WALANG DOKUMENTONG KAHOY NA LAWAAN, NASABAT NG COAST GUARD
- Published on August 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
NASABAT ng Philippine Coast Guard (PCG) ang humigit-kumulang 2,000 board feet na kahoy na Lawaan na walang dokumento sa isinagawang maritime law enforcement operation sa Rio Hondo, Zamboanga City.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang PCG ng impormasyon na isang motorized banca na may kargang kahoy na Lawaan ang bumiyahe mula Latuan, Basilan patungong Rio Hondo.
Bandang 8:30 ng gabi, namataan ng mga tauhan ng Coast Guard ang pagdating ng bangka at agad itong hinarang. Inaresto ang operator ng bangka para sa beripikasyon at imbestigasyon.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, paglabag sa mga batas sa pangangalaga ng kagubatan ng Pilipinas ang pagdadala ng mga produktong kagubatan na walang wastong dokumento. Aniya, kinakailangang may valid na transport documents at permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng inililipat na troso o kahoy.
Dinala ang naarestong operator at ang nasabat na mga kahoy sa Coast Guard Station Zamboanga bandang 11:15 ng gabi para sa imbentaryo at karagdagang imbestigasyon.
Iniwan naman ang motorized banca sa pinagdaungan nito matapos matuklasan ng mga tauhan ng Coast Guard na may butas ang katawan ng bangka, bilang pag-iingat sa kaligtasan. (Gene Adsuara)