• October 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DA, palalakasin food buffer vs Super El Niño

MAGPAPALAKAS ang Department of Agriculture (DA) ng food buffer upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain at mabawasan ang epekto ng posibleng matinding El Niño sa produksyon ng agrikultura.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinalalawak ng pamahalaan ang rice storage capacity at nagbubukas ng karagdagang cold storage facilities bilang paghahanda sa posibleng pagkaantala ng suplay.

Umabot na sa 365 ang aktibong bodega ng National Food Authority (NFA), mula sa humigit-kumulang 300, matapos umupa ng karagdagang mga pasilidad.

Pinalalawak din ng DA ang cold storage capacity para mapahaba ang shelf life ng karne at mga gulay. Isinasagawa naman ang cloud seeding sa mga lugar na nakararanas ng tagtuyot, kabilang ang Isabela at Negros, kapag may sapat na moisture sa mga ulap upang makalikha ng ulan.

Sinabi ng PAGASA na maaaring tumagal ang El Niño hanggang Marso o Hunyo, habang nasa 40 lalawigan ang inaasahang makaranas ng below-normal rainfall. Maaari pa itong dumoble pagsapit ng Enero, kasabay ng inaasahang pagtaas ng temperatura sa ilang lugar.

Sinabi ni Tiu Laurel na nakahanda ang DA sa worst-case scenario, kabilang ang halos P10 bilyong pondo para sa fuel at fertilizer subsidies at solar-powered irrigation projects. Gayunman, aminado ang kalihim na posibleng bumaba pa rin ang kabuuang produksiyon ng agrikultura dahil sa epekto ng matinding El Niño.