• August 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Transaksyon sa Pax Silica, hindi dapat dehado sa Pinas, mga Pinoy- Malakanyang

TITIYAKIN ng gobyerno na hindi madedehado ang Pilipinas at ang mga Filipino sa transaksyon para sa inisyatiba sa Pax Silica.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, matatag ang paninindigan ng Pangulo na ang investments para sa Pax Silica ay dapat na kapaki-pakinabang sa bansa nang hindi makokompromiso ang kapakanan at karapatan ng mga mamamayang Filipino.

“Nagsalita din po ang Pangulo. Hindi maaaring gumawa ng anumang transaksyon na ang Pilipinas o mga Pilipino ang siyang madedehado,” ani Castro.

“Kailangan po nating magkaroon ng mga investments pero hindi nangangahulugan na ang ating mga kapwa Pilipino ang magdurusa,” aniya pa rin.

Ang pahayag na ito ni Castro ay matapos na magpatupad ang Estados Unidos ng 50 percent na taripa sa halos $20 bilyon na halaga ng mga produkto ng Canada. 

Kasunod sa bigong trade negotiations sa dalawang bansa

At nang tinanong naman si Castro ukol sa nakakasang pangangalaga para sa Pilipinas sa ilalim ng US-led Pax Silica initiative, iginiit ni Castro na hindi kukunsintihin ng gobyerno ang anumang aksyon na maaaring lumabag sa batas ng Pilipinas o karapatan ng mga Filipino.

“So, maliwanag po iyan. Hindi po natin pababayaan kung ano ang itinatalaga ng ating batas, hindi po natin iba-violate ang karapatan ng ating mga kapwa nating Pilipino,” aniya pa rin.

Nauna rito, inilarawan ni Pangulong Marcos ang Pax Silica initiative bilang isang “good deal” dahil makalilikha ito ng mas maraming job opportunities at mapasisigla ang paglago ng ekonomiya sa bansa.

Welcome rin sa Pangulo ang posibleng kolaborasyon kasama ang US, European countries, China, Japan, South Korea, Canada, at Australia, binigyang diin na prayoridad ng administrayson na tiyakin na ang investments ay mapakikinabangan ng mga Filipino sa pamamagitan ng ‘job creation, skills development, technology transfer, at training.’

Ang Pax Silica ay isang internasyonal na inisyatiba na pinamumunuan ng Estados Unidos at nakatuon sa pagsiguro ng mga kadena ng suplay para sa mga masulong na teknolohiya tulad ng mga semikonduktor, artipisyal na katalinuhan (AI), at mga bihirang elemento sa lupa. Hindi tuwirang layunin ng inisyatiba na bawasan ang pag-asa sa Tsina at kontrahin ang pangingibabaw nito sa mga larangang ito. ( DARIS JOSE)