Hospital arrest pero nakatakdang ilipat sa QC Jail sa Arrest warrant laban kay Romualdez, naisilbi naPayatas…
- Published on September 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
ISINILBI na ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban kay dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez habang ito ay na-confine sa Cardinal Santos Medical Center, Lunes ng gabi.
Kumpirmado mula kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na opisyal nang itinuturing na person deprived of liberty (PDL) ang dating House leader matapos nitong tanggapin ang warrant sa kanyang silid sa ospital.
Agad ding isinailalim si Romualdez sa mga kinakailangang booking procedure at pagbasa ng kaniyang mga karapatan sa pamumuno ng mga awtoridad sa loob mismo ng pasilidad.
Ayon sa pahayag ng DILG, naisugod sa ospital ang mambabatas matapos makaranas ng cardiovascular event, pagtaas ng presyon ng dugo, at anxiety attack nang mabalitaan ang paglabas ng kautusan ng Sandiganbayan.
Nakatakda namang manatili ang mga bantay mula sa pambansang pulisya sa labas ng kaniyang silid at sa paligid ng ospital habang patuloy na sinusuri ng mga doktor ang kaniyang lagay ng kalusugan
Muling tiniyak ng pamahalaan na agad na ililipat si Romualdez sa pasilidad ng kulungan sa Quezon City Jail sa Payatas sa sandaling magbigay ng clearance ang mga medikal na dalubhasa na maaari na siyang lumabas.
‘DADALHIN NAMIN SA PAYATAS… ‘PAG SINABI NG DOKTOR NA KAYA NIYA’
Ito ang sinabi ni Interior Sec. Jonvic Remulla matapos ang pagsisilbi ng arrest warrant laban kay dating House speaker Martin Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City ngayong Lunes, Sept. 7.
Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa mga doktor ni Romualdez para tukuyin kung ligtas na siyang mailipat sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP).
“Hindi ito permanenteng sitwasyon. Ang kuwarto sa Payatas, nag-aantay sa kanya kung sabihin man ng korte. Patas ang laban dito,” paninindigan ni Remulla.
( DARIS JOSE)