Pag-asa ng Gilas sa Asian Games Gold, natuldukan sa 44-point tambak ng China
- Published on September 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
BUMAGSAK ang kampanya ng Gilas Pilipinas na maidepensa ang kanilang kampeonato sa Asian Games matapos silang durugin ng pamilyar na kalabang China, 105-61, sa Group C ng men’s 5-on-5 basketball ngayong Lunes, Setyembre 14, sa Aichi International Arena sa 2026 Aichi-Nagoya Asiad.
May pag-asa pa sana ang Pilipinas na makapasok sa quarterfinals bilang best third-seeded team kung hindi lalagpas sa 37 puntos ang pagkatalo nito. Subalit tuluyang binura ng China ang oportunidad na ito nang paabutin sa 44 puntos ang lamang, na sumira sa kailangang point differential ng mga Pilipino.
Si Calvin Oftana lamang ang nag-iisang manlalaro ng Gilas na nakatala ng double-digit scoring sa kaniyang 13 puntos, habang nag-ambag naman si Sedrick Barefield ng siyam na puntos at apat na assists. Matinding hirap na ang kinaharap ng koponan simula pa sa halftime nang malubog sila sa 36 puntos na leang, 66-30.
Nalimitahan ang offense ng Pilipinas sa 23-of-71 (32%) shooting mula sa field at 7-of-30 (23%) sa three-point territory dahil sa mahigpit na depensa ng China. Pinagharian din ng mga Tsino ang rebounds sa antas na 55-36 at nagpasok ng 12-of-32 (38%) mula sa labas ng arko.
Pinangunahan ni Junjie Wang ang panalo ng China sa pamamagitan ng kaniyang 20 puntos at 14 na rebounds, habang nagdagdag naman sina Sanning Liao at Mingxuan Hu ng 14 at 13 puntos para sa nagwaging koponan.