BI, NAPIGIL ANG PINAGHIHINALAANG SINDIKATO NG ILLEGAL SURROGACY PATUNGONG GEORGIA
- Published on September 22, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAILIGTAS ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Filipina na itinuturing na posibleng biktima ng human trafficking na may kaugnayan sa isang pinaghihinalaang surrogacy scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal.
Sa isinumiteng ulat kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ni Jerica Ann Arsola, hepe ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI sa NAIA Terminal 3, na ang pasahero ay pupunta siya sa Thailand para sa pitong araw na bakasyon pero dahil sa hindi pagkakatugma ng kanyang mga pahayag, ini-refer siya ng primary immigration officer sa I-PROBES para sa karagdagang beripikasyon.
Sa isinagawang secondary inspection, isiniwalat ng babae na ang tunay niyang destinasyon ay Georgia, kung saan makikipagkita siya sa isang Chinese national na kinilalang “Luca,” na nakilala lamang niya sa pamamagitan ng WhatsApp. Ayon sa biktima , ipinakilala sa kanya si Luca ng isang Filipina na tinukoy bilang “Aubrey.”
Isiniwalat din ni pasahero na inalok siya ng surrogacy arrangement na umano’y magbibigay sa kanya ng US$400 kada buwan habang nagbubuntis, bukod pa sa karagdagang US$600 matapos manganak.
Narekober din ng mga tauhan ng I-PROBES ang isang Georgia e-visa at itinerary na nagpapakitang mula Bangkok ay tutuloy ang pasahero sa Georgia sa pamamagitan ng Shanghai, China. Nagdulot ito ng karagdagang pagdududa sa tunay na layunin ng kanyang paglalakbay.
Dahil dito, ini-refer at kalaunan ay itinurn-over ang pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri, imbestigasyon, at kaukulang aksyon.
Pinuri ni Commissioner Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga immigration personnel sa NAIA na nakapansin sa mga hindi magkakatugmang pahayag ng pasahero at agad na nagsagawa ng kaukulang referral. Gene Adsuara