• September 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August, 2026

85 pamilya, nawalan ng tahanan sa sunog sa Valenzuela

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG aabot sa 85 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos tupukin ng apoy ang mga kabahayan sa sunog na sumiklab sa hindi pa batid na dahilan sa Valenzuela City.

Sa ulat ni City Fire Marshal F/Supt. Ma. Theresa Alqueza kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalina, nagsimula ang apoy na itinaas sa unang alarma dakong ala-1:54 ng madaling araw sa Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. de Leon, na umabot sa ikatlong alarma alas-2:12 sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy sa mga dikit-dikit na kabahayan na pawang gawa sa light materials.

Idineklarang undercontrol ang susnog dakong alas-4:44 ng madaling araw hanggang tuluyang maapula ng alas-6:05 ng umaga.

Ayon kay Alqueza, kabilang sa mga nasunugan ang rumespondeng fire volunteer na si Jeckster Quiamco, na walang naisalbang gamit dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy bagamat ligtas naman ang kanyang pamilya.

Pansamantala ngayong nanunuluyan sa San Roque Chapel at sa covered court ng Brgy, Gen. T. De Leon ang mga apektadong pamila kung saan sila pinadalhan ni Mayor Gatchalian ng mainit na pagkain at kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga arson investigator upang matukoy ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-arian na natupok ng apoy. (Richard Mesa)

10-day Service Incentive Leave para sa manggagawang Pilipino

Posted on: August 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINANUKALA ni 4Ps Partylist Representative JC M. Abalos na taasan ang mandatory annual Service Incentive Leave (SIL) para sa kuwalipikadong Filipino workers mula sa limang (5) araw sa sampung (10) araw.

“Our Constitution recognizes labor as a primary socio-economic force and mandates the State to protect the rights and promote the welfare of Filipino workers. Under the Labor Code, employees who have rendered at least one (1) year of service are currently entitled to five (5) days of Service Incentive Leave with pay. For more than 50 years, this minimum entitlement has remained unchanged. Should HB 10753 be enacted into law, it will entitle workers to at least 10 days service incentive leave with pay,” ani Abalos.

Sinabi ni Abalos na kinikilala sa House Bill (HB) No. 10753 ang pangangailangan ng mga manggagawa na makapagpahinga, mapangalagaan ang kalusugan at personal needs, at mapunan ang kanilang responsibilidad sa kanilang pamilya.

“Ang mga manggagawa ay hindi lamang bahagi ng ating workforce. Tao sila na nangangailangan din ng sapat na panahon para makapagpahinga, magpagaling kapag may sakit, asikasuhin ang kanilang personal na pangangailangan, at gampanan ang kanilang responsibilidad sa pamilya. Mahigit 50 taon nang limang araw ang minimum Service Incentive Leave. Panahon na para dagdagan ito,” pahayag ni Abalos.

Sinabi nito na ang Pilipinas ang may pinakamababang statutory minimum leave entitlement kumpara sa ibang bansa sa rehiyon.

“Medyo napapag-iwanan na rin tayo sa usapin na ito. Ang mga kapitbahay natin sa Southeast Asia tulad ng Singapore at Malaysia ay may statutory annual leave entitlements na mas mataas kaysa sa kasalukuyang limang (5) araw na Service Incentive Leave sa Pilipinas. Sa Singapore, ang annual leave ay nagsisimula sa pitong (7) araw at umaabot sa labing-apat (14) na araw depende sa haba ng serbisyo. Sa Malaysia naman, ang annual leave ay nasa walo (8), labindalawa (12), o labing-anim (16) na araw, depende rin sa haba ng serbisyo,” pagdidiin ni Abalos.

“Kung madadagdagan natin sa sampung araw ang annual Service Incentive Leave, mabibigyan natin ang ating mga manggagawa ng karagdagang panahon para makapagpahinga, makauwi sa kanilang pamilya, at maasikaso ang mahahalagang pangangailangan nang hindi isinasakripisyo ang kanilang sweldo,” aniya.

Para kay Abalos, kinikilala ng panukala ang diginidad ng mga manggagawang Pilipino at mabigyan sila ng supisyenteng panahon para pangalagaan ang kanilang sarili at kanilang pamilya.

“Ang dagdag na limang araw ay hindi lamang dagdag na leave. Ito ay pagkilala sa dignidad ng ating mga manggagawa at sa kanilang pangangailangan na magkaroon ng sapat na panahon para sa kanilang sarili at kanilang mga mahal sa buhay,” pagtatapos nito.

(VINA de GUZMAN)

Ateneo Blue Eagles, balik-court matapos ang halos 2 buwan pahinga kasunod ng Aurora tragedy

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BALIK court na ngayon ang Ateneo de Manila University Blue Eagles matapos ang halos dalawang buwang pahinga kasunod ng trahedyang ikinasawi ng dalawang manlalaro ng koponan na sina Rene “Bobet” Baterbonia at Divine Adili.

Ngayong araw August 16,2026, nakaharap ng Blue Eagles ang Phoenix ng Our Lady of Fatima University (OLFU) sa Pinoyliga Collegiate Cup: The Big Dance.

Kasama rin sa torneo ang mga koponan mula sa De La Salle-College of Saint Benilde, University of Santo Tomas at Mapúa University.

Pinangunahan ng bagong head coach ng Ateneo Blue Eagles na si Louie Alas matapos nagbitiw sa puwesto ang dating couch na si Tab Baldwin kasunod ng trahedya sa team-building activity ng koponan sa Aurora.

Nakatakda ring sumabak ang Ateneo sa UAAP Season 89 na magsisimula sa Setyembre. 

Alex Eala haharap sa world No. 10 Amanda Anisimova sa Cincinnati Open

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANIBAGONG malaking hamon ang naghihintay kay Alex Eala matapos umabante sa third round ng Cincinnati Open, kung saan makakaharap niya ang world No. 10 na si Amanda Anisimova ng Estados Unidos.

Umakyat sa Round of 32 si Eala matapos manguna, 6-1, 3-0, laban kay Romanian Elena-Gabriela Ruse bago ito nagretiro dahil sa injury sa kanang paa. 

Samantala, diretso namang umabante si Anisimova matapos talunin si Zeynep Sonmez, 6-2, 6-3.

Ito ang unang pagtatagpo nina Eala at Anisimova sa kanilang career. 

Masusubok dito ang magandang momentum ni Eala matapos niyang makuha ang kanyang unang WTA Tour title sa DC Open at makapagpakita ng matatag na kampanya sa North American hard-court swing. 

Ang laban ay nakatakda sa Lunes ng gabi, Agosto 17, oras sa Pilipinas, sa Mason, Ohio.

Taon-taong sumasailalim sa medical checkup…ANNE, tinayak sa fans na maayos ang kanyang kalusugan (ni: ROHN ROMULO)

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBIGAY na ng pahayag ang Kapamilya star na si Anne Curtis tungkol sa kanyang kalusugan.

Marami kasi ang nakapansin na ilang netizens na tila bukol sa kanyang leeg.

Aminado ang aktres na hindi siya komportable na pag-usapan ang kanyang kalagayan, tiniyak naman na maayos ang kanyang kalusugan.

“It is not something I would like to talk about. I would like to keep things I am going through privately. 

“But to anyone concerned I am doing OK,” ayon sa naging interview ka Anne.

Dagdag pa niya, “It is very important you listen to your body. If there is anything I want to share, when you reach a certain age, do executive checkups and invest in your health.” 

Paniniguro pa ng “It’s Showtime” host, taon-taon siyang sumasailalim sa medical checkup.

“Yearly I get checkups. It is important. We say mag-start at 40 but I have been doing it since my thirties,” panana pa niya.

Samantala, nanawagan naman ang kanyang pahayag sa mga tagahanga na huwag agad magbigay ng sariling diagnosis batay lamang sa mga nakikitang larawan o video online. 

Para kay Anne, mahalagang unahin ang regular na medical checkup at kumonsulta sa mga kwalipikadong health professional.

Sa ngayon, malinaw ang mensahe ng aktres sa kanyang supporters: nais niyang panatilihing pribado ang ilang personal na pinagdaraanan, ngunit tiniyak niyang siya ay okay na okay.  

Maayos na nagpaalam sa manager na si Ogie…AIKO, gusto nang ibuhos ang kanyang atensyon sa pulitika (ni: REY PINEDA) 

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALA na pala sa poder ni Ogie Diaz ang batikang aktres na si Aiko Melendez.

Ayon mismo ito sa “Showbiz Update” vlog ng talent manager at content creator.     Maayos naman daw na nagpaalam itong si Aiko sa pamamagitan ng viber. Katuwiran daw ni Aiko gusto raw nitong ibuhos ang kanyang atensyon sa pulitika.

Magkaiba man ang paniniwala nila sa pulitika, nananatili pa rin daw ang respeto nila sa isa’t isa maging ang kanilang pagiging matalik na magkaibigan.     

Ayon pa kay Ogie 80% daw ng buhay ni Aiko ay nakalaan sa pulitika, 20% lang daw ang natitira dito para sa kanyang showbiz career.     

Aminado rin si Ogie na hindi siya ang manager ni Aiko pagdating sa pulitika, kung kaya’t anuman ang maging desisyon nito ay kanyang inirerespeto. 

Samantala, nagsisilbi pa rin si Aiko bilang konseyal ng 5th District ng Quezon City, matapos siyang ma-reelect para sa second consecutive term noong May 2025. 

*** 

INAMIN ni Ruru Madrid na malaking epekto sa kanyang career ang pagiging aktibong miyembro ng kanyang relihiyong Iglesia Ni Cristo.

Marami raw kasi ito tinanggihang endorsements, tulad na lamang ng pag-eendorso ng alak at sugal.

Salungat daw kasi ito sa mga ititnuturo ng kanilang relihiyon.     

Maging sa mga roles nito sa TV man o pelikula, minsan kinakailangan pa nitong magpadala ng written explanation sa mga church leaders kung medyo maselan ang papel na kanyang ginagampanan.      

Kaya kung mapapansin ninyo, talagang namimili ng mga roles at projects itong si Ruru.     At malaking epekto sa kanyang personal na buhay ang pag-convert ng kanyang partner na si Bianca Umali sa INC.

Dahil hindi na raw salungat ang kanilang mga paniniwala, mas naging malalim at puno ng pagmamahal.     

Bagay daw na lalung nagbigkis sa kanilang halos walong taon ng pagsasama.

Maganda man o hindi ang nangyayari sa buhay niya…VICE GANDA, every day na humihingi ng another chance kay LORD (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAG-USAPAN nga last week ang newest title ni Vice Ganda bilang “Queen of All Networks” na ipinagkaloob sa kanya matapos pumirma ng two-year contract sa MediaQuest Holdings ni Manny V. Pangilinan.Maraming nag-agree at meron ding nagtaas ng kilay na nagsabing wala pa raw karapatan ang Asia’s Unkabogable Phenomenal Box-office Star na bigyang ng titulong reyna ng TV networks.

At sa naganap na announcement ng phenomenal partnership ni Vice at ng kumpanya ni MVP, natanong ang TV host-comedian kung anong feeling na may bago na naman siyang titulo.

“Wala rin namang bearing yung mga title-title na ganyan, e,” natatawang sagot niya.

“Ganu’n din naman ang bayad. Wala namang, ‘O, dalawa na yung title mo, dalawa na ang bayad ko’, wala namang ganu’n!” 

“But honestly, siyempre, nakakakilig yun. Ang plastik naman kapag sinabi mong wala naman ‘yan. Meron ‘yan. Nakakakilig ‘yun, nakaka-flatter ‘yan nang malala kasi siyempre, bina-validate niya yung mga nagawa mo, yung body of works mo, di ba?” 

Dagdag pa niya, “So, may nakakapansin ng ibinibigay mo at may nakaka-appreciate kaya nagbibigay din sila ng ganu’ng title at nakakakilig yun, no!” aniya pa.

Natanong din si Vice kung ano aabangan o aasahan ng mga manonood sa naturang pagsasanib-puwersa.

“I want them to expect, I want also to expect,” pananaw niya.

“With audience I want to expect a pasabog na projects. Hello, andami niyong pera, dapat pasabog talaga tayo, Sir MVP!

“Di ba, parang magtataka ang mga tao, ‘Andami namang pera, bakit parang tipid yung production?’ Yung ganun.”

Lahad pa niya, “Kidding aside, mag-expect sila ng same thing, di ba? Ano yung gusto ninyo sa akin, anong hinahanap ninyo?

“You need laughter everyday, to help you through the day. You need to laugh, to escape every now and then — I will give that to you, with the help and support of MediaQuest.”

May gusto pa ba siyang ma-achieve, sa rami nang magagandang kaganapan sa kanyang career?

“I just wanna continue. I just want to continue enjoying the things that I have been doing. I just wanna continue creating content, doing movies, doing TV. 

“Gusto ko lang masaya, gusto ko lang GV-GV (good vibes).

“Kasi parang masaya naman ang life. Ang gusto ko na lang ay magpatuloy. ‘Yun, magpatuloy lang siya at yung hindi ka magkakasakit,” tugon pa ni Vice.At sa kabila nito, ano pa ipinagdarasal niya ngayon? “I always pray for another chance every day. ‘Lord, pahingi pa ng isang chance.’ Di ba, pag maganda yung nangyayari, ‘Lord, thank you, pahingi pa ng isang chance.’

“Kapag hindi naman maganda yung nangyayari, ‘Lord, thank you! Penge pa ng isang chance.’ ‘Yun lang naman, kasi lahat naman tayo matitigok in the future, di ba? Pero siyempre, ayaw nating agad. 

“Kaya, ‘Lord, thank you, pahingi pa ng isang chance.’ Every day, another chance, I just ask for another chance, ganu’n lang,” seryosong tsika pa ni Vice Ganda.

Ombudsman Remulla, kinuwestiyon ang kalidad ng mga proyektong itinatayo ng DPWH

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINUWESTYON ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang kalidad ng mga proyektong itinatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Sa kanyang programa, sinabi ni Remulla na maaaring mas maayos ang malalaking proyekto kung isasagawa sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP).

Kabilang sa binanggit niya ang mahigit P9-billion UP-Philippine General Hospital Cancer Center, na wala umanong nakuhang bidder.

Kinuwestiyon din ni Remulla ang Bureau of Immigration building project na nagkakahalaga ng mahigit P8 billion, na aniya ay matagal nang ginagawa.

Iminungkahi rin niya sa National Bureau of Investigation na sa halip na magpatayo ng bagong gusali, maaari na lamang itong bumili ng existing building sa pribadong sektor.

Sumang-ayon naman si DPWH Secretary Vince Dizon sa ilang punto ni Remulla, partikular sa paggamit ng PPP para sa malalaki at komplikadong proyekto.

Inamin din ni Dizon na hindi siya nasiyahan sa kalidad ng ilang proyektong ginagawa ng DPWH, kabilang ang Bureau of Immigration building.

Sinabi rin niyang handa ang DPWH na itigil ang kasalukuyang NBI building project upang makahanap ang ahensya ng mas praktikal na opsyon para sa bagong headquarters nito. ( DARIS JOSE)

NEWS 3 

50 lugar nasa state of calamity dahil sa Luis, Maymay at habagat

Umaabot na sa 50 lugar ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding epekto ng tropical cyclones Luis, Maymay at southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo, Agosto 16.

Kabilang sa mg lugar na apektado ay ang Central Luzon (Region 3) kabilang ang Pampanga – 21 siyudad at bayan; Bulacan – Calumpit, Hagonoy, Bulakan.

Sa CALABARZON (Region 4A) ay buong lalawigan ng Cavite (23 lungsod at bayan); Rizal – Montalban; Ilocos Region (Region 1) kabilang ang Dagupan City at Sta. Barbara.

Sa report ng OCD, umabot na sa 23 katao ang death toll – 15 sa Benguet, 3 sa Batangas, 1 sa Rizal, tig-isa sa La Union at Quezon).

Sa PNP tally ay 25 katao ang nasawi. Nasa 17 katao ang sugatan at 3 nawawala.

( DARIS JOSE)

DILG iniimbestigahan ‘wait lang’ na 911 response, palpak na ambulansiya

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa umano’y “wait lang” na 911 emergency hotline sa isang medical emergency, matapos mag-viral sa social media ang reklamo ng isang netizen na humingi ng agarang tulong para sa kanyang ama.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi maaaring ibalewala ang viral Facebook post ng isang Basti Askri tungkol sa umano’y naging karanasan nila sa paghingi ng emergency assistance.

Sa FB post ni Askri, halos 10 minuto siyang paulit-ulit na tumawag sa 911 ngunit walang sumagot. Nang may sumagot umano, paulit-ulit lamang siyang sinabihang “wait” habang naririnig niya ang tawanan at kuwentuhan sa background. Nang dumating ang ambulansya, wala itong automated external defibrillator (AED) at iba pang mahahalagang kagamitang medikal na kinakailangan sa emergency response.

Dahil dito, napilitan umano ang pamilya na magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa kanyang ama habang hinihintay ang kinakailangang medical assistance. Kalaunan ay namatay ang pasyente

Dagdag pa ni Remulla, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang mga pangyayari upang matukoy kung nagkaroon ng pagkukulang sa pagtugon at emergency services. ( DARIS JOSE)

Nagpapakita ito ng kawalang-galang niya sa institusyong konstitusyonal…VP Sara 15 beses nang iniisnab trial

Posted on: August 17th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINAWAG ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na “kawalang-galang” sa proseso ng Konstitusyon ang patuloy na hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial sa Senado na nasa 15 araw na.

Sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni Abante na ang hindi pagharap ni Duterte ay kapareho ng kanyang naging saloobin sa Kamara bago siya ma-impeach, nang tumanggi itong personal na humarap sa mga imbestigasyon kaugnay ng confidential funds.

“Ang kanyang pagliban ay nagpapakita ng kawalang-galang niya sa institusyong konstitusyonal na dapat magsagawa ng proseso sa impeachment complaint laban sa kanya,” ani Abante, chairman ng House Committee on Human Rights.

Isa si Abante sa mga nag-endorso ng impeachment complaint na naging batayan ng Articles of Impeachment na ipinadala ng Kamara sa Senado. Bahagi ng reklamo ang mga imbestigasyon sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, na parehong pinamunuan ni Duterte mula 2022 hanggang 2024.

Hindi rin dumalo si Duterte sa mga pagdinig ng House committees, at mula nang magsimula ang impeachment trial noong Hulyo 6, tanging kanyang mga abogado ang regular na humaharap sa Senado.

“Mahirap na hindi humaharap ang Vice President sa Kongreso. Hindi tama ang ginawa ng Vice President na ininsulto niya ang Kongreso tungkol dito. Ginawa niyang walang saysay ang Kongreso,” ani Abante.

( VINA de GUZMAN)