Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
BINITBIT sa selda ang 26-anyos na tambay nang manggulo at maghahamon ng away habang armado ng baril sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, nagpapatrolya ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa Brgy. Longos nang lapitan sila ng isang concerned citizen upang isumbong ang paghahasik ng takot at panggugulo ng suspek na si alyas “Tukmol” habang nagwawasiwas ng hawak ng baril.
Nang magtungo sa sinasabing lugar ang mga pulis, naaktuhan nila si “Tukmol” na nagsisisigaw at naghahamon umano ng away, hawak ang isang improvised gun kaya maingat siyang nilapitan ng mga pulis.
Nagulat pa ang suspek nang mula sa likuran ay kalawitin siya ng isang tauhan ni P/Maj. Brian Ramirez, Commander ng Malabon Police Sub-Station-5, at kinumpiska kaagad ang hawak na improvised gun o sumpak na kargado ng isang bala ng kalibre .38 baril.
Pinasampahan na ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission ang suspek ng kasong Alarms and Scandal at paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office.
(Richard Mesa)
BUMAGSAK ang kampanya ng Gilas Pilipinas na maidepensa ang kanilang kampeonato sa Asian Games matapos silang durugin ng pamilyar na kalabang China, 105-61, sa Group C ng men’s 5-on-5 basketball ngayong Lunes, Setyembre 14, sa Aichi International Arena sa 2026 Aichi-Nagoya Asiad.
May pag-asa pa sana ang Pilipinas na makapasok sa quarterfinals bilang best third-seeded team kung hindi lalagpas sa 37 puntos ang pagkatalo nito. Subalit tuluyang binura ng China ang oportunidad na ito nang paabutin sa 44 puntos ang lamang, na sumira sa kailangang point differential ng mga Pilipino.
Si Calvin Oftana lamang ang nag-iisang manlalaro ng Gilas na nakatala ng double-digit scoring sa kaniyang 13 puntos, habang nag-ambag naman si Sedrick Barefield ng siyam na puntos at apat na assists. Matinding hirap na ang kinaharap ng koponan simula pa sa halftime nang malubog sila sa 36 puntos na leang, 66-30.
Nalimitahan ang offense ng Pilipinas sa 23-of-71 (32%) shooting mula sa field at 7-of-30 (23%) sa three-point territory dahil sa mahigpit na depensa ng China. Pinagharian din ng mga Tsino ang rebounds sa antas na 55-36 at nagpasok ng 12-of-32 (38%) mula sa labas ng arko.
Pinangunahan ni Junjie Wang ang panalo ng China sa pamamagitan ng kaniyang 20 puntos at 14 na rebounds, habang nagdagdag naman sina Sanning Liao at Mingxuan Hu ng 14 at 13 puntos para sa nagwaging koponan.
NANAWAGAN ang ilang senador sa pamahalaan at sa Philippine Tennis Association (PhilTA) na bigyan ng buong suporta ang Filipino tennis star na si Alex Eala matapos nitong piliing kumatawan sa Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan sa halip na maglaro sa mandatory WTA 1000 China Open.
Sa manifestation nina sina Senador Erwin Tulfo at Senador Bong Go sa sesyon ng Senado, hinimok ni Tulfo ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at iba pang kaugnay na ahensya na maghanap ng legal na paraan upang tulungan si Eala sakaling ipataw sa kaniya ang napabalitang US$10,000 fine dahil sa paglaktaw sa torneo sa Beijing na nagkasabay sa iskedyul ng Asiad.
Binigyang-diin ni Tulfo na hindi dapat ilagay ang atleta sa sitwasyong kailangan nitong pumili sa pagitan ng kaniyang bayan at propesyon, habang siniguro nitong nakatayo ang buong bansa sa likod ng kaniyang desisyon.
Nakiusap naman si Go, na siyang pinuno ng Senate Committee on Sports, sa pamunuan ng WTA na isaalang-alang ang sitwasyon at bigyan ng exemption si Eala sa anumang multa o parusa dahil hindi dapat pinaparusahan ang isang atletang nagpasyang maglingkod sa kaniyang watawat.
May komitment si Eala sa pambansang koponan mula pa noong 2021 at naglalayong higitan ang kaniyang napanalunang bronze medal sa women’s singles noong 2022 Asian Games, habang ang nakatakdang China Open ay gaganapin mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 11 kasabay ng tennis competition ng Asiad mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 2.
Idinagdag din ni Go na nagpapakita ang sitwasyong ito ng pangangailangan sa mga bagong polisiya at panukalang batas na magbibigay ng prayoridad at proteksyon sa mga Pilipinong atleta tuwing tinatawagan silang magsilbi sa pambansang koponan.
NANINDIGAN si dating Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na wala siyang kasalanan at handa siyang harapin ang mga akusasyon kahit ipalipat pa siya ng kustodiya mula sa ospital hanggang sa kulungan.
Aniya, nirerespeto niya ang desisyon ng Sandiganbayan at hindi magbabago ang kanyang posisyon kahit ilipat pa siya mula sa Cardinal Santos Medical Center sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“I have always said that I will face the charges against me and answer them before the proper court. That has not changed. I maintain my innocence. Haharapin ko ang kaso. Sasagutin ko ang mga paratang,” sabi ni Romualdez.
Iniutos ng Sandiganbayan 3rd Division ang paglilipat kay Romualdez sa Quezon City Jail Male Dormitory, kung saan siya ituturing na detention prisoner.
Nakabatay ang kautusan sa resulta ng independent medical examination kay Romualdez noong September 12, na isinagawa ng 12 doktor at specialists ng Philippine General Hospital (PGH).
Inamin ni Romualdez na ang paglilipat sa kanya sa kulungan ay magiging mahirap sa kanya at sa kanyang pamilya.
“This is a difficult moment for me and my family. But I will face the days ahead with dignity, with faith in God, and with confidence in the truth,” sinabi ni Romualdez. (VINA de GUZMAN)
TATLONG retiradong mahistrado ng Supreme Court ang personal na dadalo sa Senate impeachment court sa Miyerkules upang makatulong sa pagresolba sa usapin kung mananatili ang botong 16 bilang threshold sa paghatol kay Vice President Sara Z. Duterte, kasabay nang pagtalakay sa isinasaad sa konstitusyon na two-thirds requirement para sa 24-member Senate.
Inihayag ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero nitong Lunes na sina retired Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno at retired Associate Justice Adolfo Azcuna ay dadalo sa senado bilang ‘amici curiae’ or friends of the court ngayong Setyembre 16.
“For the information of the parties and the public, the court formally announces that, as discussed during the trial of Sept. 10, 2026, it has secured the participation of the following legal luminaries as amici curiae on the meaning of all members under Article 11, Section 3-6 of the Constitution, as raised by Senator-Judge Erwin Tulfo,” ani Escudero.
Nakasaad sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution na walang sinuman na mahahatulan sa impeachment trial ng walang pag-apruba ng “two-thirds of all the Members of the Senate.”
Ang senado ay binubuo ng 24 miyembro na nangangahulugan na 16 para sa sinasabing two-thirds na boto.
Ang isyu ay binuksan ni Senator-Judge Erwin Tulfo, para mabigyang linaw ang botohan dala na rin sa ilang senator judges ang hind makaka-partisipa sa proseso.
Magsisilbi rin si Retired Chief Justice Hilario Davide Jr. bilang amicus curiae ngunit hindi na kailangan na personal na humarap sa korte.
“Meanwhile, retired Chief Justice Hilario Davide Jr. shall submit his views through a legal memorandum, which shall be formally entered into the records in lieu of his personal appearance, given that he is recuperating from a procedure,” pahayag ni Escudero.
Sina Azcuna at Davide ay naging miyembro ng 1986 Constitutional Commission na nag-draft sa 1987 Constitution.
(VINA de GUZMAN)
MAHIGIT 5,000 residente ng Caloocan ang nakinabang sa libreng serbisyo na handog ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaniyang kaarawan. Kabilang dito ang iba’t ibang serbisyo para sa kalusugan, kapakanan, kabuhayan, at pagbibigay ng oportunidad sa mga Batang Kankaloo. Nagpasalamat si Mayor Along Malapitan sa pangulo, sa mga katuwang na ahensya, at sa lahat ng tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na nakiisa upang maging matagumpay ang nasabing programa. (Richard Mesa)
IPINAGKIBIT-BALIKAT lamang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panibagong akusasyon laban sa kanya ni Vice President Sara Duterte.
Ang katwiran ng Pangulo, ang galit ni VP Sara ay mula sa legal na problema na kinahaharap nito.
Sa isang media briefing, araw ng Linggo, kasunod ng kanyang pagdalo sa 18th BRICS Summit sa New Delhi, India, inurirat ang Pangulo ukol sa pahayag ni VP Sara kabilang na ang di umano’y plano niya (Pangulo) laban sa Bise-Presidente.
Sinabi ng Pangulo na narinig niya ang nasabing akusasyon subalit para sa kanya ay hindi ito dapat patulan at sagutin.
“You know, I hear about them, but I don’t really even have a response. If she feels very angry, I suppose, with what’s happening to her. And I am the target of that anger, or the main target of that anger. What can I do?” ayon sa Pangulo.
“You cannot force anyone to love you,” aniya pa rin.
Matatandaang, noong nakaraang Biyernes ay nanawagan si VP Sara kay Pangulong Marcos na mag-resign, sa isang rally sa Quezon City, matapos ipagpaliban ang kanyang arraignment sa kasong grave threats. (Daris Jose)
NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa bawat kuwalipikadong botante ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na maging bahagi ng mahalagang pangyayari nang may karunungan, dangal at paggalang para sa isa’t isa.
Araw ng Lunes, Setyembre 14, ang kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM.
“May the votes that you will cast help us identify good leaders who can strengthen the institutions of the Bangsamoro and contribute to the progress of Mindanao and the entire nation,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang panawagan pa ng Pangulo ay “Let us also safeguard the integrity of the ballot and preserve the peace that has made this democratic exercise possible.”
“As we nurture our Bagong Pilipinas, may the choices that we make further deepen our sense of civic duty and forge stronger bonds that hold us together as one nation,” aniya pa rin.
Ngayon aniya ay magiging “defining moment” sa kasaysayan sa rehiyon at sa bansa dahil pipiliin ng mga ito ang kanilang magiging kinatawan na bubuo sa ‘first democratically elected Bangsamoro Parliament.’
“This election marks a milestone in the continuing journey of the BARMM toward lasting peace, democratic governance, and meaningful self-determination,” ang winika pa rin ng Pangulo.
“Inshallah. Mabuhay ang BARMM,” ang sinabi pa ng Pangulo. ( DARIS JOSE)
IPINAGDIWANG ng Bureau of Immigration (BI) ang ika-86 anibersaryo ng pagkakatatag nito noong Biyernes, Setyembre 11, kasabay ng panibagong pagtutok sa modernisasyon ng mga serbisyong pang-imigrasyon, pagpapalakas ng seguridad sa mga hangganan, at pagtugon sa mga patuloy na nagbabagong banta sa pambansang seguridad.
Isinagawa ang pagdiriwang sa bagong BI Building sa Central Business Park 1-A, Diosdado Macapagal Boulevard, Pasay City, kung saan naging panauhing pandangal at tagapagsalita si Department of Justice (DOJ) Secretary Fredderick A. Vida.
Bilang attached agency ng DOJ, patuloy na isinusulong ng BI ang mga repormang nakaayon sa digital transformation agenda ng administrasyon at direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang digitalisasyon at modernisasyon ng mga operasyon ng pamahalaan.
Sa kanyang keynote address, binigyang-diin ni Secretary Vida ang patuloy na pagiging kumplikado ng mga banta sa mga hangganan ng bansa, kabilang ang transnational organized crime, human trafficking, terorismo, illegal recruitment, pandaraya sa mga dokumento, identity theft, at iba pang uri ng krimeng tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa.
“Hindi kinikilala ng mga criminal network ang mga hangganan ng teritoryo; kaya ang ating pagtugon ay dapat ding maging sopistikado, koordinado at nakatuon sa hinaharap. Ang modernisasyon ay hindi na isang opsyon. Ito ay isang pangangailangan,” ani Vida.
Binigyang-diin ni Vida na kailangang makasabay ang border management sa mga umuusbong na banta, habang tinitiyak na patuloy na magiging episyente at ligtas ang proseso ng imigrasyon para sa mga lehitimong biyahero.
Kinilala rin sa pagdiriwang ang mga tauhan ng BI mula sa iba’t ibang tanggapan at international ports sa buong bansa dahil sa kanilang natatanging pagganap at dedikasyon sa tungkulin.
Iginawad ang mga parangal sa ilang kategorya, kabilang ang posthumous recognition para sa mga tauhang pumanaw na ngunit patuloy na ginugunita ng Bureau ang kanilang serbisyo at kontribusyon sa ahensya.
Samantala, binigyang-diin din ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang mga nagawa ng Bureau at ng mga tauhan nito, na aniya ay dapat magsilbing pundasyon para sa higit pang mga reporma.
“Nagsimula na ang ating paglalakbay, ngunit ang tatahakin nating landas ay mangangailangan ng higit pa sa mga nagawa na natin. Kakailanganin nating manatiling nakatuon sa ating misyon habang patuloy na tinitingnan ang Bureau na nais nating maging,” ani Viado.
Binigyang-diin ni Viado ang pangangailangang patuloy na umunlad ang BI sa pamamagitan ng teknolohiya, digitalisasyon, mas matatag na border intelligence, at mas episyenteng mga proseso ng imigrasyon.
Inilarawan din niya ang modernisasyon bilang isang pangmatagalang pamana na maaaring maitatag ng kasalukuyang mga tauhan ng BI para sa isang institusyong 86 taon nang naglilingkod sa bansa.
“Ang modernisasyon ay isang pamana na maaari nating ialay sa isang institusyong 86 taon nang naglilingkod sa bayan,” ani Viado.
Binigyang-diin ng ika-86 anibersaryo ng BI ang patuloy na pagbabago ng Bureau tungo sa isang makabago at mahusay na institusyon sa pamamahala ng mga hangganan—na nagpapadali sa lehitimong paglalakbay habang pinatitibay ang pangunahing mandato nitong protektahan ang mga hangganan ng bansa at pangalagaan ang pambansang seguridad. (Gene Adsuara)