• October 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 2nd, 2026

Imbakan ng mga imported na isdang mackerel sinalakay, 5 arestado

Posted on: October 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIMBOG ang limang indibidwal kabilang ang isang Chinese national sa isinagawang raid ng pulisya sa isang cold storage facility na imbakan ng mga imported na isdang mackerel sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.

Armado ng search warrant na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) National Capital Judicial Region Acting Presiding Judge Rosalia I, Hipolito-Bunagan ng Branch 232, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Northern Police District (NPD) Criminal Investigation and Detective Group (CIDG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-NCR), Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement (DAIE), at Caloocan Police ang Ocean Fish Cold Storage Realty Corp. sa C-4 Road, Dagat-dagatan Brgy. 8 dakong alas-6:00 ng gabi.

Kinilala ang mga nadakip na si alyas “Hui”, Chinese national, compound supervisor at mga Filipinong maintenance crew na sina alyas “Eubert”, alyas “Justine”, at alyas “John Lloyd” , pati na ang driver na si alyas “Antonio”, habang wala sa naturang pasilidad ang subject ng search warrant na si alyas “Cai”, Chinese national.

Nakumpiska ng mga awtoridad sa loob ng cold storage ang kabuuang 755 na kahon ng Frozen Pacific Mackerel mula sa China na nagkakahalaga ng P1, 057,000.00 at isang wing van na ginagamit sa pagbiyahe ng puslit na frozen mackerel.

Inangkat ang naturang frozen mackerel nang walang wastong pahintulot, o maling paggamit ng mga aprubadong inangkat na kalakal na paglabag sa food safety at traceability regulations na may katapat na kaparusahan sa ilalim ng umiiral na Philippine Fisheries Law.

Sasampahan ng kaukulang kasong paglabag sa Section 18 Paragraph F at Q ng Fisheries Administrative Order No. 275 na may kaugnayan sa Section 105 ng R.A 8550 o ng The Philippine Fisheries Code of 1998 na inamiyendahan ng R.A. No. 10654.

 (Richard Mesa)

PHILTRA, NAGSAGAWA NG SUMMIT SA NICOTINE AT HARM REDUCTION

Posted on: October 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSAGAWA ang Philippine Tobacco Harm Reduction Advocates (PHILTRA) ng 2nd National Summit on Nicotine and Harm Reduction, na dinaluhan ng mga medical expert, consumer group at industry representative upang talakayin ang mga polisiya sa sigarilyo, vape at iba pang nicotine products.

Tinalakay sa summit ang mga panukalang pagbabawal sa vaping at heated tobacco products at ang posibilidad na patawan ang vape products ng kapantay na buwis ng sigarilyo.

Ayon sa mga participant, dapat isaalang-alang ang antas ng panganib sa pagbuo ng tax policies at hindi awtomatikong pantayin ang buwis sa smoke-free alternatives at combustible cigarettes.

Binigyang-diin din ang harm reduction, na naglalayong hikayatin ang mga smoker na hindi kayang tuluyang tumigil sa nicotine na lumipat mula sa combustible tobacco sa mga alternatibong mas mababa ang panganib.

Ibinahagi rin ang karanasan ng Sweden, United Kingdom, New Zealand at Japan, kung saan bumaba ang smoking rates kasabay ng pagkakaroon ng alternatives.

Nagbabala naman ang mga participant na ang sobrang taas na buwis sa legal na produkto, kung walang mahigpit na laban sa illegal trade ay maaaring magtulak sa mga consumer na bumili ng mas mura at hindi nabubuwisang produkto.

Nanawagan ang summit ng mas mahigpit na pagpapatupad laban sa illicit trade at access ng kabataan, habang pinananatili ang risk-based distinction sa pagitan ng sigarilyo at smoke-free products. 

(Gene Adsuara)

3 timbog sa pot-session sa Valenzuela

Posted on: October 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng tatlong drug suspects matapos maaktuhang bumabatak umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat, nakatanggap ng tawag sa telepono ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento hinggil sa umano’y nagaganap na illegal drug activities sa Aka St., beside Kadiwa Market, Brgy., Malanday kaya rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 6.

Pagdating sa lugar, naaktuhan nina PSSg Flavin at PCpl Manalad si alyas “Toper”, 30, na sumisinghot umano ng shabu na dahilan ng kanyang pagkakaaresto dakong alas-2:30 ng Huwebes ng madaling araw.

Nauna rito, alas-4:00 ng hapon nang maaktuhan naman nina PCpl Sison at Pat Asuncion, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 4 si alyas “Jonard”, na bumabatak ng droga sa labas ng isang abandonadong bahay sa Pinagpala St., Sitio Pinalagad, Brgy., Malinta.

Habang arestado din si alyas “Rey ” nang maaktuhan naman nina Pat Calagui at Pat Hernandez, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 9 na nagsa-shabu umano sa ilalim ng NLEX Harbour Link sa Francisco St., Brgy , Karuhatan pasado alas-8:05 ng gabi.

Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng bahid ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalias.

Ayon kay SDEU investigator P/MSgt. Carlito Nerit Jr., mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 12 at 15 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

DSWD, BINIGYAN NG SOCIAL PROTECTION ASSISTANCE SI MARY JANE VELOSO AT KANYANG PAMILYA

Posted on: October 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAGKALOOB ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang social protection assistance para kay Mary Jane Veloso at sa kanyang pamilya matapos siyang mapalaya mula sa Women’s Correctional facility matapos matanggap ang absolute pardon mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 25.

Noong Linggo (Setyembre 27), binisita ng Field Office (FO) 3 ng DSWD – Central Luzon si Veloso at ang kanyang pamilya sa Gen. Mamerto Natividad, Nueva Ecija, at binigyan siya ng Php30,000 na tulong pinansyal kasama ang kanyang mga magulang na nakatanggap ng tig-P10,000. Magkakaroon din ng karagdagang Php20,000, tig-P10,000, sa kanyang dalawang anak na lalaki sa Lunes (Setyembre 28).

“Kasunod po ng pag-grant ng absolute pardon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinimulan na po ng DSWD ang pagbibigay ng suporta kay Mary Jane at sa kanyang pamilya ngayong nakauwi na siya at nagsisimula muli,” sinabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao, ang tagapagsalita ng DSWD.

Sa pagbisita, sinuri rin ng mga tauhan ng DSWD FO 3 ang tulong ni Veloso sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP), na nagbibigay ng suporta sa kabuhayan sa mga kwalipikadong indibidwal at pamilya upang makapagtatag o mapalakas ang mga mapagkukunan ng kita.

“Ang layunin natin ay hindi lamang matugunan ang kanyang agarang pangangailangan, kundi matulungan din siyang makapagsimula at maging mas self-sufficient. Nandito po ang Kagawaran upang gabayan siya at ang kanyang pamilya sa bawat hakbang habang siya ay muling nag-a-adjust sa kanyang buhay kasama ang kanyang mga mahal sa buhay,” sabi ni Asst. Secretary Dumlao.

Ang tulong ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DSWD na makapagbigay ng angkop na mga social protection interventions sa mga vulnerable family at indibidwal, kabilang ang mga nangangailangan ng suporta ng gobyerno sa muling pagtatayo ng kanilang kabuhayan at pagpapalakas ng kanilang kakayahan para sa kasarinlan.

“Malaya na si Mary Jane, at nais nating ang kanyang pagbabalik sa kanyang pamilya ay masundan ng pagkakataong makapagsimula muli. Nakatutok po ang DSWD sa pagsiguro na magkakaroon sila ng maayos na pangkabuhayan at mapunan ang kanilang mga pangangailangan na matutukoy sa ating assessment,” sabi ni Asst. Secretary Dumlao. (PAUL JOHN REYES)

Supply ng tubig sa Metro Manila babawasan dahil sa El Niño

Posted on: October 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SIMULA ngayong Okubre, ibababa na sa 44 cubic meters kada segundo ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila bilang paghahanda sa posibleng epekto ng inaasahang Super El Niño.

Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), mula ito sa regular na 50 hanggang 53 cubic meters kada segundo na inilalaan sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), na nangangasiwa sa suplay ng tubig sa Metro Manila, Cavite, at Rizal sa pamamagitan ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc.

Kasabay nito, iba­baba rin sa 20 cubic meters kada segundo ang alokasyon para sa irigasyon mula sa kasalukuyang 30 hanggang 35 cubic meters kada segundo. Layunin ng hakbang na mapanatiling sapat ang suplay ng tubig para sa publiko at sektor ng agrikultura.

Ayon kay NWRB ­Executive Director Sevillo David Jr., kailangan ang maagang paghahanda dahil posibleng maging isa sa pinakamainit at pinakamalalang El Niño na mararanasan ng bansa. Maaari umanong bumaba ang dami ng ulan na siyang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Angat Dam.

Ang Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan ay nagsusuplay ng 90% hanggang 98% ng panga­ngailangan sa tubig ng Metro Manila at nagbibigay rin ng irigasyon sa halos 31,000 ektaryang lupang sakahan sa Bulacan at Pampanga. Bagama’t nasa normal na 208-meter level ang dam, sinabi ni David na hindi pa ito dahilan upang maging kampante.

Hinikayat ng NWRB ang MWSS na gamitin ang iba pang mapagkukunan ng tubig, kabilang ang mga treatment facility sa Laguna Lake, Cavite, at Parañaque, habang nanawagan din sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig upang makatulong na mapanatili ang suplay sa harap ng El Niño.

Ads October 2, 2026

Posted on: October 2nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments