• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

10-day Service Incentive Leave para sa manggagawang Pilipino

IPINANUKALA ni 4Ps Partylist Representative JC M. Abalos na taasan ang mandatory annual Service Incentive Leave (SIL) para sa kuwalipikadong Filipino workers mula sa limang (5) araw sa sampung (10) araw.

“Our Constitution recognizes labor as a primary socio-economic force and mandates the State to protect the rights and promote the welfare of Filipino workers. Under the Labor Code, employees who have rendered at least one (1) year of service are currently entitled to five (5) days of Service Incentive Leave with pay. For more than 50 years, this minimum entitlement has remained unchanged. Should HB 10753 be enacted into law, it will entitle workers to at least 10 days service incentive leave with pay,” ani Abalos.

Sinabi ni Abalos na kinikilala sa House Bill (HB) No. 10753 ang pangangailangan ng mga manggagawa na makapagpahinga, mapangalagaan ang kalusugan at personal needs, at mapunan ang kanilang responsibilidad sa kanilang pamilya.

“Ang mga manggagawa ay hindi lamang bahagi ng ating workforce. Tao sila na nangangailangan din ng sapat na panahon para makapagpahinga, magpagaling kapag may sakit, asikasuhin ang kanilang personal na pangangailangan, at gampanan ang kanilang responsibilidad sa pamilya. Mahigit 50 taon nang limang araw ang minimum Service Incentive Leave. Panahon na para dagdagan ito,” pahayag ni Abalos.

Sinabi nito na ang Pilipinas ang may pinakamababang statutory minimum leave entitlement kumpara sa ibang bansa sa rehiyon.

“Medyo napapag-iwanan na rin tayo sa usapin na ito. Ang mga kapitbahay natin sa Southeast Asia tulad ng Singapore at Malaysia ay may statutory annual leave entitlements na mas mataas kaysa sa kasalukuyang limang (5) araw na Service Incentive Leave sa Pilipinas. Sa Singapore, ang annual leave ay nagsisimula sa pitong (7) araw at umaabot sa labing-apat (14) na araw depende sa haba ng serbisyo. Sa Malaysia naman, ang annual leave ay nasa walo (8), labindalawa (12), o labing-anim (16) na araw, depende rin sa haba ng serbisyo,” pagdidiin ni Abalos.

“Kung madadagdagan natin sa sampung araw ang annual Service Incentive Leave, mabibigyan natin ang ating mga manggagawa ng karagdagang panahon para makapagpahinga, makauwi sa kanilang pamilya, at maasikaso ang mahahalagang pangangailangan nang hindi isinasakripisyo ang kanilang sweldo,” aniya.

Para kay Abalos, kinikilala ng panukala ang diginidad ng mga manggagawang Pilipino at mabigyan sila ng supisyenteng panahon para pangalagaan ang kanilang sarili at kanilang pamilya.

“Ang dagdag na limang araw ay hindi lamang dagdag na leave. Ito ay pagkilala sa dignidad ng ating mga manggagawa at sa kanilang pangangailangan na magkaroon ng sapat na panahon para sa kanilang sarili at kanilang mga mahal sa buhay,” pagtatapos nito.

(VINA de GUZMAN)