• September 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mister, pinagbantaang papatayin nang tumangging bayaran ang kinain ng mangingisda

KALABOSO ang 30-anyos na mangingisda matapos tutukan ng baril at pinagbantaang papatayin ang isang mister na tumangging bayaran ang kinain ng suspek sa Navotas City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente sa Brgy , NBBS, Kaunlaran nang magkasabay na kumain ng street food ang 55-anyos na biktima at ang suspek na si alyas “Burnok”.

Ikinagulat umano ng biktima nang utusan siya ng suspek na bayaran ang kinain nito subalit, tumanggi siya dahil hindi naman aniya sila magkakilala.

Nagalit umano ang suspek at naglabas ng baril sabay itinutok sa biktima bago pinagbantaang papatayin na naging dahilan upang humingi ito ng tulong sa mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela.

Kaagad namang nagsagawa ng follow -up operation ang mga tauhan ni Col. Pinuela na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nasamsam sa kanya ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Nang hanapan siya ng mga pulis ng kaukulang mga dokumento hinggil sa legalidad ng nasabing baril ay wala rin naipakita ang suspek.

Ayon sa pulisya, kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isasampa nila laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)