• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DILG iniimbestigahan ‘wait lang’ na 911 response, palpak na ambulansiya

NAGSASAGAWA na ng imbestigasyon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa umano’y “wait lang” na 911 emergency hotline sa isang medical emergency, matapos mag-viral sa social media ang reklamo ng isang netizen na humingi ng agarang tulong para sa kanyang ama.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi maaaring ibalewala ang viral Facebook post ng isang Basti Askri tungkol sa umano’y naging karanasan nila sa paghingi ng emergency assistance.

Sa FB post ni Askri, halos 10 minuto siyang paulit-ulit na tumawag sa 911 ngunit walang sumagot. Nang may sumagot umano, paulit-ulit lamang siyang sinabihang “wait” habang naririnig niya ang tawanan at kuwentuhan sa background. Nang dumating ang ambulansya, wala itong automated external defibrillator (AED) at iba pang mahahalagang kagamitang medikal na kinakailangan sa emergency response.

Dahil dito, napilitan umano ang pamilya na magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa kanyang ama habang hinihintay ang kinakailangang medical assistance. Kalaunan ay namatay ang pasyente

Dagdag pa ni Remulla, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang mga pangyayari upang matukoy kung nagkaroon ng pagkukulang sa pagtugon at emergency services. ( DARIS JOSE)