• September 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 NA CHINESE NATIONAL ARESTADO SA RAID LABAN SA CYBER FRAUD NA KAUGNAY NG POGO

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Chinese national na umano’y sangkot sa mga aktibidad ng cyber fraud sa isang intelligence-driven operation na isinagawa laban sa mga pinaghihinalaang illegal na aktibidad na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Muntinlupa City.

Nag-ugat ang operasyon mula sa intelligence monitoring na isinagawa ng BI kaugnay ng mga ulat tungkol sa patuloy na operasyon na may kaugnayan sa POGO sa Montillano Street, Alabang, Muntinlupa City.

Dahil dito, naglabas ng kautusan si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na nag-aatas sa BI Fugitive Search Unit (FSU) na beripikahin ang ulat at magsagawa ng nararapat na aksyon laban sa mga iniulat na illegal na aktibidad.

Ayon sa ulat ni FSU Chief Rendel Sy, naaktuhan umano ang apat na Chinese national na aktuwal na nagsasagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa cyber fraud.

Kinilala ang mga ito na sina Qiao Zhong, 30, isang undocumented foreign national; Tang Ke, 31, isang overstaying foreign national na walang kaukulang visa; Liu Peng, 35, isang overstaying foreign national; at Zhang Caiyu, 42, isang overstaying foreign national na may umiiral na blacklist order at kinilalang dating POGO worker.

Pinuri ni Commissioner Viado ang mga tauhan ng FSU dahil sa kanilang agarang pagkilos at patuloy na pagbabantay sa pagtugis at pagdakip sa mga dayuhang sangkot sa illegal na aktibidad.

Hinimok din ng BI chief ang publiko na agad na iulat ang anumang impormasyon o mga napapansing aktibidad na kinasasangkutan ng mga dayuhang pinaghihinalaang sangkot sa illegal na gawain sa bansa.

Maaaring isumite ang mga ulat sa BI hotline sa (+632) 8-465-2400, o sa pamamagitan ng email sa immigPH@immigration.gov.ph at xinfo@immigration.gov.ph. (Gene Adsuara)