Bank records ni VP Sara dapat kumpirmahin kung tunay bago isalang, hiling ng house prosecution
- Published on September 9, 2026
- by Francis Paolo Torres
HIHILINGIN ng House prosecution panel kay Vice President Sara Duterte na kumpirmahin ang mga bank records nito bago isalang bilang bahagi ng ebidensya sa pagdinig ng unexplained wealth sa impeachment court sa Senado sa Lunes, Sept. 14.
“Hinihiling po namin sa respondent (Duterte) na kumpirmahin, una, kung genuine o tunay ang mga bank records na isinumite ng mga bangko alinsunod sa subpoena duces tecum na inisyu ng impeachment court; at ikalawa, kung ang mga bank accounts na tinutukoy sa mga records na iyon ay pag-aari ni Vice President Sara Zimmerman Duterte, individually or jointly with others,” pahayag ni House prosecutor Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa impeachment court nitong Martes.
Ipinaliwanag ni Diokno na si Duterte ay may personal na kaalaman sa mga nasabing bank accounts at maaaring beripikahin base sa kanyang mga dokumento o direkta sa banko.
“We are not asking the respondent to admit matters that they do not know anything about, or rather that they have no access to,” sabi ni Diokno.
Iginiit ni Diokno na hindi nila pinipilit si Duterte na umamin kung hindi naman totoo o tuluyang iwan ang kanyang karapatan sa depensa.
“Kung totoo, aminin; kung hindi totoo, tuwirang tanggihan; kung hindi naman kayang aminin o itanggi nang tapat, sabihin sa ilalim ng panunumpa kung bakit,” sinabi ng kongresista.
Aniya, mas makakabuti kung lilinawin ang lahat ni Duterte at makakabuti pa sa impeachment court na mapaikli ang paglilitis at hindi magtatawag ng 15 testigo sa usaping ito.
“Pero kung walang tunay na dispute, hindi na po natin kailangang gumugol pa ng ilang linggo at magharap ng humigit-kumulang 15 testigo para patunayan ang hindi naman talaga pinagtatalunan,” sabi nito
Iminungkahi ng prosecution sa impeachment na bigyan ng 15 araw ang depensa para tumugon. Ayon naman kay defense counsel Atty. Michael Wesley Poa, kailangan nila nang mas mahabang panahon na pag-aralan ang hiling ng prosecution at kumunsulta kay Duterte.
Sinabi naman ni Presiding Officer Sen. Francis Escudero na pagbibigyan niya ng “15 nonextendible days” mula Martes ang defense panel upang sumagot sa hiling ng prosecution.
Binalaan ni Escudero ang defense sa pagpapahiwatig ng general denial o simpleng pagtanggi lamang. Aniya, hindi tatanggapin ng impeachment court ang general denial kung maaari naman ito tukuyin.
Samantala, pinaalalahanan din ni Escudero ang prosecution hinggil sa mga requests for admission sa ilalim ng Rule 26 ng Rules of Civil Procedure dahil maaari lamang ito gamitin sa criminal proceedings.
Sinabi naman ni Diokno na ang impeachment ay hindi criminal trial dahil hindi nito ipakukulong o pagmumultahin ang nililitis kundi tanggalin siya sa kasalukuyang pwesto at hindi na bibigyan pa ng anumang tungkulin o posisyon sa gobyerno.
Samantala, inanunsiyo ni Escudero na itutuloy ang impeachment trial kahit may binigay na 15-day response period sa defense panel ni Duterte. “So, the trial will proceed. It will not be delayed.”
Inihahanda ng prosecution ang mahigit 1,800 bank, tax at iba pang financial documents na naunang na subpoena.
Itinakda ang mga araw ng Miyerkules at Huwebes sa pagmamarka ng exhibits bago ito iprisinta sa patuloy na pagdinig sa unexplained wealth charges simula Lunes, Sept. 14. (VINA de GUZMAN)