• August 6, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

𝐃𝐚𝐠𝐝𝐚𝐠 𝐧𝐚 𝐟𝐮𝐞𝐥 𝐝𝐢𝐬𝐜𝐨𝐮𝐧𝐭, 𝐢𝐭𝐚𝐭𝐚𝐚𝐬 𝐬𝐚 𝐏𝟏𝟐 𝐤𝐚𝐝𝐚 𝐥𝐢𝐭𝐫𝐨

MAGIGING P12.00 na ang fuel discount kada litro para sa mga tsuper ng jeepney at UV Express simula Agosto 15.

Alinsunod ito sa utos ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. na dagdagan ang discount sa petrolyo para sa sektor ng transportasyon.

Kapag napatupad na ito, aabot sa P1,800 kada linggo ang mapapakinabangan ng mga drivers. Ito ay dagdag sa inisyal na P10 na discount kada litro na sinimulan noong Abril, na nakatulong na sa mahigit 93,000 PUV drivers.

Napagdesisyunan ito sa isang pulong na pinangunahan ni Executive Secretary Ralph G. Recto, kasama ang mga kalihim ng gabinete, noong Agosto 4 sa Malakanyang.

Pinag-usapan sa meeting ang patuloy na pagpapatibay ng mga hakbang ng gobyerno upang protektahan ang ekonomiya, pigilan ang pagtaas ng presyo, at matiyak ang suporta para sa mga sektor na tuwirang naapektuhan ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Bukod dito, inatasan ni Recto ang DSWD na tiyaking aabot ang UPLIFT assistance sa mga nangangailangang sektor, kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, mga manggagawa sa transportasyon at konstruksyon, at iba pang manggagawang mababa ang kita.

“Gaya ng inaasahan, patuloy na nararamdaman ng ating mga kababayan ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Dapat tuloy ang trabaho, tuloy ang ayuda, at ramdam ng bawat sektor ang presensya at malasakit ng gobyerno,” ani Recto.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangako ng gobyerno na suportahan ang mga pinakaapektado ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya. 

“Hindi namin iiwanan ang sinuman sa panahon ng krisis na ito, lalo na ang mga naaapektuhan ng transportasyon at agrikultura,” ayon sa Pangulo.

Dumalo sa pulong sina Budget Secretary Kim de Leon, Public Works Secretary Vince Dizon, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Transportation Secretary Giovanni Lopez, Education Secretary Sonny Angara, Health Secretary Jose Pujalte Jr., at Agriculture Undersecretary Roger Navarro. 

(DARIS JOSE)