibleng “Super El Niño,” at iginiit na maiiwasan ang matin­ding tagtuyot, pagtaas ng ­presyo ng mga pangunahing bilihin, at pagkawala ng kabuhayan kung agad na kikilos ang pamahalaan sa pamamagitan ng maagang pagpaplano at sapat na pondo.

Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa P6.87 bilyon ang pinsala sa agrikultura at naapektuhan ang 223,214 magsasaka hanggang Setyembre 26, 2026. Dahil dito, sinabi ni Tulfo na wala nang panahong dapat aksayahin upang mabawasan ang maaaring maging epekto ng krisis.“Hindi na natin dapat hintaying matuyo ang mga sakahan, maubusan ng tubig ang mga komunidad, at magdusa ang ating mga kababayan bago kumilos. Nariyan na ang mga babala at siyentipikong datos. Panahon na para magkaroon ng maagap at konkretong plano upang maprotektahan ang mamamayan,” ani Tulfo.

Bagama’t kinilala niya ang itinatag na El Niño Task Force ng administrasyon, sinabi ng senador na hindi dapat malimitahan ang pagtugon sa agrikultura at irigasyon lamang.

Dahil dito, pormal na iniharap ni Tulfo ang usapin sa Senado at ini-refer ito sa Reinvi­gorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) Ad Hoc Committee na naatasang tugunan ang mga ha­mong dulot ng paghina ng ekonomiya, pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, at pagbagsak ng purchasing power ng mga Pilipino.

Nilinaw naman ng senador na hindi niya layuning magdulot ng pangamba kundi hika­yatin ang agarang paghahanda ng pamahalaan at ng publiko. ( DARIS JOSE)

Hatol sa Sara trial target sa Nobyembre – Gatchalian

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TARGET ng Senate impeachment court na ilabas ang desisyon nito sa kaso ni Vice President Sara Duterte bago matapos ang Nobyembre, ayon kay Senate President at senator-judge Sherwin Gatchalian nitong Linggo.

Ayon kay Gatchalian, sa tingin niya ay aabutin na lang ng 30 hanggang 45 araw ang pagdinig bagaman at magkakaroon ng dalawang linggong break ang Senado sa huling bahagi ng Oktubre.

“Ako personally, baka we need mga 30 to 45 days from now… Ang isyu lang, magkakaroon kami ng 2-week break sa end of October. Hopefully within 30 to 45 days (calendar days),” ani Gatchalian sa Super Radyo dzBB.

“Siguro mga mid-November to end of November [posibleng matapos ang impeachment trial at makapaghatol kay VP Duterte]. Tingin ko,” dagdag niya.

Katulad ng unang inihayag ng tagapagsalita ng impeachment court na si Reginald Tongol noong Biyernes, inulit ni Gatchalian na layunin nilang matapos ang impeachment proceedings bago ang Pasko.

Pero maaari aniyang mas maaga itong matapos dahil sa mga pagbabagong isinagawa kamakailan.

“Marami kasing pagbabago. Una sa lahat, bumilis… Pangalawa, maraming testigo ang tinanggal at nagbigay ng mas mahabang oras ang impeachment court,” aniya.

Kasalukuyang tinatalakay ng Senate impeachment court ang Article 2 ng Articles of Impeachment na tumutukoy sa hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

 (DARIS JOSE)

Mga magsasaka, mangingisda at trucker makikinabang…300,000 katao tatanggap ng P3-B fuel subsidy – Malakanyang

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASA P3 bilyong tulong sa gasolina ang ipamamahagi ngayong buwan sa tinatayang 300,000 magsasaka, mangingisda at truck driver na naghahatid ng mga produktong agrikultural sa ilalim ng UPLIFT program ng pamahalaan.

Ito ang inihayag ng Malakanyang kasunod ng ulat ni Agriculture Undersecretary Arrey Perez, na bahagi ito ng tulong ng gobyerno upang maibsan ang epekto ng El Niño at mataas na presyo ng langis sa sektor ng agrikultura.

Makakatanggap ang mga magsasaka at mangingisda ng P5,000 one-time fuel subsidy para sa paggamit ng tractors, motorized bancas at iba pang kagamitang nangangailangan ng gasolina.

Samantala, P2,000 kada linggo ang fuel subsidy para sa mga driver ng delivery truck na naghahatid ng ani mula sa mga sakahan patungo sa Metro Manila at iba pang pamilihan.

Nakikipagtulungan ngayon ang Department of Agriculture sa Land Bank of the Philippines upang mapabilis ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng mga branch at ATM nito.

Pinag-aaralan din ng Toll Regulatory Board at mga tollway operator ang toll holiday o discount para sa agri-delivery trucks hanggang Disyembre 31.

Sinabi ni Perez na umaasa ang DA na makakakuha agad ng kasunduan sa mga tollway operator upang maipatupad ang toll relief ngayong buwan. (DARIS JOSE)

MGA BAGONG KAGANAPAN SA WEST PHILIPPINE SEA, TINALAKAY

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

 SA GINANAP na Saturday News Forum ngayon Octobre 3, 2026. naghatid ng mahalagang ulat si Rear Admiral Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard , tinalakay ang kasalukuyang kalagayan, mga hamon, at pinakabagong kaganapan sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas (West Philippine Sea) patuloy na ipinagtatanggoll sa ating karapatan, teritoryo, at soberanya sa bahaging ito ng ating bansa.

         Kasunod nito, nagsasagawa ng masusing pagsusuri at malalim na pagtalakay sina Bicol Saro Rep. Terry Ridon at Atty. Jay Tolosa hinggil sa mga kritikal na isyu, mga batayan ng batas, at mahahalagang usapin na nakapalibot sa patuloy na paglilitis sa Senado sa pagtatalo sa tungkulin ni Bise Presidente Sara Duterte. Isang usapang may malalim na kahihinatnan sa katatagan ng ating pamahalaan at kinabukasan ng sambayanang Pilipino. (SER MORALES Sr.)

MAJAYJAY IPINAGDIWANG ANG ANILINANG FESTIVAL 2026 AT IKA-455 ANIBERSARYO NG PAGKAKATATAG

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAJAYJAY, Laguna — Pormal na sinimulan araw ng Setyembre 30, 2026, ang tatlong araw na pagdiriwang ng Anilinang Festival 2026 kasabay ng paggunita sa ika-455 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng makasaysayang Bayan ng Majayjay.

Pinangunahan ang selebrasyon ni Punong Bayan Mayor Romeo Amorado, katuwang si Vice Mayor Juan Arnel Arganosa Jr. at ang buong Sangguniang Bayan, pati na ang mga kawani ng pamahalaang lokal at mga opisyal ng iba’t ibang barangay.

Tampok sa unang araw ng kaganapan ang pagbubukas ng Trade Fair na nagtatampok sa saganang yamang-agrikultura ng bayan. Sa isang panayam ng People’s Balita at Bagong Henerasyon News TV nina Yvonne Bagang, Kim Bornella, at Jeremiah Solomon kay Mayor Amorado, ibinida niya na bukod sa pangunahing ani na bigas, kilala rin ang bayan sa mga produktong tulad ng kamote, lansones, mangosteen, durian, at papaya.

Isa sa mga naging pangunahing atraksyon at inaabangang tampok sa pagdiriwang ang tradisyonal na pagrampa ng mga kabayo, kung saan rarampa ang 12 kabayo mula sa 12 barangay. Mas naging natatangi ito ngayong taon dahil sa mga makukulay at masisining na disenyo ng mga kabayo na sinakyan mismo ng mga kapitan ng barangay, na ang karamihan ay dating mga magsasaka. Bukod dito, nakatakda rin maging highlight ng selebrasyon ang engrandeng Governor’s Night na magbibigay-kulay at saya sa mga mamamayan at bisita.

Samantala, ibinahagi rin ni Mayor Amorado ang patuloy na pag-angat ng ekonomiya ng bayan. Mula sa pagiging 3rd Class Municipality, inaasahang aakyat ito sa ikalawang klasipikasyon sa mga susunod na taon sa pamamagitan ng pinaigting na programa sa agrikultura at kalakalan.

Maliban dito, patuloy ring pinalalakas ang turismo sa pamamagitan ng sikat na Taytay Falls at ang pagdami ng mga de-kalidad na bahay-panuluyan (homestays) para sa mga turista.

Nagtapos ang makulay na pagdiriwang sa darating na Oktubre 2, 2026

(.Kim Bornella / Boy Morales Sr. / Jeremiah Solomon/ Host Ms. Yvonne Bagang)

Magnanakaw nakorner sa bubong ng bahay, ninenok na P1.3M alahas, nabawi

Posted on: October 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang 21-anyos na kawatan nang magising ang may-ari ng malaking bahay na kanyang pinasok at pinagnakawan sa Valenzuela City. 

Hindi na nakapalag ang suspek na si alyas Buboy nang masukol ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento sa bubong ng bahay ng 65-anyos na lolong biktima sa Brgy., Canumay West.

Dakong alas-11 ng gabi nang makita ng biktima ang suspek na kinukuha ang mamahalin niyang mga alahas sa loob ng walk-in closet na nasa tabi lang ng kanyang silid matapos siyang magising sa ingay na nilikha ng pagbubukas ng door-knob.

Sa pangamba sa kanyang buhay, hindi ginambala ng biktima ang suspek at sa halip ay tinawagan ang anak sa kabilang bahay sa loob ng compound na kaagad nakahingi ng tulong sa nagpapatrulyang tauhan ni Col. Talento.

Nang matunugan ng suspek ang pagdating ng mga pulis, tinangka niyang tumakas paakyat sa ika-apat na palapag ng bahay at lumabas sa bukas na sliding window na kanyang pinasukan bago umakyat sa bubong kung saan tuluyan siyang nadakip.

Nasamsam sa suspek ang isang walang serial number na kalibre .22 magnum revolver na kargado ng bala habang nabawi sa loob ng kanyang sling bag ang Rolex watch na nagkakahalaga ng P400,000, Charriol watch na P100,000 ang halaga at P800,000.00 halaga ng assorted na alahas na pag-aari ng biktima.

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mabilis na pagkakadakip sa suspek na residente ng Marilao, Bulacan na mahaharap sa reklamong Robbery with Force Upon Things at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition. (Richard Mesa)