• September 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 9th, 2026

PBBM, hinikayat ang mga siyudad na tularan ang sistema ng Marikina sa basura

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes, Setyembre 7, ang mga lungsod at munisipalidad sa buong bansa na tularan ang sistema ng Marikina City sa solid waste management, na tinawag niyang isang “magandang halimbawa” at “template” na maaaring makakatulong para bawasan ang pagbaha.

Ayon kay Pangulong Marcos, ipinakita ng karanasan ng Marikina na hindi sapat ang paglilinis at pangongolekta lamang ng basura upang mabawasan ang pagbaha.

Sa isinagawang inspeksyon sa Marikina River Linear Park at Centralized Materials Recovery Facility (MRF) sa Barangay Sto. Niño, sinabi ng Pangulo na kailangan ang komprehensibong sistema na nagsisimula sa maayos na pagse-segregate, pangongolekta ng basura hanggang sa recycling at recovery.

“Hindi lamang pupunta sa ilog tapos magde-desiltation o mangongolekta ng basura, pero dito sa Marikina, over the last four, 10 years, 11 years, nagawan nila, nalagyan nila ng sistema. 

Kaya tayo nandito dahil ito ang pinakamagandang halimbawa ng circular economy,” pahayag ng Pangulo.

Binanggit pa ng Pangulo na nilinis ng Marikina ang mga no-build zone sa kahabaan ng ilog, inilikas ang mga istrukturang nasa restricted areas at naglagay ng mga trash catcher upang mapigilan ang pagpasok ng basura sa ilog.

Ayon sa Pangulo, nakatutulong din ang MRF sa flood mitigation dahil nababawi at napoproseso nito ang mga materyales na kung hindi ay maaaring mapunta sa mga daluyan ng tubig at drainage system.

Pinoproseso sa naturang pasilidad ang biodegradable waste upang gawing compost, habang ang mga plastik ay ginagawang mga bag, brick at iba pang kapaki-pakinabang na produkto, kabilang ang mga bahagi ng school desks.

Inilarawan ng Pangulo ang inisyatiba bilang praktikal na paraan ng circular economy kung saan binabawi, nire-recycle at muling ginagamit ang mga materyales sa halip na basta itapon na siyang bumabara sa mga daluyan ng tubig.

Sinabi ni Pangulong Marcos na dapat magsilbing modelo sa iba pang local government units (LGUs) lalo na sa mga lungsod na matindi ang problema sa pagbaha.

“At ito ay dapat na maging template at nagiging template na ngayon sa lahat ng iba’t ibang lungsod sa Pilipinas, lalong-lalo na siyempre dito sa NCR,” ayon sa Pangulo.

Pinuri rin ng Pangulo ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa pagtatatag ng sistemang nag-uugnay sa paglilinis ng ilog, pangongolekta ng basura, recycling at waste recovery.

“At, it is not only the flood management, it is not only part of flood management, but it is also in terms of the environment na malaki ang naitutulong,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi rin ng Pangulo na nakita ang resulta ng sistema sa karanasan ng lungsod sa mga nagdaang bagyo, kung saan hindi malala ang baha kung ikukumpara sa mga nakaraang kalamidad, partikular nang manasala ang Bagyong Ondoy.

Sinuportahan din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sistema sa pamamagitan ng paglalagay ng mga floating trash trap sa mahahalagang tributary upang saluhin ang basura bago ito makarating sa ilog.

Noong Hulyo 2026, nasa 47 estero ranger sa 12 barangay ang idineploy ng DENR at Marikina local government upang magpanatili ng mga trash trap at magsagawa ng mga operasyon sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig.

Ang MRF sa Barangay Sto. Niño ay may sorting bins, composting bioreactors, upcycling facilities at biohazard storage at kayang magproseso ng hanggang 200 tonelada ng dry waste kada araw.

Ang food at kitchen waste ay pinoproseso upang gawing organic fertilizer, habang ang Styrofoam, plastic bags at used cooking oil ay ginagawang paving blocks, paso at sako.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang maayos na pamamahala ng basura ay hindi lamang hakbang para sa flood control kundi mahalagang environmental intervention din habang hinaharap ng bansa ang mga epekto ng climate change.

Kasama naman ni Pangulong Marcos sa inspeksyon sina Acting DENR Secretary Juan Miguel T. Cuna, Acting DPWH Secretary Vivencio B. Dizon, 1st District Representative Marcelino R. Teodoro at Marikina City Mayor Marjorie Ann A. Teodoro. (DARIS JOSE)

Mas mataas na honoraria para sa mga guro sa election, hiling ng mambabatas

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINILING ni ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio sa Commission on Elections (COMELEC) na pormal na mangako na taasan ang honoraria ng mga guro at iba pang election workers.

Ginawa ito ni Tinio sa ginanap na interpolasyon sa panukalang 2027 budget ng komisyon sa House Committee on Appropriations.

Sinabi ng mambabatas na sa kabila na malabo pa ang isyu kung matutuloy o hindi ang barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda ngayong Nobyembre dala na rin sa mga isinusulong na panukalang ipagpaliban muli ito, dapat na tugunan ang usapin sa honoraria kahit ano pa ang kalalabasan ng mga panukalang postponement.

“Whether or not the barangay elections push through, the issue of teachers’ honoraria will remain on the table. If the elections are postponed, the demand for just compensation for our teachers does not disappear. It is far better that this be funded now, in the 2027 budget,” ani Tinio.

Iniulat ng Comelec na nagdagdag na sila ng P2,000 across the board sa honoraria ng election workers, o umabot sa current rates na P12,000 para sa chairman ng Board of Election Inspectors (BEI), P11,000 para sa vice-chair, at P10,000 para sa third member, at kaukulang increase sa Department of Education Supervising Officials (DESOs) at support staff.

Bukas naman ang komisyon sa panukala ni Tinio na itaas pa ang honoraria, na nagpanukalang gawing P15,000 para sa BEI chairpersons, P14,000 sa mga vice-chairpersons, at P13,000 sa miyembro.

Tinataya ng Comelec na karagdagang P2-P2.5 billion ang kinakailangan para sa pagtaas sa honoraria.

“There is unity between this representation, ACT Teachers, and COMELEC Chair Garcia on the urgent need to raise the honoraria of our teachers and other election workers. The Commission itself acknowledges that our teachers deserve more, especially amid the crisis that ordinary Filipinos are enduring,” pahayag ni Tinio.

Idinagdag nito ang mahirap na kondisyon na kinakaharap ng mga guro tuwing manual elections, mula sa pagbibilang ng balota sa barangay at SK elections na inaabot ng hatinggabi at pag-abot ng umaga para lang madala ang election materials.

“Our teachers render service far beyond an ordinary day’s work. They count ballots by hand until nine in the evening or later, and in many precincts, until dawn. This is precisely why their honoraria must reflect the true burden of election service,” giit ni Tinio.

(VINA de GUZMAN)

4 NA CHINESE NATIONAL ARESTADO SA RAID LABAN SA CYBER FRAUD NA KAUGNAY NG POGO

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Chinese national na umano’y sangkot sa mga aktibidad ng cyber fraud sa isang intelligence-driven operation na isinagawa laban sa mga pinaghihinalaang illegal na aktibidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Muntinlupa City.

Nag-ugat ang operasyon mula sa intelligence monitoring na isinagawa ng BI kaugnay ng mga ulat tungkol sa patuloy na operasyon na may kaugnayan sa POGO sa Montillano Street, Alabang, Muntinlupa City.

Dahil dito, naglabas ng kautusan si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na nag-aatas sa BI Fugitive Search Unit (FSU) na beripikahin ang ulat at magsagawa ng nararapat na aksyon laban sa mga iniulat na illegal na aktibidad.

Ayon sa ulat ni FSU Chief Rendel Sy, naaktuhan umano ang apat na Chinese national na aktuwal na nagsasagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa cyber fraud.

Kinilala ang mga ito na sina Qiao Zhong, 30, isang undocumented foreign national; Tang Ke, 31, isang overstaying foreign national na walang kaukulang visa; Liu Peng, 35, isang overstaying foreign national; at Zhang Caiyu, 42, isang overstaying foreign national na may umiiral na blacklist order at kinilalang dating POGO worker.

Pinuri ni Commissioner Viado ang mga tauhan ng FSU dahil sa kanilang agarang pagkilos at patuloy na pagbabantay sa pagtugis at pagdakip sa mga dayuhang sangkot sa illegal na aktibidad.

Hinimok din ng BI chief ang publiko na agad na iulat ang anumang impormasyon o mga napapansing aktibidad na kinasasangkutan ng mga dayuhang pinaghihinalaang sangkot sa illegal na gawain sa bansa.

Maaaring isumite ang mga ulat sa BI hotline sa (+632) 8-465-2400, o sa pamamagitan ng email sa immigPH@immigration.gov.ph at xinfo@immigration.gov.ph. (Gene Adsuara)

Bank records ni VP Sara dapat kumpirmahin kung tunay bago isalang, hiling ng house prosecution 

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HIHILINGIN ng House prosecution panel kay Vice President Sara Duterte na kumpirmahin ang mga bank records nito bago isalang bilang bahagi ng ebidensya sa pagdinig ng unexplained wealth sa impeachment court sa Senado sa Lunes, Sept. 14.

“Hinihiling po namin sa respondent (Duterte) na kumpirmahin, una, kung genuine o tunay ang mga bank records na isinumite ng mga bangko alinsunod sa subpoena duces tecum na inisyu ng impeachment court; at ikalawa, kung ang mga bank accounts na tinutukoy sa mga records na iyon ay pag-aari ni Vice President Sara Zimmerman Duterte, individually or jointly with others,” pahayag ni House prosecutor Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa impeachment court nitong Martes. 

Ipinaliwanag ni Diokno na si Duterte ay may personal na kaalaman sa mga nasabing bank accounts at maaaring beripikahin base sa kanyang mga dokumento o direkta sa banko.

“We are not asking the respondent to admit matters that they do not know anything about, or rather that they have no access to,” sabi ni Diokno. 

Iginiit ni Diokno na hindi nila pinipilit si Duterte na umamin kung hindi naman totoo o tuluyang iwan ang kanyang karapatan sa depensa.

 “Kung totoo, aminin; kung hindi totoo, tuwirang tanggihan; kung hindi naman kayang aminin o itanggi nang tapat, sabihin sa ilalim ng panunumpa kung bakit,” sinabi ng kongresista. 

Aniya, mas makakabuti kung lilinawin ang lahat ni Duterte at makakabuti pa sa impeachment court na mapaikli ang paglilitis at hindi magtatawag ng 15 testigo sa usaping ito.

“Pero kung walang tunay na dispute, hindi na po natin kailangang gumugol pa ng ilang linggo at magharap ng humigit-kumulang 15 testigo para patunayan ang hindi naman talaga pinagtatalunan,” sabi nito 

Iminungkahi ng prosecution sa impeachment na bigyan ng 15 araw ang depensa para tumugon. Ayon naman kay defense counsel Atty. Michael Wesley Poa, kailangan nila nang mas mahabang panahon na pag-aralan ang hiling ng prosecution at kumunsulta kay Duterte.

Sinabi naman ni Presiding Officer Sen. Francis Escudero na pagbibigyan niya ng “15 nonextendible days” mula Martes ang defense panel upang sumagot sa hiling ng prosecution.

Binalaan ni Escudero ang defense sa pagpapahiwatig ng general denial o simpleng pagtanggi lamang. Aniya, hindi tatanggapin ng impeachment court ang general denial kung maaari naman ito tukuyin.

Samantala, pinaalalahanan din ni Escudero ang prosecution hinggil sa mga requests for admission sa ilalim ng Rule 26 ng Rules of Civil Procedure dahil maaari lamang ito gamitin sa criminal proceedings. 

Sinabi naman ni Diokno na ang impeachment ay hindi criminal trial dahil hindi nito ipakukulong o pagmumultahin ang nililitis kundi tanggalin siya sa kasalukuyang pwesto at hindi na bibigyan pa ng anumang tungkulin o posisyon sa gobyerno.

Samantala, inanunsiyo ni Escudero na itutuloy ang impeachment trial kahit may binigay na 15-day response period sa defense panel ni Duterte. “So, the trial will proceed. It will not be delayed.” 

Inihahanda ng prosecution ang mahigit 1,800 bank, tax at iba pang financial documents na naunang na subpoena. 

Itinakda ang mga araw ng Miyerkules at Huwebes sa pagmamarka ng exhibits bago ito iprisinta sa patuloy na pagdinig sa unexplained wealth charges simula Lunes, Sept. 14. (VINA de GUZMAN)

Mister, pinagbantaang papatayin nang tumangging bayaran ang kinain ng mangingisda

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang 30-anyos na mangingisda matapos tutukan ng baril at pinagbantaang papatayin ang isang mister na tumangging bayaran ang kinain ng suspek sa Navotas City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente sa Brgy , NBBS, Kaunlaran nang magkasabay na kumain ng street food ang 55-anyos na biktima at ang suspek na si alyas “Burnok”.

Ikinagulat umano ng biktima nang utusan siya ng suspek na bayaran ang kinain nito subalit, tumanggi siya dahil hindi naman aniya sila magkakilala.

Nagalit umano ang suspek at naglabas ng baril sabay itinutok sa biktima bago pinagbantaang papatayin na naging dahilan upang humingi ito ng tulong sa mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela.

Kaagad namang nagsagawa ng follow -up operation ang mga tauhan ni Col. Pinuela na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nasamsam sa kanya ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Nang hanapan siya ng mga pulis ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng nasabing baril ay wala rin naipakita ang suspek.

Ayon sa pulisya, kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isasampa nila laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

Tyson Fury muling hinamon si Usyk para sa kanilang trilogy fight

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAIS na ni Tyson Fury na hindi na matuloy ang pinaplanong laban niya kay Anthony Joshua.

Ang nasabing paghaharap ay maituturing na all-British heavyweight showdown subalit nagtatagalan siya dahil sa wala pa ring desisyon si Joshua.

Tinawag pa nito si Joshua bilang duwag dahil sa matagal na magdesisyon.

Itinakda sana sa buwan ng Nobyembre maghaharap ang dalawa subalit wala pang napagdedesisyunan na lugar kung saan ito gaganapin.

Dahil dito ay minabuti niyang hamunin na lamang si Oleksandr Usyk para sa trilogy fight.

Pilipinas napiling mag-host ng last window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAPILI ang Pilipinas para maging host ng pang-huling window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Matapos ang hosting ng bansa nitong Window 4 kontra Jordan at Iran noong Agosto 28 at 30 ay muling magbabalik ang laro dito sa bansa.

Unang gaganapin ang Window 5 sa Malaysia sa buwan ng Nobyembre.

Makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Syria sa Nobyembre 27 habang makakaharap muli nila ang Iran sa Nobyembre 30.

Sa darating naman na Window 6 ay gaganapin sa Pebrereo 25,2027 kung saan muling makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Jordan at sa Pebrero 28 naman ay makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Syria.

Wala pang napiling lugar kung saan sa bansa gaganapin ang laro.

Nasa Group E ang Pilipinas na mayroong apat na panalo at apat na talo habang nangunguna sa grupo ang Australia na mayroong walong panalo at wala pang talo, sinundan ito ng New Zealand may anim na panalo at dalawang talo habang ang Iran at Jordan ay kapwa mayroong limang panalo at tatlong talo at panghuli sa puwesto ang Syria na mayroong dalawang panalo at anim na talo.

Sa Group F naman ay nanguna ang Japan at Lebanon na kapwa mayroong anim na panalo at dalawang talo, sinundan ng China na mayroong limang panalo at tatlong talo, South Korea at Qatar na kapwa mayroong apat na panalo at apat na talo at panghuli ang Saudi Arabia na mayroong tatlong panalo at limang talo.

Eala at Yulo bumandera sa mga atleta ng bansa na sasabak sa Asian Games

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUMANDERA sina Pinay tennis star Alex Eala at Carlos Yulo sa mga atleta na sasabak sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Nitong Lunes, Setyembre 7 ay pormal ng isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC) ang buong listahan ng mga atleta na sasabak sa nasabing torneo.

Paborito kasing manalo ng gintong medalya sina Eala at Yulo sa kani-kanilang mga paboritong sporting event.

Nagpasya umano si Eala na hindi muna maglaro sa China Open WTA 1000 para irepresenta ang bansa sa Asian Games.

Sa nagdaang tatlong taon ay nagwagi si Eala ng dalawang bronze medals, isa sa singles at mixed doubles.

Habang si Yulo na Olympic artistic champion ay tangka ring makakuha ng unang gintong medalya sa Asian Games matapos na magwagi ito sa Asian Championship noong Hunyo sa Zunyi, China.

Ilan sa mga atleta na sasabak ay kinabibilangan ni Annie Ramirez para sa jiu-jitsu, EJ Obiena para sa pole vault, Daniel Caluag para sa BMX competition at ang Gilas Pilipinas men’s basketball team.

Kasama rin ang Alas Pilipinas women’s at men’s volleyball team at mga golfers na sina Bianc Pagdanganan at Pauline Del Rosario.

VP Sara Duterte, nais iharap ng prosec bilang testigo sa impeachment trial

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI na ipiprisinta ng prosecution panel sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang natitirang mga saksi kaugnay sa alegasyon ng maling paggamit umano ng VP sa confidential funds na nakapaloob sa article 1.

“We have decided to forego, your honors, not only with the witnesses subpoenaed for today but with all the remaining 15 witnesses,” pahayag ni private prosecutor Lorna Kapunan sa Senate impeachment court.

Nakatakda sanang iprisinta ng prosekusyon ang nasa 27 saksi sa nasabing article. Nasa total na 12 saksi ang naiprisinta ng prosekusyon.

“After a long meeting last night and towards this morning, just before this hearing, the prosecution both public and private prosecutors, have decided today…we have decided to forego, Your Honors, not only with the witnesses subpoenaed for today, but with all the remaining 15 witnesses,” dagdag ni Kapunan.

Inihayag pa nito na intensiyon ng prosekusyon na iprisinta mismo si VP Sara sa kanyang impeachment trial.

Nang tanungin ni Presiding Officer at Senator-judge Francis Escudero kung hihilingin nito na ipa- subpoena si Duterte, ipinaliwanang ni Kapunan na hindi pa nila hihilingin sa ngayon hanggang sa pagtatapos ng presentasyon ng ebidensiya at saksi sa lahat ng articles.

Sinabi naman ni lead defense counsel Atty. Sheila Sison sa ika-23 araw ng ipeachment trial na hindi maaaring i-comple ang VP na tumestigo laban sa kanyang sarili.

“This right is absolute and this is not only a simple right or a statutory right. This is a fundamental right. This is a right emanating from the Constitution itself and one that emanates from the guarantees under Article 3 of our 1987 Constitution,” pahayag nito.

(VINA de GUZMAN)

P17.6-billion budget ng ahensiyang DICT sa taong 2027 sinuportahan ng mga mambabatas

Posted on: September 9th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINUPORTAHAN ng mga mambabatas ang mga programa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagtatapos ng deliberasyon sa P17.6-billion budget ng ahensiya sa taong 2027.

Ilan sa mga programa ng DICT na sinuportahan ng mga miyembro ng House Committee on Appropriations ay mas malawak na digital access, cybersecurity and good governance, ayon kay committee vice chairman FPJ PANDAY BAYANIHAN Partylist Rep. Brian Poe.

Nanawagan si Poe sa DICT na tapusin ang digitalization efforts nito para sa reliable at affordable connectivity, secure data systems, responsableng paggamit ng artificial intelligence, at mas malinaw na serbisyo publiko.

Binigyan diin ni Poe ang kahalagahan ng digital transformation. “Ang digital transformation ay hindi lang tungkol sa mas mabilis na internet. Dapat may trabaho, negosyo, oportunidad at mas mahusay na serbisyo na kasunod nito,” aniya.

Sinabi ni DICT Secretary Henry Rhoel Aguda na pag-iibayuhin ng ahensiya ang mga nasabing priority programs nito,

“At the DICT, we believe that every peso invested in ICT must translate into concrete and meaningful benefits for the Filipino,” sabi ni Aguda.

Kabilang sa mga alokasyon sa budget ng DICT ang P5 billion Free Public Internet Access Program, P2.16 billion para sa Philippine Digital Infrastructure Project (PDIP), P1.13 billion para sa National Broadband Program (NBP), at P949.5 million para sa National Government Data Center Infrastructure. 

Naglaan din ng P1.84 billion sa DICT budget para sa implementasyon ng E-Governance Act, P1.39 billion for Digital Government Development and Management, at P1.09 billion para sa cybersecurity information infrastructure. (VINA de GUZMAN)