Tinukoy ni Adiong ang testimonya ni Philippine Statistics Authority (PSA) Assistant National Statistician Marizza Grande kung saan sinabi nito sa pagdinig ng impeachment court sa Senado nitong Lunes na 1,685 sa 2,669 na pangalan ng mga nakatanggap ng confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ay walang record ng kapanganakan, kasal o pagkamatay.
“Iisa lang naman ’yung punto dito, eh—talagang mayroong misuse,” sabi ni Adiong. “So it’s purely, obviously, pambubudol at ’yung paggamit—ano ba sa Tagalog ’yan? Pag-abuse ng pera, paglulustay ng pera ng taong-bayan.”
Ayon kay Grande, 1,287 sa 1,992 na pangalan sa listahan ng OVP list at 398 sa 677 na pangalan sa listahan ng DepEd ay walang record sa tatlong kategorya ng PSA Civil Registry System.
Aniya, nagsagawa ang PSA ng “reverification” kung saan lumitaw na 37 ay patay na at may official death certificates — 32 mula sa listahan ng OVP list at lima sa DepEd.
Idinagdag ni Grande na 25 na pangalan ay mga menor de edad — 20 mula sa listahan ng OVP list at lima sa DepEd.
Base sa findings ng PSA, lumalabas na kaduda-duda ang mga acknowledgment receipts (ARs) sa paggamit ng confidential funds.
“Kasi unang-una, paano ka pa naman kukuha ng isang impormasyon sa matagal nang patay? Pangalawa, paano ka kukuha ng isang impormasyon sa isang bata?” sinabi ni Adiong.
Partikular na tinukoy ni Grande ang isang Fortunato Salig na namatay noong June 29, 2011, batay sa kanyang death certificate. Mayroon din isang Emilio Sagan na may death certificate dated July 28, 2015, at isang Rodolfo P. Traya na may death certificate na nagpapakita na namatay ito noong May 4, 2021.
Binanggit din ni Grande ang isang Marlin Sunga na napag alaman ng PSA na namatay dalawang buwan gulang pa lamang noong Nov. 2, 1965. Dalawang menor de edad, Beatrice Cuenca, mula sa listahan ng OVP na nakatanggap ng confidential fund ay pinanganak noong Jan. 7, 2022. Isang Mikay de los Reyes, ipinanganak noong Jan. 13, 2020, ay nakatanggap din umano ng confidential fund.
Sa kanyang testimonya, nabanggit ni Grande ang ilang pangalan na personal niyang sinaliksik na tulad nila Arthur Baon, Ralph Josh Bacon, Beverly Claire Pampano, Matthew N. Keso, Maxine Callos, Charles Sampalok Jr., Xiaome Ocho, Dan Rick Ocho, Tomas Panda, Timon Angelo Pusa, Tina Maching at Mary Grace Piattos.
Pinanindigan ni Grande na lahat ng nabanggit na pangalan ay walang birth certificate, marriage certificate o death certificate, batay sa records ng PSA.
(VINA de GUZMAN)