3 timbog sa pot-session sa Valenzuela
- Published on October 2, 2026
- by Francis Paolo Torres
REHAS na bakal ang kinasadlakan ng tatlong drug suspects matapos maaktuhang bumabatak umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat, nakatanggap ng tawag sa telepono ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento hinggil sa umano’y nagaganap na illegal drug activities sa Aka St., beside Kadiwa Market, Brgy., Malanday kaya rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 6.
Pagdating sa lugar, naaktuhan nina PSSg Flavin at PCpl Manalad si alyas “Toper”, 30, na sumisinghot umano ng shabu na dahilan ng kanyang pagkakaaresto dakong alas-2:30 ng Huwebes ng madaling araw.
Nauna rito, alas-4:00 ng hapon nang maaktuhan naman nina PCpl Sison at Pat Asuncion, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 4 si alyas “Jonard”, na bumabatak ng droga sa labas ng isang abandonadong bahay sa Pinagpala St., Sitio Pinalagad, Brgy., Malinta.
Habang arestado din si alyas “Rey ” nang maaktuhan naman nina Pat Calagui at Pat Hernandez, kapwa nakatalaga sa Police Sub-Station 9 na nagsa-shabu umano sa ilalim ng NLEX Harbour Link sa Francisco St., Brgy , Karuhatan pasado alas-8:05 ng gabi.
Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng bahid ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalias.
Ayon kay SDEU investigator P/MSgt. Carlito Nerit Jr., mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 12 at 15 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)