• August 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, tumanggap ng pinakamataas na honorary degree mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila

IGINAWAD ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang Doctor of Laws, Honoris Causa, ang pinakamataas na honorary degree ng unibersidad.

Ipinagkaloob ang pagkilala sa Pangulo sa 58th Commencement Exercises ng PLM na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC) Plenary Hall sa Pasay City.

“Today, I stand before you, humbled as the Pamantasan ng Lungsod ng Maynila confers upon me the degree of Doctor of Laws, Honoris Causa—its highest honorary degree,” ani Pangulong Marcos.

“I receive this honor with gratitude, mindful of the responsibility that comes with it,” pahayag pa ng Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na ang pagkilalang ito ay nagpapakita ng pagkakapareho ng paninindigan ng kanyang administrasyon at ng PLM na mahalaga ang edukasyon bilang daan tungo sa oportunidad, pag-unlad at pagtatayo ng bansa.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang tema ng ika-58 Commencement Exercises ng PLM na “Mga Makabagong Pantas Taglay ang Karunungan Tungo sa Kadakilaan at Kaunlaran,”ay nagpapakita ng tunay na layunin ng edukasyon—ang gawing karunungan ang kaalaman at gamitin ito para sa kahusayan, pag-unlad at paglilingkod.

“And that, more than any degree or title bestowed today, is the standard to which I hold myself,” ayon sa Pangulo. 

Sinabi rin ng Pangulo na may espesyal na lugar ang PLM sa kanyang pamilya dahil minsang nagturo sa College of Law ng unibersidad si First Lady Louise Araneta-Marcos.

Ayon sa Pangulo, sa mga taon ng pagtuturo ng First Lady sa PLM, nakita ng kanilang pamilya ang dedikasyon ng unibersidad sa paghahanda ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipinong propesyonal.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na ipinapakita ng kasaysayan ng PLM na ang talento ay matatagpuan sa lahat ng lugar at bawat Pilipino ay may potensyal na magtagumpay.

“I therefore accept this recognition with a renewed commitment to uphold the values that this university has long championed: Karunungan, Kaunlaran, Kadakilaan, Wisdom, Progress and Greatness,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.

Kabilang sa mga dumalo sa seremonya sina Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at iba pang opisyal ng pamahalaan. (DARIS JOSE)