• October 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tulak, balik-selda sa P170K droga sa Valenzuela 

BALIK-SELDA ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang muling naaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Sabado ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Odek”, 45, residente ng Brgy. Balangkas.

Isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela CPS sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA, kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa patuloy umanong illegal drug activities ni alyas Odek.

Ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na positibo na ang transaksyon ang naging hudyat para agad lumapit at dambahin ng back-up na operatiba ang suspek dakong alas-2:25 ng madaling araw sa kanto ng Sebastian at Deato Sts., Brgy., Balangkas.

Umabot 25 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000.00 ang nasamsam sa suspek, kasama ang buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, at P100 cash.

Sa record ng SDEU, ilang beses nang naaresto ang suspek dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Ayon kay SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)