• October 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DBM, tiniyak sa mga guro na ‘no unnecessary delays’ sa paglalabas ng 2024 performance bonus

TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga public school teachers na walang pagkaantala sa paglalabas ng kanilang performance-based bonus (PBB) para sa fiscal year 2024.

Sa katunayan, minamadali na ng departamento ang proseso ng nasabing insentibo.

Ayon sa DBM, hinihintay lamang nito ang receipt ng report ng Department of Education’s (DepEd) ukol sa ranking ng mga officers o delivery units, na tumutukoy sa mga opisyal at empleyado na karapat-dapat para sa FY 2024 PBB.

“Upon receipt of DepEd’s complete and accurate submission, the DBM will immediately review and process the necessary Special Allotment Release Order and Notice of Cash Allocation, consistent with applicable rules and procedures,” ang sinabi ng DBM sa isang kalatas.

“We assure our beloved teachers that there will be no unnecessary delay on the part of the DBM,”ayon pa rin sa DBM.

Matatandaang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na matatanggap na ngayong taon ng mga kuwalipikadong kawani ng gobyerno ang kanilang 2024 Performance-Based Bonus (PBB) matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas nito.

Sa katunayan, sisimulan na ang pagproseso ng bonus at maaaring mas maagang maipamahagi ito sa ilang ahensiya depende sa bilis ng kanilang proseso.

Sinabi rin ni Castro na nakalaan na ang pondo para rito sa 2026 General Appropriations Act (GAA).

Para maging kwalipikado sa PBB, kailangang makakuha ang isang ahensiya ng hindi bababa sa 70 puntos sa performance assessment.

Inaasahang maglalabas ng hiwalay na guidelines ang mga kinauukulang ahensiya para sa implementasyon at pagpapalabas ng bonus sa mga kwalipikadong empleyado. 

( DARIS JOSE)