• September 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2026

National Bank Open organizer, gulat sa Pinoy power ni Eala at ng buhos ng fans nito

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGULAT ang organizer ng National Bank Open sa Canada sa bilis ng pagkaubos ng tickets sa mga laban ng Pinoy tennis star na si Alex Eala. 

Ayon kay Karl Hale, tournament director ng WTA 1000 event, hindi inaasahan ang dagsa ng mga Pilipinong fans na sumuporta sa laban ni Eala kontra American player Alycia Parks nitong Huwebes, Agosto 6.

Sa naturang laban, nanaig si Eala sa score na 6-1, 4-6, 6-2 upang makapasok sa third round.

Bilang tugon sa dami ng Pinoy supporters, nag-alok ang organizers ng “adobo chicken” sa food court ng Sobey’s Stadium na may seating capacity na 10,077.

Sabalenka, Pegula, Swiatek, pare-parehong nakapasok sa Round of 16 ng Canadian Open

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HALOS magkasabay na umusad sa fourth round ng WTA 1000 Canadian Open ang tatlong tennis star na sina top seed Aryna Sabalenka, third seed Jessica Pegula, at seventh seed Iga Swiatek.

Tinalo ni Sabalenka si Zhang Shuai sa dalawang set, 6-3, 6-4, para umusad sa Round of 16.

Inabot lamang ng 76 ang bakbakan ng dalawa at tuluyang napasakamay sa 28-anyos na kasalukuyang US Open champion matapos ang dominanteng performance.

Sa kabilang banda, tinalo naman ng 3rd seed na si Pegula ang tennis star ng Uzbekistan na si Kamilla Rakhimova sa score na 6-4, 6-0.

Hindi pinatagal ni Pegula ang laban at inabot lamang ito ng 68 minutes para tuluyang umusad sa quarter-final. Makakalaban niya si Russian 15th seed, Diana Shnaider sa naturang antas.

Samantala, nagawa naman ni Swiatek na umusad sa QF matapos ang dominanteng 6-2, 6-1 na panalo laban kay Swiss player, Viktorija Golubic sa loob ng 66 minutes.

Ang tatlong tennis star ay pare-aprehong nasa upper portion ng Women Tennis Association ranking dahil sa impresibong kampaniya sa mga naunang sinalihang international tennis tournament.

DICT, hihirit ng P18-billion budget para sa 2027, planong eGovAI

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na hihiling ito ng P18 billion na pondo sa ilalim ng panukalang P7.2-trillion national budget para sa 2027.

“We’re ready for the congressional deliberations, and we don’t expect any trouble getting this budget executed next year,” ayon kay DICT Secretary Henry Aguda.

Sa ilalim ng budget request nito, maglalaan ang DICT ng P2.7-billion para sa e-government (eGov) program nito sa national spending plan para sa susunod na taon.

Sa oras na maaprubahan, sinabi ni Aguda na magiging sakop ng pondo ang cloud hosting, cybersecurity at system integration para sa eGovPH, isang one-stop platform kung saan ang mga filipino ay makakapag-store ng digital IDs, makapag-aplay ng trabaho at makapag-request ng medical assistance.

Sinasabing nakapagtala ang eGov app ng mahigit sa 61 million downloads at nag-proseso ng mahigit sa 900 milyong transaksyon, nakapag-ugnay ng mahigit sa 1,300 government services sa isang lugar.

Ang go signal pa rin ng Kongreso ang tanda ng pagpayag ng pagsisimula ng DICT sa pag-roll out ng eGovAI, isang AI layer para sa automated document processing, habang pinapalawak ang cloud backbone nito.

“We’re building the infrastructure behind the administration’s digital push,” ani Aguda.

Idagdag pa rito, itinutulak din ng DICT ang National Digital Connectivity Plan— isang Marcos-approved roadmap kung saan target ang universal access sa 2028 at internet costs cut ng hanggang 80% sa pamamagitan ng fiber, satellite, at submarine cable expansion.

“We’re aiming to get every public school online ahead of the 2028 deadline. We’re already past 99 percent coverage, and our engineers are working with telco partners and local communities to reach the last remote sites by satellite,” ang winika ni Aguda.

“Free, reliable internet for public schools, barangay halls, and health centers in isolated communities remains non-negotiable for us,” aniya pa rin.

Samantala, sinabi pa ni Aguda na isinusulong ng departamento ang National Digital Connectivity Plan maliban pa sa Broadband ng Masa and Konektadong Pinoy laws, nagbubukas ng telecommunications space sa mas maraming kompetisyon.

 (DARIS JOSE)

Pag-apruba sa foreign travel ng mga opisyal ng LGUs: Ipinauubaya na sa itatalagang kinatawan ng DILG Secretary 

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Administrative Order (AO) No. 47 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na italaga sa mga awtorisadong kinatawan ang pag-apruba ng mga kahilingan para sa foreign travel ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan.

Sa bisa ng kapangyarihan ng Pangulo, nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto ang Administrative Order (AO) No. 47 na nag-amyenda sa AO No. 267 (1992) upang mapabilis ang pagproseso ng dumaraming aplikasyon para sa foreign travel ng mga lokal na opisyal.

“Dahil sa dami ng mga kahilingan para sa paglalakbay at sa patuloy na lumalaking pangangailangan sa koordinasyon sa mga rehiyon, kinakailangang pagbutihin ang proseso ng pag-apruba upang matiyak ang mas mabilis na pagtugon sa kasalukuyang kalagayan ng pamahalaan, mapalakas ang mga sistema ng gobyerno, mapahusay ang episyensya ng burukrasya, at kasabay nito ay mapanatili ang sapat na pangangasiwa at superbisyon sa mga lokal na pamahalaan,” nakasaad sa kautusan.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 7160 o Local Government Code, kinakailangang humingi ng pahintulot sa Office of the President ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na maglalakbay sa ibang bansa kung ang biyahe ay lalampas sa tatlong buwan, isasagawa sa panahon ng state of emergency o krisis, o kung gagamit ng pondo ng pamahalaan.

Binanggit din sa kautusan ang mga tuntunin para sa opisyal na local at foreign travel ng mga kawani ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Order No. 77 (2019), na nagbibigay-diin sa layuning gawing mas episyente at mas mabilis ang mga sistema ng pamahalaan habang pinananatili ang pananagutan at sapat na pangangasiwa sa mga local government unit.

Magkakabisa ang AO No. 47 matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may pangkalahatang sirkulasyon. ( DARIS JOSE)

Mas maunlad na buhay ng ating mga Agrarian Reform Beneficiaries, pinagtibay

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING pinagtibay ng Department Of Agrarian Reform (DAR) kasama si DARAB-Board Member Atty. McDonald M. Galit ang mas matibay na pagtutulungan, mas mahusay na serbisyo, para sa mas maunlad na buhay ng ating mga Agrarian Reform Beneficiaries. Ang apat na araw na pagsusuri at pagpaplano ay nagpapatunay na nakatuon ang DAR sa mas epektibong paghahatid ng tulong para sa mga ARBs. ( Ser Morales Sr.)

Pagpapaliban ng BSKE, panawagan ni Leyte Rep. Richard Gomez

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NANAWAGAN si Leyte Rep. Richard Gomez na i-postpone ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) upang masiguro ang kredibilidad at maayos na eleksyon sa gitna ng umiiral na hamon sa politika ng bansa.

Sa inihaing House Bill No. 10591, nanawagan si Gomez sa mga kapwa niya mambabatas na suportahan ang kanyang panukala na ipagpaliban ang BSKE sa November 2, 2026 patungo sa huling araw ng Lunes sa November 2028.

Ayon kay Gomez, may counterpart bill ang Senado na nanawagan ng pagpaliban ng BSKE.

“I am hopeful that both the House of Representatives and the Senate will act decisively on this measure. When both chambers recognize the urgency of an issue, we move one step closer to meaningful and responsible legislation,” sinabi ni Gomez.

Iginiit ni Gomez na hindi dapat apurahin ang BSKE at sa halip ay dapat itong paghandaan nang husto.

Aniya, ang nangyayaring krisis sa enerhiya sa buong mundo ay lubhang makakaapekto sa pagdaraos ng eleksyon dahil sa gastusin nito.

“The strength of our democracy is measured not by how quickly we hold elections, but by how credible, orderly, and inclusive those elections are. This is a measure that puts the national interest and the Filipino people first,” sabi ng kongresista. (VINA de GUZMAN)

“Maleta boys,” ginamit lang sa smear campaign vs. top officials, House prosecutors

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG ni House Prosecution Panel adviser at spokesperson Ace Barbers na ang desisyon ng apat na dating marines o kilala bilang “maleta boys” na bawiin ang dati nilang alegasyon kaugnay sa multi-bilyong pisong flood control project kickbacks ay nagpapakita na nagamit lamang ang mga ito. Sa pagtatangka na idiskredito ang ilang matataas na government officials at miyembro ng House prosecution panel na humahawak sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Barbers, ang pagbawi ay posibleng dahil sa konsensiya at kabiguan sa bahagi ng nag-recruit sa kanila na mapunan ang umano’y pangako ng seguridad at kaukulang financial rewards.

“Their recantations clearly show that someone prepared a script and used them to spread false allegations against senior government officials and members of the House prosecution panel,” pahayag nito.

Nang taungin kung napalakas ng naturang pagbawi ang kredibilidad ng prosekusyon, sinabi ni Barbers na “Oo, pinapalakas nito ang kredibilidad ng prosekusyon. Ang pagbawi ay nagpapakita na may nagdikta at nag-udyok sa kanila na mag-sinungaling, at ito ay isang sadyang pag-atake para siraan ang impeachment process.”

“Malamang konsensya at napakong pangako ang dahilan ng pagbawi nila,” dagdag ni Barbers.

Sa bagong ginawang notarized affidavits, opisyal na binawi ng apat na dating marines ang lahat ng kanilang statements na nagsasangkot kina President Ferdinand Marcos Jr., dating Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at iba pang personalidad sa alegasyon ng bribery at cash deliveries.

(VINA de GUZMAN)

Sa kontrobersiyal na flood control projects…Dating Speaker Romualdez, itinangging siya ang nasa likod ng pagbawi ng apat na dating marines

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI totoo. Ito ang binigyan-diin ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa akusasyon ng Ombudsman na siya ang nasa likod ng pagbawi ng apat na dating marines kaugnay sa kontrobersiyal na flood control projects.

“This shows how extremely prejudiced he is against me,” pahayag pa ni Romualdez.

Sinabi ng Leyte solon na ang ginaang pagbawi ng apat na dating marines na nagpapatunay na ang lahat ng akusasyon laban sa kanya ay hindi totoo at gawa-gawa lamang.

Aniya, hindi siya matatakot na harapin ang akusasyon laban sa kanya.

“I will not be intimidated. I will face every accusation against me, defend myself with the facts, the evidence, and the truth.” pagtatapos nito. (VINA de GUZMAN)

2 aktibong pulis, tiklo sa iligal na pagbebenta ng baril sa Caloocan

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO ang dalawang aktibong pulis sa ikinasang buy-bust operation ng kanilang mga kabaro dahil sa pagbebenta umano ng iligal na armas sa Caloocan City, Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mga pulis na sina alyas “Onin” na may ranggong Staff Sergeant, 32, nakatalaga sa Caloocan Police Sub-Station 2 at alyas “JayAr” na may ranggong Master Sergeant, 39, ng Caloocan Police Sub-Station 9.

Sa nakarating na ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth sa pangunguna ni P/Lt. Col. Rengie Deimos matapos ang ilang araw na surveillance at monitoring operation laban sa dalawa kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na gawain ng mga ito.

Isang sibilyan ang ginamit na poseur-buyer ng pulisya na nagbayad ng P2,500 marked money sa mga suspek kapalit ng hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala na dahilan ng kanilang pagkakaaresto dakong alas-5:30 ng umaga sa Riles Compound, Brgy., 5.

Nakumpiska rin sa dalawa ang kanilang service firearm na kalibre .9mm pistol na ang isa ay kargado ng 10 bala sa magazine at 15 bala naman sa isa pa, isang 12-gauge shotgun na may apat na bala, dalawang mobile phone, dalawang motorsiklong gamit nila sa ilegal na operasyon at ang ginamit na marked money.

Maliban sa kasong administratibo, mahaharap din ang dalawa sa kasong paglabag sa Illegal Sale and Illegal Possession of Firearms at Possession/Sale of High-Powered Firearms sa ilalim ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

P171K droga, nasabat sa HVI drug suspect sa Caloocan

Posted on: August 8th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA kulungan ang bagsak ng isang umano’y tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) matapos maaresto sa buy bust operation at makuhanan ng mahigit P171K halaga ng shabu sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong suspek bilang si alyas “Boss M”, 21, na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Col. Goforth na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban sa suspek kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano nito ng illegal na droga.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Boss M, at nang tanggapin nito ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang plastic sachet ng marijuana kush ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-11:25 ng umaga sa Brgy., 180.      

Nakumpiska sa kanya ang hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at marijuana kush na nagkakahalaga ng P96,389 at nasa 11 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P74,800 na aabot lahat sa kabuuang halaga na P171, 189.06, at buy bust money. (Richard Mesa)