• September 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 6th, 2026

Paglikha ng National Cybersecurity Agency, kailangan ayon sa mga mambabatas 

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG nina Camarines Sur Rep. Miguel Luis Villafuerte at FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe ang pangangailangan na magtatag ng isang National Cybersecurity Agency (NCSA) upang palakasin ang depensa ng bansa laban sa lumalalang banta ng cyber attacks, kasabay ng pag-apruba ng Kamara sa ikalawang pagbasa ng House Bill No. 9605 o ng panukalang National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026.

Layunin ng panukala na lumikha ng NCSA bilang pangunahing ahensiya na mangunguna sa pagpapatupad ng cybersecurity policies, pambansang koordinasyon, at proteksyon sa mga critical information infrastructure ng bansa.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Villafuerte na hindi na lamang usapin ng information technology ang cybersecurity kundi isa nang usapin ng pambansang seguridad, dahil nakasalalay na sa digital systems ang mahahalagang serbisyo gaya ng pananalapi, kalusugan, transportasyon, enerhiya, at mga serbisyo ng pamahalaan.

“Ang tanong ngayon ay hindi na kung magkakaroon pa ba tayo ng malaking cyber attack. Ang tanong ay kung handa ba ang ating bansa kapag ito ay dumating,” ani Villafuerte.

Ayon sa kanya, palalakasin ng panukalang batas ang pambansang koordinasyon, incident response, at magtatakda ng minimum cybersecurity standards para sa mga critical information infrastructure.

Samantala, binigyang-diin ni Poe ang sunud-sunod na cyber attacks na tumama sa Kongreso, kabilang ang pag-deface sa website ng House of Representatives noong 2023 at ang magkahiwalay na pag-atake sa mga website ng Senado at Kamara noong Hunyo 2026.

“Cybercrime is no longer an isolated or occasional threat. It has become organized, industrialized, and increasingly sophisticated,” ani Poe.

Babala niya, habang ginagamit ng mga cybercriminal ang artificial intelligence, cloud technologies, at iba pang digital platforms upang palawakin ang kanilang mga pag-atake, “the Philippines can no longer afford to remain fragmented when it comes to our cybersecurity framework.”

Ayon kay Poe, kailangan ng Pilipinas ng isang pinag-isang cyber security strategy, sentral na koordinasyon, at mas matatag na proteksyon sa kritikal na imprastrakturang digital bago pa magkaroon ng cyber attack na maaaring makaapekto sa mahahalagang serbisyo publiko at pambansang seguridad.

Nitong Lunes, inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang House Bill No. 9605 National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026. 

(VINA de GUZMAN)

P612.5 milyong confidential funds ni VP Sara, naiwasan sana kung nagsumite sila ng tama at kumpletong liquidation documents

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAIWASAN sana ang kontrobersiya sa maling paggamit umano ng P612.5 milyong confidential funds na natanggap ni Vice President Sara Z. Duterte kung tumugon ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa kaukulang procedures at nagsumite ng kumpletong liquidation documents ito, ayon kay Speaker Francisco Paolo Ortega V.

Ang halagang P500M ay ini-release sa OVP mula December 2022 hanggang September 2023 at P112.5M ay ini-release sa DepEd noong 2023, kung saan nagsisilbing education secretary si Duterte.

“Kung sana may complete staff work, baka wala po tayo sa article na ito. Dapat marunong naman silang mag-liquidate. Dapat alam naman nila iyong proseso,” pahayag ni Ortega.

Ang reaksyon ni Ortega ay kasunod na rin sa naging pahayag ni Commission on Audit (COA) state auditor Roderick Wamil na tumestigo sa Senate impeachment court kaugnay sa kakulangan o deficiencies sa liquidation reports sa confidential funds ng dalawang tanggapan.

Ayon sa mambabatas, base sa kanyang naging eksperyensa sa local government, hindi kakaiba o unusual ang pagkakaroon ng audit findings kung nabigo ang anumang government offices na sumunod sa documentary at procedural requirements.

“Matagal na ako sa local government, galing ako sa barangay, city at province. Talagang magkaka-Audit Observation Memorandum ka kapag may mga konting pagkukulang ka sa proseso. Hindi aabot sa ganitong punto kung kumpleto iyong mga dokumento,” ani Orte.

Ang hindi kumpletong talaan o incomplete records ay nagiging dahilan para magkaroon ng mas malaking pagtatanong kung ang sinasabing recipients ng confidential fund payments ay totoo at natanggap ang pera.

“Kung kumpleto iyong mga dokumento niyan, hindi tayo aabot dito. Kasi nga kulang-kulang. 

“Tapos to the point na question na rin kung nakatanggap na ba ng mga pera itong mga taong ito, iyong legitimacy ng pagkatao nila,” dagdag pa ng mambabatas.

(VINA de GUZMAN)

WALANG DOKUMENTONG KAHOY NA LAWAAN, NASABAT NG COAST GUARD

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASABAT ng Philippine Coast Guard (PCG) ang humigit-kumulang 2,000 board feet na kahoy na Lawaan na walang dokumento sa isinagawang maritime law enforcement operation sa Rio Hondo, Zamboanga City.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang PCG ng impormasyon na isang motorized banca na may kargang kahoy na Lawaan ang bumiyahe mula Latuan, Basilan patungong Rio Hondo.

Bandang 8:30 ng gabi, namataan ng mga tauhan ng Coast Guard ang pagdating ng bangka at agad itong hinarang. Inaresto ang operator ng bangka para sa beripikasyon at imbestigasyon.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, paglabag sa mga batas sa pangangalaga ng kagubatan ng Pilipinas ang pagdadala ng mga produktong kagubatan na walang wastong dokumento. Aniya, kinakailangang may valid na transport documents at permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng inililipat na troso o kahoy.

Dinala ang naarestong operator at ang nasabat na mga kahoy sa Coast Guard Station Zamboanga bandang 11:15 ng gabi para sa imbentaryo at karagdagang imbestigasyon.

Iniwan naman ang motorized banca sa pinagdaungan nito matapos matuklasan ng mga tauhan ng Coast Guard na may butas ang katawan ng bangka, bilang pag-iingat sa kaligtasan. (Gene Adsuara)

P1,000 fuel subsidy, tugon ng Valenzuela LGU sa tumataas na presyo ng petrolyo

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

OPISYAL na sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga kwalipikadong miyembro ng sektor ng transportasyon at delivery riders sa 5 sa ilalim ng programang Tulong sa Umiigting na Gastusin at Obligasyon Natin (TUGON) para protektahan ang kabuhayan ng mga trabahador sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

May kabuuang ₱13,401,000 ang inilaan ng pamahalaang lungsod para pondohan ang fuel subsidy program. Sa unang payout, mahigit 4,200 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODAs) ang nakinabang sa inisyatiba, na bawat isa ay tumatanggap ng ₱1,000 fuel subsidy.

Ang programang TUGON ay ipinatupad alinsunod sa Executive Order No. 2026-091, Series of 2026, na nilagdaan ni Mayor WES. Ang “An Ordinance Providing Cash Assistance to All Transport Sectors Within the Jurisdiction of Valenzuela City on Account of the Present Oil Price Hike, Providing Funds Therefor, and for Other Purposes Subject to Existing Auditing and Accounting Rules and Regulations.”

Sa ilalim ng ordinansa, ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ay tatanggap ng ₱1,000 fuel subsidy na layong madagdagan ang pang-araw-araw na gastos sa pagpapatakbo ng transport workers na patuloy na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa kadaliang mapakilos sa kabila ng mga hamon na dulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo; ang Tricycles-for-Hire (TFH), Public Utility Jeepneys (PUJs) at modernized jeepneys na may mga terminal sa lungsod, Transportation Network Vehicle Service (TNVS) operators and drivers na kinabibilangan ng Grab, JoyRide, Move It at similar platforms; Taxi drivers, Motorcycle taxi riders at Delivery riders na nag-ooperate sa lungsod.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor WES na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang tiyaking makakatanggap ng tulong sa mga panahong tulad nito ang transportation and delivery services sa lungsod.

“Sa ngalan po ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela, hindi naman po puwedeng wala kaming gagawin. Hindi po tayo papaya na ang mga kababayan natin ay naghihirap at walang magawa sa malaking problemang ito…Kaya po makakaasa po kayo na kami ay magiging kaagapay niyo sa inflation, pagtaas ng bilihin na nararanasan ng lahat ng Pilipino,” ani Mayor Gatchalian. 

(Richard Mesa)

Mambabatas, sinamahan ang mga labor leaders at manggagawa na mag-file ng intervention hinggil sa TRO nito sa Wage Order No. 27

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINANGUNAHAN ni Akbayan Party-list lawmaker Rep. Perci Cendaña ang mga labor leaders at manggagawa na mag-file ng intervention sa Pasig regional trial court hinggil sa Temporary Restraining Order (TRO) nito sa Wage Order No. 27 na nagbibigay ng P85 wage increase sa mga manggagawa sa National Capital Region.

“Hindi natin tatantanan ang korte hangga’t hindi nali-lift ang TRO na humaharang sa wage hike ng mga manggagawa ng NCR. It is urgent that we lift this injunction or else this becomes a precedent to weaponize TROs against any and all wage increases in the country,” sabi ni Cendaña. 

Ayon kay Cendaña, malinaw sa Article 126 ng Labor Code na bawal i-TRO ang isang wage order.

 “There is no room for interpretation on this matter. Sa regional wage boards ang pinagmulan ng wage orders, doon din ang tamang venue for appeals. Hindi ang RTC,” sabi ng kongresista.

Nanawagan si Cendaña sa Supreme Court na imbestigahan ang Pasig RTC at mga hukom nito kung bakit nila haharangin ang pagpapatupad ng wage order.

“The Supreme Court has administrative supervision over all courts and their personnel. Pwede nilang gawin ‘yun, motu propio. Tama lang na imbestigahan nila ang mga korte at huwes na sumusuway sa mismong batas,” sabi ni Cendaña. 

Kabilang si Cendaña na naghain ng intervention kasama ang NUWHRAIN (National Union of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries), AFW (Alliance of Filipino Workers), WSN (Workers Solidarity Network), and the Labor Education and Research Network (LEARN). 

(VINA de GUZMAN)

Caloocan LGU, nagpatupad ng libreng sakay

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PARA matulungan ang mga drayber at pasahero na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, nagpatupad ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa pangunguna ni Mayor Along Malapitan ng Libreng Sakay sa pakikipag-ugnayan sa kabuuang 2,700 Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA) sa lungsod.

Ayon kay Mayor Along, sa programang ito ay makakabiyahe nang libre ang mga pasahero habang may tiyak na kita naman ang mga jeepney driver at bawat driver ay tatanggap ng ₱2,500 para sa apat na oras na biyahe kada araw kung kaya aabot P10,000 ang kanilang matatanggap sa loob ng apat na araw na biyahe. (Richard Mesa)

𝐃𝐚𝐠𝐝𝐚𝐠 𝐧𝐚 𝐟𝐮𝐞𝐥 𝐝𝐢𝐬𝐜𝐨𝐮𝐧𝐭, 𝐢𝐭𝐚𝐭𝐚𝐚𝐬 𝐬𝐚 𝐏𝟏𝟐 𝐤𝐚𝐝𝐚 𝐥𝐢𝐭𝐫𝐨

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGIGING P12.00 na ang fuel discount kada litro para sa mga tsuper ng jeepney at UV Express simula Agosto 15.

Alinsunod ito sa utos ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. na dagdagan ang discount sa petrolyo para sa sektor ng transportasyon.

Kapag napatupad na ito, aabot sa P1,800 kada linggo ang mapapakinabangan ng mga drivers. Ito ay dagdag sa inisyal na P10 na discount kada litro na sinimulan noong Abril, na nakatulong na sa mahigit 93,000 PUV drivers.

Napagdesisyunan ito sa isang pulong na pinangunahan ni Executive Secretary Ralph G. Recto, kasama ang mga kalihim ng gabinete, noong Agosto 4 sa Malakanyang.

Pinag-usapan sa meeting ang patuloy na pagpapatibay ng mga hakbang ng gobyerno upang protektahan ang ekonomiya, pigilan ang pagtaas ng presyo, at matiyak ang suporta para sa mga sektor na tuwirang naapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Bukod dito, inatasan ni Recto ang DSWD na tiyaking aabot ang UPLIFT assistance sa mga nangangailangang sektor, kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, mga manggagawa sa transportasyon at konstruksyon, at iba pang manggagawang mababa ang kita.

“Gaya ng inaasahan, patuloy na nararamdaman ng ating mga kababayan ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Dapat tuloy ang trabaho, tuloy ang ayuda, at ramdam ng bawat sektor ang presensya at malasakit ng gobyerno,” ani Recto.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangako ng gobyerno na suportahan ang mga pinakaapektado ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya. 

“Hindi namin iiwanan ang sinuman sa panahon ng krisis na ito, lalo na ang mga naaapektuhan ng transportasyon at agrikultura,” ayon sa Pangulo.

Dumalo sa pulong sina Budget Secretary Kim de Leon, Public Works Secretary Vince Dizon, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Transportation Secretary Giovanni Lopez, Education Secretary Sonny Angara, Health Secretary Jose Pujalte Jr., at Agriculture Undersecretary Roger Navarro. 

(DARIS JOSE)

Tsismis na naaresto na si Senador Bato, “diversionary tactic” lang- Malakanyang

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINUTURING ng Malakanyang na isang “diversionary tactic” ang lumutang na balita na naaresto na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Malinaw na layon ng chismis na ito na ibaling ng publiko ang kanilang atensyon sa ibang usapin mula sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

“Bago po ang ating mga kababayan na maniwala sa mga usap-usapan, alamin natin ‘yung source? Ano ang motibo ng mga nagpapakalat?,’ ang tanong ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Dito po natin hahanggaan ang nasa kilalang mainstream media na hindi biased dahil bago magbalita ay inaalam ang katotohanan,” ayon pa rin kay Castro.

Nauna rito, pinabulaanan naman ng Philippine National Police, Department of Justice, National Bureau of Investigation ang ulat na si Dela Rosa ay nasa kustodiya ng gobyerno.

Winika pa ni Castro na ang post na kumakalat sa online ay “no substance at context at malinaw na pang-aakusa lamang ng mga kaalyado ni VP Sara para i-divert ang public attention mula sa kamakailan lamang na pagbubunyag ng Commission on Audit (COA) ukol sa paggasta sa milyon- milyong confidential funds ni VP Sara.

“Mapapansin na walang laman at walang konteksto ang pinapakalat nina Atty. Bondoc at Roque about Sen. Bato,” ani Castro.

“Timing” ang ginagawa nila… para matabunan ang mga naisiwalat ng COA patungkol sa mga walang resibo na paggasta milyohg-milyong pisong confidential funds ni VP SARA sa OVP at DEPED,” aniya pa rin.

“Makikita ang motibo sa ginagawang diversionary tactic ng mga kaalyado ni VP Sara. Maging mapanuri…mainstream media pa rin ang unang dapat na pagtiwalaan sa mga beripikadong balita,” dagdag na pahayag nito.

Magugunitang, nagsimula nang magtago si Dela Rosa matapos ilabas ng International Criminal Court ang warrant of arrest laban dito. ( DARIS JOSE)

Brand new season ng Red Horse Beer Pambansang Muziklaban, simula na

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SIMULAN ang bagong laban para makita at marinig ang talento ng isang banda pagdating sa musika, kaya naman sisimulan na ng Red Horse Beer Pambansang Muziklaban ang kompetisyon.

Matapos ang matagumpay na pagkapanalo ng bandang Tamad si Juan mula sa Davao, sisimulan na ang 2026 Pambansang Muziklaban.

Ang Red Horse Beer Pambansang Muziklaban ay bukas sa lahat ng rock music genres kabilang ang metal rock, alternative rock, punk rock at reggae para sa lahat ng Filipino bands na nasa edad 21 hanggang 45-anyos.

Ang Grand Champion ay makakatanggap ng Php1,000,000.00 cash at spot sa Muziklaban’s roster of champions.

Matatandaang sa loob ng dalawang dekada, ang longest-running battle-of-the-bands competition ay nagbigay ng inspirasyon sa mga musikerong Pinoy na mahilig sa tugtuging may sigla at kahulugan.

Nabuo ang bandang IBARRA (2006), EVEN (2008), HATANKARU (2009), LIGHT OF LUNA (2010), at ang 2004 Red Horse Beer Pambansang Muziklaban Grand Champion MAYONNAISE.

Ang registration para sa Red Horse Beer Pambansang Muziklaban ay ongoing na. Maaring i-check ang Red Horse Beer Muziklaban Facebook page. (Richard Mesa)

HIGIT 1,100 TIMBOG, ₱505.9-M EBIDENSIYA AT 132 ILEGAL NA BARIL NASAMSAM, SA JULY OPERATIONS NG CIDG

Posted on: August 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INARESTO ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 1,124 na suspek, kabilang ang mga most-wanted persons at mga pugante, at nakumpiska ang ₱505.9-M na ebidensya sa mga operasyong isinagawa noong Hulyo.

Sa isang pahayag noong Martes, sinabi ni Maj. Gen. Robert Morico II, hepe ng CIDG, na ang 928 pinaigting na operasyon sa pagpapatupad ng batas sa buong Hulyo ay nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng 132 loose firearms at 24 na pampasabog, na epektibong pumigil sa mga potensyal na marahas na krimen.

Sinabi ni Morico na 638 sa mga naaresto ay mga wanted person, kabilang ang isang national most wanted person, 87 regional most wanted person, 124 provincial most wanted person, at 89 city/municipal most wanted person.

Inaresto rin ng mga awtoridad ang siyam na miyembro ng isang “communist terrorist group (CTG)”, bukod sa iba pa.

Ayon sa CIDG, nagpatupad ito ng 41 search warrant at nagsagawa ng 43 buy-bust operations.

Samantala, ang mga nakumpiskang ebidensya sa ilalim ng Oplan OLEA (Other Law Enforcement Activities) ay nagmula sa mga operasyon na tumatarget sa mga iligal, peke, lumalabag sa trademark, at mga produktong substandard, pati na rin ang pagnanakaw ng produktong petrolyo, ilegal na pagtotroso, ilegal na pagsusugal, at ilegal na pagmimina, bukod sa iba pang mga pagkakasala.

Pinuri ni Morico ang matibay na dedikasyon at pangako ng lahat ng tauhan ng CIDG sa pagpapatupad ng batas sa buong bansa, at binigyang-diin na ang pokus ng Grupo sa operasyon ay higit pa sa mga unang pag-aresto hanggang sa paghatol.

Sinabi ng CIDG na ang isang buwang tagumpay ay nagbibigay-diin sa matibay na kampanya ng unit laban sa lahat ng uri ng kriminalidad at paglabag sa batas, pati na rin sa patuloy na manhunt operations nito sa buong bansa.

“The CIDG’s focus goes beyond making arrests, accounting unlicensed firearms, and confiscating illicit items. The Unit is dedicated to conducting circumspect detection, circumspect investigation, and case buildup to ensure the filing of airtight complaints that can stand a leg in court,” sinabi ni Maj. Gen. Robert Morico II.

 (PAUL JOHN REYES)