• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ombudsman Remulla, kinuwestiyon ang kalidad ng mga proyektong itinatayo ng DPWH

KINUWESTYON ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang kalidad ng mga proyektong itinatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Sa kanyang programa, sinabi ni Remulla na maaaring mas maayos ang malalaking proyekto kung isasagawa sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP).

Kabilang sa binanggit niya ang mahigit P9-billion UP-Philippine General Hospital Cancer Center, na wala umanong nakuhang bidder.

Kinuwestiyon din ni Remulla ang Bureau of Immigration building project na nagkakahalaga ng mahigit P8 billion, na aniya ay matagal nang ginagawa.

Iminungkahi rin niya sa National Bureau of Investigation na sa halip na magpatayo ng bagong gusali, maaari na lamang itong bumili ng existing building sa pribadong sektor.

Sumang-ayon naman si DPWH Secretary Vince Dizon sa ilang punto ni Remulla, partikular sa paggamit ng PPP para sa malalaki at komplikadong proyekto.

Inamin din ni Dizon na hindi siya nasiyahan sa kalidad ng ilang proyektong ginagawa ng DPWH, kabilang ang Bureau of Immigration building.

Sinabi rin niyang handa ang DPWH na itigil ang kasalukuyang NBI building project upang makahanap ang ahensya ng mas praktikal na opsyon para sa bagong headquarters nito. ( DARIS JOSE)

NEWS 3 

50 lugar nasa state of calamity dahil sa Luis, Maymay at habagat

Umaabot na sa 50 lugar ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding epekto ng tropical cyclones Luis, Maymay at southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Linggo, Agosto 16.

Kabilang sa mg lugar na apektado ay ang Central Luzon (Region 3) kabilang ang Pampanga – 21 siyudad at bayan; Bulacan – Calumpit, Hagonoy, Bulakan.

Sa CALABARZON (Region 4A) ay buong lalawigan ng Cavite (23 lungsod at bayan); Rizal – Montalban; Ilocos Region (Region 1) kabilang ang Dagupan City at Sta. Barbara.

Sa report ng OCD, umabot na sa 23 katao ang death toll – 15 sa Benguet, 3 sa Batangas, 1 sa Rizal, tig-isa sa La Union at Quezon).

Sa PNP tally ay 25 katao ang nasawi. Nasa 17 katao ang sugatan at 3 nawawala.

( DARIS JOSE)