• October 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September, 2026

COMELEC, MAGDARAOS NG SPECIAL ELECTION SA BATANES KASUNOD NG PAGPANAW NI REP. GATO

Posted on: September 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPATAWAG ng emergency meeting ang Commission on Elections (Comelec) sa kanilang field officials para paghandaan ang inaasahang special elections sa unang distrito ng Batanes.

Kasunod ito ng pagpanaw kahapon ni Batanes lone district Representative Ciriaco Gato Jr.

Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, kailangang idaos ang special election hindi mas maaga sa 60 araw at hindi lalampas sa 90 araw mula nang mabakante ang puwesto.

Posible rin aniyang isabay ito sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections kung matutuloy ang BSKE sa November 2.

Pero ayon kay Garcia, kailangang ikonsidera ang itinakdang minimum na 60 araw bago maisagawa ang special election.

Si Gato, na chairman ng House Committee on Health, ay pumanaw nitong Lunes. Gene Adsuara

Tinapos ng House of Representatives sa plenaryo ang deliberasyon sa proposed 2027 budget ng ilang ahensiya ng gobyerno.

Partikular na tinapos ng mga mambabatas ang mga budget ng sangay ng gobyerno na may kaugnayan sa anti-money laundering, intelligence, national security operations, kabilang ang peace and amnesty programs. 

Ilan sa mga ahensiya na naaprubahan ang kanilang mga budget ay ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Security Council (NSC), National Amnesty Commission (NAC), at ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU).

Batay sa House Bill No. 10858, o proposed 2027 General Appropriations Bill, ang AMLC ay may alokasyon na ₱144.87 million. 

Ayon kay AMLC budget sponsor Negros Oriental Rep. Maria Isabel Sagarbarria, malaking bahagi ng pondo ay ilalaan sa information and communications technology initiatives ng ahensya, kabilang ang development ng in-house artificial intelligence capability at blockchain analytics platform para matunton ang money laundering na gumamit ng crypto currency.

Samantala, ang OPAPRU ay may nakalaan na ₱9.30 billion na budget, ayon kay Butuan Rep. Jose Aquino II, budget sponsor ng nasabing ahensiya.

Inisponsor din ni Aquino ang proposed ₱266.68-million budget ng National Amnesty Commission bilang suporta sa amnesty program ng gobyerno.

Natapos na rin ang deliberasyon sa ₱2.86-billion budget ng NICA at ₱1.12-billion sa NSC na dinipensahan nila House Committee on Appropriations Vice Chairperson at Sultan Kudarat Rep. Bella Vanessa Suansing. (VINA de GUZMAN)

2nd Valenzuela International Progress Summit

Posted on: September 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA ginanap na 2nd Valenzuela International Progress Summit 2026, kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor Wes Gatchalian ang Top Taxpayers, Job Providers, at Industry Partners nito bilang pasasalamat sa kanilang ambag sa lokal na ekonomiya at sa paglikha ng trabaho para sa mga Valenzuelano. Naging sentro din ng talakayan ang innovation, investment, business partnerships, at digital transformation bilang bahagi ng paghahanda ng Valenzuela sa mga bagong oportunidad at hamon sa negosyo. (Richard Mesa)

Tapat na paglilingkod ng mga Barangay officials ng QC panawagan ni House Speaker na ipagpatuloy

Posted on: September 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si House Speaker Faustino Dy III sa mga barangay officials ng Quezon City na ipagpatuloy ang kanilang matapat na paglilingkod sa kanilang komunidad.

Sa kanyang talumpati sa 31st Quezon City Barangay Day Celebration na ginanap sa Grand Ballroom ng Novotel Manila Araneta City, sinabi ni Dy na “ang matatag na barangay ay tagumpay ng Quezon City.” 

“Mahirap po ang trabaho ng mga punong barangay—ang ating mga barangay officials. Alam ko sa bawat mga barangay, sa 142 barangay na nandito ngayon, may kaniya-kaniya pong kwento,” sinabi ni Dy. 

Aniya, ano mang oras ang kailanganin ay kakatukin ka. “Kinakalampag tayo kahit anong oras. Nandyan po ang ating mga punong barangay, ang ating mga barangay officials—humaharap kahit ano man pong pagsubok, ano man pong paghamon.” 

Ayon kay Dy, nagsimula ang kanyang serbisyo publiko bilang punong barangay sa kanilang komunidad sa Isabela.

“Dito po lahat nagsimula ang aking paglilingkod sa amin pong lalawigan ng Isabela,” sinabi ni Dy na ang kanyang karanasan bilang barangay chairman ay humubog sa kanya na maglingkod sa mas mataas na tungkulin sa gobyerno.

“Sa tingin ko, kapag naging punong barangay ka, kahit ano na posisyon kaya nating gampanan dito sa ating Republika ng Pilipinas,” dagdag ng kongresista.

Iginiit ni Dy na huwag sirain ang tiwala ng komunidad sa iyong kakayahan bilang punong barangay. 

“Hindi lahat ng mahusay ay matino. Hindi lahat ng matino ay mahusay. Kailangan po matino at mahusay nang makita natin at maalagaan natin ang kaban ng bayan,” sinabi ni Dy. (VINA de GUZMAN)

SEC: VP Sara, 4 taon sa board ng private firm habang VP

Posted on: September 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA KABILA ng probis­yon ng Konstitusyon na nagbabawal sa isang Bise Presidente na direkta o hindi direktang makilahok sa anumang negosyo habang nasa puwesto, nanatiling nakalista si Vice President Sara Duterte bilang direktor ng isang pribadong korporasyon mula 2022 hanggang 2025, ayon sa mga rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Sa pagtestigo sa ika-27 araw ng impeachment trial ni Duterte, kinumpirma ni SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario ang mga corporate record na nagpapakitang nakalista si “Sara Z. Duterte” bilang parehong stockholder at miyembro ng board of directors ng Metro City Chow Foods Corporation sa buong panahong siya ay Bise Presidente.

Ipinunto ni private prosecutor Atty. Erwin Matib na hindi awtomatikong nakakakuha ng puwesto sa board ng isang korporasyon ang isang tao dahil ang mga direktor ay inihahalal ng mga shareholder.

“Sino po bang nami­mili ng magiging members ng board of directors?” tanong ni Matib.

“Ang director po ay ini-elect po ng mga shareholders,” sagot ni Del Rosario.

Sinabi ni Matib na patuloy na lumilitaw si Duterte bilang direktor sa mga isinumiteng dokumento ng korporasyon taun-taon.

“So may eleksyon ho? Mukhang taun-taon po may eleksyon at la­ging nananalo si VP Sara sa pagiging director sa kompanyang ito,” sabi ni Matib.

Ipinakita ng mga rekord ng SEC na nakalista si Duterte bilang stockholder at miyembro ng board ng Metro City Chow Foods Corp. mula 2022 hanggang 2025, na may hawak na 500 shares sa kumpanya. Ipinakita rin ng mga naunang corporate record na isa siya sa mga incorporator ng kumpanya nang itatag ito noong 2016 at naging miyembro ng board mula 2018.

Opisyal na nagsimula ang termino ni Duterte bilang Bise Presidente noong Hunyo 30, 2022.

Nauna nang kinumpirma ng SEC na lumitaw ang pangalan ni Duterte sa General Information Sheets ng Metro City Chow Foods Corp. bilang parehong stockholder at miyembro ng board mula 2022 hanggang 2025.

Tinanong naman ni Matib si Del Rosario tungkol sa mga restriksiyong itinakda ng Konstitusyon para sa isang nakaupong Bise Presidente na nananatiling sangkot sa isang pribadong korporasyon.

Binanggit ni Del Rosario ang Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution, na nagtatakda ng mas mahigpit na mga restriksiyon para sa Pangulo, Bise Presidente, mga miyembro ng Gabinete, at kanilang mga deputy at assistant habang nasa puwesto.

Kabilang dito ang pagbabawal sa direkta o hindi direktang pakikilahok sa anumang negosyo at ang kinakailangang mahigpit na pag-iwas sa conflict of interest.

Nakasaad sa Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na ang mga pampublikong opisyal ay dapat iwasan ang conflict of interest.

Kapag nagkaroon ng conflict, inaatasan ng batas ang isang opisyal na magbitiw sa posis­yon sa isang pribadong business enterprise sa loob ng 30 araw mula sa pag-upo sa puwesto at/o i-divest ang mga shareholding o interes sa loob ng 60 araw.

( DARIS JOSE)

Nationwide transport strike, isasagawa habang sumisipa ang presyo ng krudo

Posted on: September 23rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGLULUNSAD ang PISTON ng dalawang araw na nationwide transport strike sa September 29 at 30 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel.

Ayon sa grupo, nasa 70,000 jeepney driver at operator ang inaasahang sasali, kasama ang mga grupong kumakatawan sa mga manggagawa, urban poor at commuters.

Kabilang sa posibleng maapektuhang lugar sa Metro Manila ang Cubao-Marikina-Antipolo, Commonwealth, España, Monumento, Novaliches, Baclaran, Pasig, Taguig, Sucat at Alabang.

Kabilang sa kanilang panawagan ang suspensyon ng fuel taxes, pagbuwag sa Oil Deregulation Law, dagdag-sahod at fare increase. (DARIS JOSE)

Filipino MMA fighter Carlos Alvarez, ibinulsa ang bronze – ikalawa para sa Team PH

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINULSA ni Filipino MMA fighter Carlos Alvarez ang bronze medal sa 2026 Asian Games

Ang medalya ni Alvarez ang ikalawang medalya na nakuha ng Team PH sa nagpapatuloy na regional tournament .

Hindi kinaya ni Alvarez ang kaniyang nakalaban na si Yerkingali Burkutalin, isang MMA fighter mula sa Kazakhstan.

Nagawa ng Kazakhstani na patumbahin si Alvarez sa 2nd round at hindi na nakabangon pa ang Pinoy fighter. Mabalis kasing sinundan ng Kazakhstani ang pagkatumba ni Alvarez, ng magkakasunod na punch combo.

Nagawa pa ng Pinoy MMA striker na dominahin ang unang laban, batay sa score cards ng mga judge, ngunit ang pagbagsak niya sa 2nd round ay naging malaking bentahe sa kaniyang kalaban.

Ang unang medalya ng PH ngayong Asian Games ay nakuha ng women’s soft tennis team, isang makasaysayang panalo ng national team sa regional competition (bronze).

Jean Claude Saclag, pasok na sa finals ng 2026 Asian Games

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG panalo na lamang ang kailangan ni Cordillera pride Jean Claude Saclag upang makamit ang gintong medalya para sa Pilipinas matapos umabante sa finals ng Mixed martial arts men’s tradional 65kg sa 2026 Aichi-Nagoya Asian Games.

Sa semifinals na ginanap sa Nagoya Japan, ipinakita ni Saclag ang kanyang husay at determinasyon matapos dominahin ang laban kontra sa pambato ng Japan na si Daisuke Murayama.

Nagtapos ang laban sa 3-0 pabor kay Saclag na nagbigay sa kanya ng kumpiyansa at tiket patungo sa championship round. Sa kabila ng pakikipaglaban sa host country, nanatiling kalmado at kontrolado ng Filipino fighter ang kanyang performance.

Dahil sa panalong ito, may pagkakataon si Saclag na maiuwi ang pinakamataas na karangalan para sa Pilipinas sa pampalakasan na kanyang nilahukan. Bitbit niya sa finals ang hangaring ituloy ang kanyang kampanya para sa gintong medalya.

Ngayon, nakatuon na ang atensyon ni Saclag sa kanyang huling laban sa torneo.

Team Pilipinas Men’s 3×3, tinalo ang Sri Lanka sa Asian Games

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSIMULA ang magandang laro ng Team Pilipinas Men’s 3×3 squad matapos talunin ang Sri Lanka, sa score na 21-12, sa Round Robin Pool A ng 2026 Asian Games.

Nanguna sa opensa ng Pilipinas si Nicael Cabanero, na nagtala ng 8 points at 6 na rebounds. Malaki rin ang naging ambag nina Manuel Pablo at Koji Buenaflor na kapwa kumamada ng tig-6 na puntos para sa koponan.

Samantala, pinangunahan ni Methika Jayasinghe ang Sri Lanka sa scoring matapos magtala ng 6 points at 4 na rebounds. Gayunman, hindi naging sapat ang kanilang depensa at opensa upang makahabol sa mabilis na pag-atake ng Team Pilipinas.

Tumagal lamang ng 7 minuto at 12 segundo bago makamit ng Pilipinas ang 21-point target.

Susunod na makakaharap ng Men’s 3×3 squad ang Kazakhstan sa Miyerkules, Setyembre 23, alas-12:15 ng tanghali, oras sa Pilipinas.

Nakakasang kilos protesta, hindi dapat maging marahas at may masaktan -Malakanyang 

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na hindi kailangang maging marahas o may pananakit ang mga nakakasang kilos protesta ngayong araw, September 21.

Ito ang inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa harap ng mga pagkilos na inaasahan.

Ani Castro, malayang makapagpapahayag ang ibat- ibang grupo ng kanilang sentimyento at hindi naman aniya sila pipigilan sa pagsasabi ng kanilang saloobin.

Sana lamang aniya ay wala ng karahasan pang mangyari lalot bukas naman ang pakinig ng pamahalaan pati na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga panawagan ng mga magsasagawa ng kilos protesta.

Sa kabilang dako, siniguro ng Malakanyang na handa ang hanay ng PNP para bantayan ang mga rally site at masiguro na magiging mapayapa ang mga inaasahang demonstrasyon ngayong araw.

 (DARIS JOSE)

School Safety Act, agad ipasa panawagan ng mambabatas 

Posted on: September 22nd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si Parañaque Rep. Brian Yamsuan sa mga kapwa mambabatas na agad ipasa ang panukalang naglalayong palakasin ang masiguro ang patuloy na pondo para sa mga school safety programs ng Department of Education (DepEd).

Kasabay nito, hinikayat din ni Yamsuan ang mga local government units (LGUs) na agad gamitin ang bahagi ng kanilang Special Education Fund (SEF) para tumulong sa pagtugon sa security needs ng mga public schools sa kanilang komunidad.

Ang panawagan ay ginawa ng mambabaras makaraan ang naganap na madugong insidente sa Banga National High School sa South Cotabato, kung saan ilang estudyante ang nasawi habang may iba p a ang nasugatan. Ang trahedya ay ilang beses na insidente ng karahasan sa loob at labas ng eskuwelahan sa nakalipas na ilang buwan.

“Ipinaaabot po natin ang ating pakikiramay sa mga pamilya ng mga estudyanteng naging biktima ng karahasang ito. No child should enter a classroom in fear. We need to institutionalize a comprehensive measure now to ensure that our elementary schools, high schools and other basic education institutions are safe and remain conducive environments for learning,” ani Yamsuan.

Ipinanukala ni Yamsuan ang Comprehensive School Safety Act o House Bill (HB) 10864 na nagsusulong na magbuo, magmentina at periodically update ng National Comprehensive School Safety Framework, na magsisilbing standards sa school safety plans, kabilaing na ang kinakailangang infrastructure at security measures na kailangan para maipatupad sa lahat ng public at private educational institutions.

Nakapaloob sa panuakala ang nakatalagang standards at protocols ukol sa learner protection, mental health support, violence prevention at anti-bullying mechanisms.

Ang HB 10864 at iba pang kahalintulad na panukala ay naka-pending sa House Committee on Basic Education and Culture, habang ang Senate version ng Comprehensive School Safety Act ay nakapasa na sa ikalawang pagdinig noong nakalipas na linggo.

“We urge our colleagues in the House of Representatives to act fast in passing the proposed Comprehensive School Safety Act on our end so that we can soon put in place a system that would protect learners and school personnel from all forms of abuse and violence in and outside our schools,” pagtatapos ni Yamsuan. 

(VINA de GUZMAN)