Tambay na armado ng baril, kinalawit habang nagwawala sa Malabon
- Published on September 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
BINITBIT sa selda ang 26-anyos na tambay nang manggulo at maghahamon ng away habang armado ng baril sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, nagpapatrolya ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili sa Brgy. Longos nang lapitan sila ng isang concerned citizen upang isumbong ang paghahasik ng takot at panggugulo ng suspek na si alyas “Tukmol” habang nagwawasiwas ng hawak ng baril.
Nang magtungo sa sinasabing lugar ang mga pulis, naaktuhan nila si “Tukmol” na nagsisisigaw at naghahamon umano ng away, hawak ang isang improvised gun kaya maingat siyang nilapitan ng mga pulis.
Nagulat pa ang suspek nang mula sa likuran ay kalawitin siya ng isang tauhan ni P/Maj. Brian Ramirez, Commander ng Malabon Police Sub-Station-5, at kinumpiska kaagad ang hawak na improvised gun o sumpak na kargado ng isang bala ng kalibre .38 baril.
Pinasampahan na ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission ang suspek ng kasong Alarms and Scandal at paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Malabon City Prosecutor’s Office.
(Richard Mesa)