• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

Civil service laws at rules sa lahat ng barangay officials, suportado ng Senior Citizens Party-List

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SUPORTADO ng Senior Citizens Party-list ang panukala ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na masaklaw ng civil service laws at rules ang lahat ng barangay officials.

Ayon kay Senior Citizens Party List Rep. Rodolfo Ordanes, Senior Vice Chair ng Committee on Senior Citizens at Vice Chair at Committee on Appropriations, sa ngayon ay walang educational qualifications para maging barangay kapitan at kagawad.

Hindi aniya ito makatarungan para sa mga mamamayan na umaasang may competence ang mga halal na kapitan at kagawad, hindi lang basta can read and write.

“Kasi hahawak sila ng responsibilidad, public funds, at mangangasiwa ng mga programa at proyekto.

Sa aming pananaw, kasama rin dapat sa saklaw ng civil service laws at rules ang lahat ng elected at appointed officials sa barangay. Kailangan ito para tumaas naman ang kalidad ng serbisyo sa barangay,” anang mambabatas.

Kailangan din aniyang maamyendahan ang Local Government Code of 1991 upang ma-upgrade ang kuwalipikasyon ng elected barangay officials.

Ang barangay chairpersons, councilors, at lahat ng regular barangay staff members ay dapat na high school graduates at nakapasa sa Civil Service Subprofessional Examination.

Kung ang barangay staff member ay college graduate, nakumpleto ang ilang college education, o katumbas na kuwalipikasyon base sa work experience at equivalency test results, ang salary grade ay dapat na aayon sa staff member’s qualifications, mula Salary Grade 10 hanggang SG 12.

Dapat ding magkaroon ng isang komprehensibong barangay civil service system para sa mga barangay secretary, treasurer, budget officer, administrator, clerks, administrative assistants, at DRRMO officer.

Ang mga barangay tanods, drivers, at utility personnel ay maaaring maging SG-1 dahil sa minimum educational qualifications na elementary graduate at nakapasa sa equivalency assessment.

 (VINA de GUZMAN)

Pananatili ni VP Sara sa private company board, isang ‘clear violation’ ng konstitusyon

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG patuloy na pananatili ni Vice President Sara Z. Duterte bilang miyembro ng board ng isang pribadong kumpanya matapos maluklok sa puwesto noong 2022 ay isang “clear violation” sa constitutional restriction na nagbabawal sa isang nakaupong bise presidente sa pagpartisipa sa kalakalan.

Pahayag ito ni House prosecution spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kaugnay sa iprinisintang records ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa impeachment trial na nagpapakita na patuloy pa ring nakalista ang vp bilang director ng Metro City Chow Foods Corp. Mula 2022 hanggang 2025.

“Pero ’yung mga lahat po ng dineclare niyang mga kumpanya o negosyo kung saan director siya, ’yung saan shareholder siya, hindi po siya nag-divest,” ani Alonto Adiong. “So this is a clear violation. Mas malinaw po ito kaysa sikat ng araw ’yung tahasang pag-violate ng ating Constitution under Article VII, Section 13.”

Sa ginanap na trial, kinuwestiyon ni private prosecutor Atty. Erwin Matib si SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo Fernando Del Rosario kung maaaring manatili si Duterte bilang miyembro ng board ng isang kumpanya matapos maupong vice president.

Sinagot naman ni Del Rosario ang pagkakaroon ng constitutional restrictions na sumasakop sa President, Vice President, Cabinet members at kanilang deputies o assistants, na nagbabawal sa kanila na humawak ng ibang opisina o employment, mag-practice ng ibang propesyon o sumali sa business during habang nasa posisyon.

Nakapaloon sa Article VII, Section 13 na ang President at Vice President, kasama ang ibang opisyal ay hindi maaaring humawak ng ibang opisina o employment, mag-practice ng ibang profession o mag- “participate in any business” habang hunahawak ng katungkulan.

Pinagbabawalan din silang magkaroon ng financial interest sa government contracts, franchises o special privileges at iwasan na magkaroon ng conflicts of interest.

Inihayag pa ni Del Rosario na patuloy ang Metro City Chow Foods’ General Information Sheets (GIS) sa paglista kay Duterte bilang miyembro ng board of directors nito matapos maupo bilang vice president.

“Ayon po sa GIS nila, from 2022 hanggang 2024, si VP Sara Duterte po ay member pa rin po ng board of directors,” ani del Rosario.

Para sa 2025, sinabi ni Del Rosario na nananatili pa ring miyembro ng board of directors sa GIS ang VP.

Nagsimulang manungkulan bilang vp si Duterte noong June 30, 2022.

Isinusulong ng prosekusyon na ma-establish na hindi lamang ipinanatili umano ni Duterte ang ownership interest sa Metro City Chow Foods kundi nagpatuloy ito sa pag-upo sa board sa Compensation Committee habang naninilbihan bilang vice president.

Nanatili ang posisyon ng prosekusyon sa naunang testimonya mula kay retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, ukol sa Article VII, Section 13 na nagsasaad sa constitutional restrictions para sa naka-upong presidente o vice president. (VINA de GUZMAN)

PBBM, itinutulak ang AI para sa mas ‘accessible, inclusive gov’t services’

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINUTULAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas malawak at mas ‘inclusive access’ sa artificial intelligence (AI) habang inilunsad ng gobyerno, araw ng Lunes ang bagong AI-powered feature ng eGovPH Superapp.

Sa isang mensahe na inihatid ni Cabinet Secretary Benhur Abalos sa isinagawang ceremonial launch ng eGov AI sa Manila Hotel, sinabi ni Pangulong Marcos na ang umuusbong na mga teknolohiya ay dapat na gawing accessible sa mas maraming Fiipino at para magamit upang mapahusay ang serbisyo publiko.

“We live in a time when technology is transforming how we learn, work, and do business. Artificial intelligence, or AI in particular, offers new ways of solving problems and making everyday tasks more efficient,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Hence, the government must be ready to make these technologies work for the Filipino people,” aniya pa rin.

Tinukoy ni Pangulong Marcos ang 2024 study na nagpapakita lamang na 14.9% ng mga kompanya sa mga bansa na gumagamit ng AI tools, na may adopsyon na konsentrado sa mas malaki, technology-related companies sa urban centers.

“Structural barriers and connectivity also affect businesses’ ability to adopt emerging technologies,” ang sinabi ng Pangulo.

“These realities tell us where our work must continue. We must make innovation more accessible and equip our people with the skills to use it,” dagdag na wika nito.

Binigyang diin ng Chief Executive na ang AI development ay dapat na naka-angkla sa pananagutan, seguridad at serbisyo publiko.

“That is why this administration is championing the ethical and responsible use of AI as a means to improve our services to Filipinos and create opportunities for them,” ani Pangulong Marcos.

Nauna rito, inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang eGov AI sa eGov Super App ngayong araw, Sept. 21

Ito ay All-in-One Government AI assistant na inilagay sa eGov Super App upang gawing mas maayos at mabilis ang mga pagtugon sa mga katanungan.

Winika ng Pagulo na ipinapakita ng plataporma kung paano magagawa ng teknolohiya na ang sersbiyo ng gobyerno ay mas maging accessible habang pinapanatili ang mga pananggalang para sa mga gumagamit.

“Every technology we introduce must ultimately serve public interests,” ayon kay Pangulong Marcos.

Dahil dito, hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga pinoy na gamitin ang AI ng “wisely, responsibly, and ethically,” binigyang diin na ang teknolohiya ay dapat na nagko-complement, at hindi para palitan, ang paghatol ng tao.

“Always remember that technology should sharpen our judgment, not replace it. Let us use AI as a tool to make well-informed decisions without surrendering our own capacity to question, discern, and decide,” anito.

Samantala, pinasalamatan naman ng Pangulo ang government partners, stakeholders, at indibiduwal na may kinalaman sa pag-develop ng teknolohiya, sabay sabing “innovation should create opportunities for Filipinos and ensure that “no Filipino is left behind” in the digital transition.” (DARIS JOSE)

BI, NAPIGIL ANG PINAGHIHINALAANG SINDIKATO NG ILLEGAL SURROGACY PATUNGONG GEORGIA

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAILIGTAS ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Filipina na itinuturing na posibleng biktima ng human trafficking na may kaugnayan sa isang pinaghihinalaang surrogacy scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal.

Sa isinumiteng ulat  kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ni Jerica Ann Arsola, hepe ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI sa NAIA Terminal 3, na ang pasahero ay  pupunta siya sa Thailand para sa pitong araw na bakasyon pero dahil sa hindi pagkakatugma ng kanyang mga pahayag, ini-refer siya ng primary immigration officer sa I-PROBES para sa karagdagang beripikasyon.

Sa isinagawang secondary inspection, isiniwalat ng babae na  ang tunay niyang destinasyon ay  Georgia, kung saan makikipagkita siya sa isang Chinese national na kinilalang “Luca,” na nakilala lamang niya sa pamamagitan ng WhatsApp. Ayon sa biktima , ipinakilala sa kanya si Luca ng isang Filipina na tinukoy bilang “Aubrey.”

Isiniwalat din ni pasahero  na inalok siya ng surrogacy arrangement  na umano’y magbibigay sa kanya ng  US$400 kada buwan habang nagbubuntis, bukod pa sa karagdagang  US$600 matapos manganak.

Narekober din ng mga tauhan ng I-PROBES ang isang  Georgia e-visa  at itinerary na nagpapakitang mula Bangkok ay tutuloy ang pasahero sa Georgia sa pamamagitan ng  Shanghai, China. Nagdulot ito ng karagdagang pagdududa sa tunay na layunin ng kanyang paglalakbay.

Dahil dito, ini-refer at kalaunan ay itinurn-over ang pasahero sa  Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri, imbestigasyon, at kaukulang aksyon.

Pinuri ni Commissioner Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga immigration personnel sa NAIA na nakapansin sa mga hindi magkakatugmang pahayag ng pasahero at agad na nagsagawa ng kaukulang referral. Gene Adsuara

VICE MAYOR CHI SA MGA NAGPOPROTESTA SA MAYNILA, RESPETUHIN ANG PATAKARAN SA LUNGSOD

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAALALA ni Manila Vice Mayor Chi Atienza sa mga rallyista na nagsasagawa ng aktibidad sa Lungsod kasabay ng paggunita ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ang pagrespeto sa ipinapatupad na patakaran sa Lungsod.

Aniya, pairalin sana ng mga nagkikilos protesta ang kaayusan at paggalang sa lungsod kung saan pinayagan nila ang mga ito na magsagawa ng aktibidad pero dapat maayos ang lahat pagkatapos.

Sinabi ng bise alkalde na kinikilala ng Manila LGU ang karapatan ng bawat isa na magtipon at magpahayag, ngunit hiniling na panatilihing maayos ang mga aktibidad at tiyaking malinis at ligtas ang paligid.

Tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na nakahanda naman ang mga kinakailangang kagamitan at tauhan sakaling dumami ang mga magsasagawa ng rally sa lungsod.

Nagpaalala rin si Vice Mayor Chi hinggil sa Anti-Baclavа Ordinance na ipinatutupad sa lungsod. Muling paalala ng Manila LGU, patuloy nilamg pinapayagan ang pagsasagawa ng mga rally at iba pang pagtitipon, basta’t gagawin ang mga ito nang maayos at naaayon sa batas. 

“Bilang OIC ng ating Alkalde, isa lamang po ang hinihingi namin sa mga rallyista. Maaari po kayong pumasok sa aming siyudad, ngunit sana pag labas ninyo, maging maayos rin po kayo,” pahayag pa ni VM Chi.  

(Gene Adsuara)

LTFRB, HUMINGI NG EXEMPTION SA COMELEC PARA SA FUEL SUBSIDY, ‘LIBRENG SAKAY AT IBA PANG PUBLIC TRANSPORTATION-RELATED PROGRAMS

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HUMINGI ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. “Banoy” Lopez, ng exemption sa Commission on Elections (COMELEC) para sa pagpapatuloy ng Service Contracting Program, kabilang ang EDSA Busway “Libreng Sakay,” Fuel Subsidy Program, at iba pang programa sa pampublikong transportasyon sa panahon ng election ban.

Sa liham na may petsang Setyembre 15, ipinaliwanag ni Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr. na ang mga naturang programa ay hindi election-related o partisan activities, kundi mga patuloy na programa ng pamahalaan na naglalayong suportahan ang mga commuter, driver, at operator, lalo na sa gitna ng epekto ng kaguluhan sa Middle East at patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Kabilang sa mga programang hinihiling na ma-exempt sa election ban ang Service Contracting Program (SCP), kabilang ang EDSA Busway Extension at Love Bus “Libreng Sakay” Program; Fuel Subsidy Program (FSP), kabilang ang one-time fuel subsidy at P12 kada litro na fuel discount; at Public Transport Modernization Program (PTMP) at mga nagpapatuloy na aktibidad nito.

Kasalukuyan ding isinasagawa ng LTFRB ang pagpapalabas ng hanggang tatlong buwang assistance package para sa mga operator ng modern public transportation bilang tulong sa kanilang buwanang loan amortization at operational expenses.

Ayon kay Acting Chairman Pua, mahalagang maipagpatuloy ang mga programa upang matiyak ang tuloy-tuloy, abot-kaya, ligtas, at maaasahang serbisyo ng pampublikong transportasyon.

Ayon kay Acting Chairman Pua, nagbibigay ang Service Contracting Program ng suporta batay sa aktuwal at validated na serbisyong naibigay, habang ang Fuel Subsidy Program ay nagbibigay ng targeted assistance sa mga kwalipikadong operator at driver upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng gasolina at mapanatili ang kanilang operasyon. Samantala, ang PTMP ay isang patuloy na pambansang programa para sa modernisasyon at pagpapabuti ng pampublikong transportasyon.

Binigyang-diin ni Acting Chairman Pua na maaaring maapektuhan ang mga commuter, driver, at operator kung maaantala ang mga programang ito, pati na ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa pampublikong transportasyon.

“Ang LTFRB, sa pamamagitan ng patnubay ng Department, ay patuloy na titiyaking ang pagpapatupad ng mga programang ito ay sasailalim sa objective eligibility requirements, wastong dokumentasyon, validation, accounting at auditing rules, at iba pang safeguards na maaaring itakda ng COMELEC, nang walang partisipasyon o pakikilahok ng mga kandidato o partidong pulitikal,” ani Acting Chairman Pua.

 (PAUL JOHN REYES)

ERC: VAT sa system loss, out na sa Nobyembre

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INAASAHANG sa November billing mararamdaman ng mga konsumer ang epekto ng pagtatanggal ng value added tax (VAT) sa allowable system loss charges na ipinapataw ng mga power utilities.

Ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC), nakipagpulong na sila sa mga stakeholders upang madaliin ang pagpapatupad ng circular na inisyu ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong ­Setyembre 14.

“So hopefully, by October consumption natin ay mag-e-effect na ’yung walang VAT sa system loss charge, at ito ay makikita na natin sa November na bill na matatanggap natin,” pahayag ni ERC chairperson Francis Saturnino Juan sa panayam sa radyo.

Batay sa Revenue Memorandum Circular 097-2026, ang system loss charges na pasok sa cap na aprubado ng ERC ay hindi na papatawan ng 12% VAT at ituturing na government-mandated pass-through costs.

Nilinaw ng ERC na ang aalisin lamang ay ang VAT, hindi ang mismong system loss charge. Paliwanag ng BIR, ang system loss ay kaugnay ng generation at transmission costs ng kuryenteng nawawala, hiwalay sa mismong generation, transmission, at distribution charges na nananatiling may VAT.

Tinatayang nasa pagitan ng P20-P30 ang VAT sa system loss charge. Ayon sa Department of ­Energy (DOE), ang mga tahanang kumukonsumo ng 200 kilowatt-hours (kWh) kada buwan ay maaaring makatipid ng hanggang P20 sa kanilang electricity bills sa sandaling tuluyan nang matanggal ang VAT sa system loss charge.

Malabon City Exec, nakumpleto ang Global MBA sa UWA

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na natapos ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete ang kanyang Master’s in Business Administration (Global) sa University of Western Australia (UWA), na minarkahan ang isa pang makabuluhang milestone sa patuloy nitong paghahangad ng propesyonal na paglago at kahusayan sa pampublikong administrasyon.

Nakumpleto ni Dr. Rosete ang dalawang taong graduate program na nagpapatibay sa kanyang akademikong pundasyon sa strategic management, leadership, organizational development, at global business practices. Natapos niya ang kanyang unang taon sa Asian Institute of Management (AIM), kung saan nakuha niya ang kanyang Post Graduate Diploma in Management, bago natapos niya ngayon ang Global MBA sa UWA.

Ang kanyang academic journey mula sa AIM sa Pilipinas hanggang sa UWA sa Australia ay nagbigay sa kanya ng mga pagkakataon upang palalimin ang kanyang pang-unawa sa pamamahala habang nagkakaroon ng pagkakalantad sa mga internasyonal na pananaw at kasanayan na maaaring ilapat sa complex organizational at public-sector environments.

“Education is not simply about earning another credential. In public service, learning must translate into better decisions, more efficient systems, and services that respond to the needs of our people. Every lesson in leadership and management carries a responsibility. The real measure of what we learn is how we use that knowledge to improve government operations and create meaningful results for the people we serve,” aniya.

Ang MBA (Global) program at UWA ay nagpapaunlad ng mga kakayahan sa negosyo at pamumuno habang binibigyan ang mga mag-aaral ng mas malawak na pang-unawa sa pamamahala at mga organisasyon sa isang pandaigdigang kapaligiran ng negosyo. Sinasaklaw nito ang mga lugar tulad ng estratehikong pamamahala, pag-uugali ng organisasyon, pamumuno, paggawa ng desisyon, at pandaigdigang negosyo.

Sinabi ni Dr. Rosete na ang kanyang pagkakalantad sa mga pandaigdigang gawi ay nagpatibay sa kahalagahan ng pagbabago at kakayahang umangkop sa pamahalaan at magbibigay sa kanya ng kaalaman na maaaring suportahan ang kanyang trabaho sa pamamahala, estratehikong pagpaplano, at pagpapabuti ng serbisyo sa pampublikong sektor.

“Local governments operate in a changing environment. We need to remain open to new ideas, learn from effective practices, and adapt them to the realities and needs of our own communities. Innovation in government should always have one purpose: to make public service more accessible, efficient, and responsive,” ani Dr. Rosete. 

Dagdag niya, ang mahusay na administrasyon ay dapat na sa huli ay manatiling nakasentro sa mga tao, na may mga sistema, patakaran, at teknolohiya na nagsisilbi sa interes ng publiko at tumutulong na gawing mas mahusay ang gobyerno para sa bawat Malabueño.

Binigyang-diin din niya na ang pag-aaral ay dapat magpatuloy sa kabila ng pagkakaroon ng diploma, dahil ang bawat bagong kaalaman ay nagdudulot ng mas malaking responsibilidad na maglingkod, pagbutihin, at humanap ng mas mabuting paraan ng paggawa ng mga bagay para sa komunidad. (Richard Mesa)

Ads September 22, 2026

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Ads September 21, 2026

Posted on: September 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments