Tulfo: Magplano, maglaan ng pondo sa banta ng ‘Super El Niño’
- Published on October 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGBABALA si Sen. Erwin Tulfo sa bantang dulot ng posibleng “Super El Niño,” at iginiit na maiiwasan ang matinding tagtuyot, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at pagkawala ng kabuhayan kung agad na kikilos ang pamahalaan sa pamamagitan ng maagang pagpaplano at sapat na pondo.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa P6.87 bilyon ang pinsala sa agrikultura at naapektuhan ang 223,214 magsasaka hanggang Setyembre 26, 2026. Dahil dito, sinabi ni Tulfo na wala nang panahong dapat aksayahin upang mabawasan ang maaaring maging epekto ng krisis.“Hindi na natin dapat hintaying matuyo ang mga sakahan, maubusan ng tubig ang mga komunidad, at magdusa ang ating mga kababayan bago kumilos. Nariyan na ang mga babala at siyentipikong datos. Panahon na para magkaroon ng maagap at konkretong plano upang maprotektahan ang mamamayan,” ani Tulfo.
Bagama’t kinilala niya ang itinatag na El Niño Task Force ng administrasyon, sinabi ng senador na hindi dapat malimitahan ang pagtugon sa agrikultura at irigasyon lamang.
Dahil dito, pormal na iniharap ni Tulfo ang usapin sa Senado at ini-refer ito sa Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) Ad Hoc Committee na naatasang tugunan ang mga hamong dulot ng paghina ng ekonomiya, pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, at pagbagsak ng purchasing power ng mga Pilipino.
Nilinaw naman ng senador na hindi niya layuning magdulot ng pangamba kundi hikayatin ang agarang paghahanda ng pamahalaan at ng publiko. ( DARIS JOSE)