• October 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DSWD, BINIGYAN NG SOCIAL PROTECTION ASSISTANCE SI MARY JANE VELOSO AT KANYANG PAMILYA

IPINAGKALOOB ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang social protection assistance para kay Mary Jane Veloso at sa kanyang pamilya matapos siyang mapalaya mula sa Women’s Correctional facility matapos matanggap ang absolute pardon mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 25.

Noong Linggo (Setyembre 27), binisita ng Field Office (FO) 3 ng DSWD – Central Luzon si Veloso at ang kanyang pamilya sa Gen. Mamerto Natividad, Nueva Ecija, at binigyan siya ng Php30,000 na tulong pinansyal kasama ang kanyang mga magulang na nakatanggap ng tig-P10,000. Magkakaroon din ng karagdagang Php20,000, tig-P10,000, sa kanyang dalawang anak na lalaki sa Lunes (Setyembre 28).

“Kasunod po ng pag-grant ng absolute pardon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinimulan na po ng DSWD ang pagbibigay ng suporta kay Mary Jane at sa kanyang pamilya ngayong nakauwi na siya at nagsisimula muli,” sinabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao, ang tagapagsalita ng DSWD.

Sa pagbisita, sinuri rin ng mga tauhan ng DSWD FO 3 ang tulong ni Veloso sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP), na nagbibigay ng suporta sa kabuhayan sa mga kwalipikadong indibidwal at pamilya upang makapagtatag o mapalakas ang mga mapagkukunan ng kita.

“Ang layunin natin ay hindi lamang matugunan ang kanyang agarang pangangailangan, kundi matulungan din siyang makapagsimula at maging mas self-sufficient. Nandito po ang Kagawaran upang gabayan siya at ang kanyang pamilya sa bawat hakbang habang siya ay muling nag-a-adjust sa kanyang buhay kasama ang kanyang mga mahal sa buhay,” sabi ni Asst. Secretary Dumlao.

Ang tulong ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DSWD na makapagbigay ng angkop na mga social protection interventions sa mga vulnerable family at indibidwal, kabilang ang mga nangangailangan ng suporta ng gobyerno sa muling pagtatayo ng kanilang kabuhayan at pagpapalakas ng kanilang kakayahan para sa kasarinlan.

“Malaya na si Mary Jane, at nais nating ang kanyang pagbabalik sa kanyang pamilya ay masundan ng pagkakataong makapagsimula muli. Nakatutok po ang DSWD sa pagsiguro na magkakaroon sila ng maayos na pangkabuhayan at mapunan ang kanilang mga pangangailangan na matutukoy sa ating assessment,” sabi ni Asst. Secretary Dumlao. (PAUL JOHN REYES)