• September 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Senators, nanawagan ng suporta para kay Alex Eala kasunod ng pagpili sa Asian Games 2026

NANAWAGAN ang ilang senador sa pamahalaan at sa Philippine Tennis Association (PhilTA) na bigyan ng buong suporta ang Filipino tennis star na si Alex Eala matapos nitong piliing kumatawan sa Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan sa halip na maglaro sa mandatory WTA 1000 China Open.

Sa manifestation nina sina Senador Erwin Tulfo at Senador Bong Go sa sesyon ng Senado, hinimok ni Tulfo ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at iba pang kaugnay na ahensya na maghanap ng legal na paraan upang tulungan si Eala sakaling ipataw sa kaniya ang napabalitang US$10,000 fine dahil sa paglaktaw sa torneo sa Beijing na nagkasabay sa iskedyul ng Asiad.

Binigyang-diin ni Tulfo na hindi dapat ilagay ang atleta sa sitwasyong kailangan nitong pumili sa pagitan ng kaniyang bayan at propesyon, habang siniguro nitong nakatayo ang buong bansa sa likod ng kaniyang desisyon.

Nakiusap naman si Go, na siyang pinuno ng Senate Committee on Sports, sa pamunuan ng WTA na isaalang-alang ang sitwasyon at bigyan ng exemption si Eala sa anumang multa o parusa dahil hindi dapat pinaparusahan ang isang atletang nagpasyang maglingkod sa kaniyang watawat.

May komitment si Eala sa pambansang koponan mula pa noong 2021 at naglalayong higitan ang kaniyang napanalunang bronze medal sa women’s singles noong 2022 Asian Games, habang ang nakatakdang China Open ay gaganapin mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 11 kasabay ng tennis competition ng Asiad mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 2.

Idinagdag din ni Go na nagpapakita ang sitwasyong ito ng pangangailangan sa mga bagong polisiya at panukalang batas na magbibigay ng prayoridad at proteksyon sa mga Pilipinong atleta tuwing tinatawagan silang magsilbi sa pambansang koponan.