TUNAY na mahalaga ang edukasyon, kaya naman kahit ang napaka-busy na si Bianca Umali ay nagbabalak muling bumalik sa eskuwela.
Ito ang inilahad ng Sparkle GMA Artist Center actress sa recent guesting niya sa “i-Listen” ng host na si Kara David.
Rebelasyon pa ni Bianca na ikinahanga ng marami, nahinto siya sa pag-aaral, kusa niya itong desisyon, dahil mas pinili niya na unahin na muna ang pag-aaral ng kanyang pinsan na si Samantha kaysa sa kanyang sarili.
At sa tulong ni Bianca, nakapagtapos na si Samantha ng pag-aaral kaya naman buo na ang desisyon ni Bianca na ngayon ay siya naman ang muling sasabak sa pag-aaral at buhay-estudyante.
Lahad ni Bianca, “I have two choices. Either I go to a design school for interior design, or I’m also looking into a big university.
“Pero hindi pa po ako decided sa kung ano talaga, but yes, I’m excited to study,” bulalas ng aktres.
Natanong rin si Bianca kung bakit mas pinili niya na tulungan muna ang kanyang pinsan sa pag-aaral nito at inilahad ng dalaga na paraan iyon ng tinatawag na “pay it forward” bilang pasasalamat ni Bianca sa kanyang lola.
Ang kanyang Lola Vicky ang umaruga at nagpalaki kay Bianca noong maging ulila siya sa kanyang ina noong limang taong gulang pa lamang siya.
At makalipas ang limang taon ay ang ama naman ni Bianca ang pumanaw.
Kung sapat lamang raw ang kanyang kapasidad na sabay silang nag-aral ni Samantha ay iyon sana ang nangyari pero aminado ang aktres na may kamahalan ang mag-aral ngayon, na siya namang tunay.
At siyempre pa, naniniwala si Bianca na na ang edukasyon ay para sa lahat, na hinding-hindi kailanman magiging huli para sa kahit sino ang mag-aral.
Nagtapos si Bianca sa senior high school noong 2019.
Samantala, boses ni Bianca ang madidinig kay Ella Arcangel, ang upcoming animated film na “Ella Arcangel” din ang titulo.