• August 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 4th, 2026

Isinusulong ng mambabatas ang exemption sa pagbabayad ng buwis ng micro and small businesses

Posted on: August 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISINUSULONG ng isang mambabatas na di na pagbayarin ng buwis ang mga micro and small businesses bilang kabayaran sa kanilang kontribusyon sa pagpapalago ng ekonomiya, pagbibigay ng trabaho at sumusustento sa lokal ng komunidad.

Sa inihaing panukala ni Marikina Rep. Marcelino “Marcy” R. Teodoro, nais nito i-exempt ang mga micro and small businesses na organisado bilang korporasyon sa pagbabayad ng Minimum Corporate Income Tax (MCIT).

Nais ni Teodoro na amendahan ang Section 27 ng National Internal Revenue Code na pinagbabayad ang mga micro and small businesses ng 2% MCIT.

“Micro and small enterprises are the backbone of our economy. They create jobs, fuel innovation, and keep local communities thriving. At a time when many are still recovering from economic challenges, government must ensure that our tax policies help businesses grow instead of placing additional burdens on them,” sabi ni Teodoro.

Ayon kay Teodoro, ang tax exemption ay nagbibigay ng oportunidad sa mga micro at small businesses sa makabawi sa gitna ng economic crisis.

“Our small businesses have shown remarkable determination despite numerous economic challenges. They deserve policies that recognize their contribution and provide them with every opportunity to succeed. This measure is an investment in Filipino entrepreneurs, Filipino workers, and the long-term growth of our economy,” sabi ni Teodoro. (VINA de GUZMAN)

MGA MANGGAGAWA NAGPROTESTA SA HARAPAN NG DOLE

Posted on: August 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT 100 manggagawa ang nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Department of Labor and Employment o DOLE Central Office sa Maynila ngayong umaga laban sa pagpapatigil sa 85-pisong dagdag sa arawang sahod sa Metro Manila.

Pinangunahan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP, Workers Federation at Oriang Women’s Movement ang protesta na isinabay sa flag-raising ceremony ng DOLE.

Naglabas noong Huwebes ang Pasig City Regional Trial Court ng temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng wage increase.

Ayon kay BMP President Luke Espiritu, labag sa Labor Code ang TRO laban sa mga kautusan ng national at regional wage boards.

Iginiit naman ng mga grupo na hindi sapat ang nakatakdang dagdag-sahod at lalo lamang pinabigat ng TRO ang kalagayan ng mga manggagawa. (Gene Adsuara)

2 teenager na wanted sa rape, murder at frusted murder sa Caloocan, Malabon, timbog

Posted on: August 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang maliligayang araw ng dalawang teenager na wanted sa kasong Rape, Murder at Frustrated Murder nang maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na manhunt operation sa Caloocan at Malabon Cities.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) hinggil sa kinaroroonan ng akusado na na si alyas “Totoy” na nakatala bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa NPD.

Katuwang ang mga operatiba ng Women and Children Protection Desk, Warrant and Subpoena Section ng Caloocan City Police Station, at NDIT-RIU NCR, agad ikinasa ng DSOU ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa Brgy., 181.

Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi ng mga pulis ang arrest warrant na inisyu ng Family Court, Branch 1, Caloocan City para sa kasong Rape (3 Counts) at Sexual Assault in relation to RA 7610 (3 Counts) na walang inilaang piyansa.

Bitbit naman ang arrest warrant na inisyu ng Malabon Regional Trial Court para sa kasong Murder at Frustrated Murder, isinawa ng mga operatiba ng District Mobile Force Battalion (DMFB) Intelligence Section ang pagtugis sa akusado na si alyas “Pedro” kabilang sa mga Most Wanted Person ng Malabon City Police Station.

Maayos naman umanong naisilbi sa akusado na residente ng Brgy., Longos, Malabon City ang naturang warrant sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa at Frustrated Murder na may inilaang piyansa na halagang ₱200,000. (Richard Mesa)

2 suspek sa pamamaril sa mag-aama sa Malabon, tinutugis

Posted on: August 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY na tinutugis ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa pamamaril sa 29-anyos na mister at dalawa niyang paslit na anak sa loob ng isang pampasaherong jeep sa Malabon City.

Pawang nasa mabuti ng kalagayan ang biktimang si alyas “Kime”, pati ang 3-anyos niyang anak na lalaki at 10-buwang sanggol na lalaki matapos magamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanang hita, kaliwang hita at kanang paa.

Lumabas sa imbestigasyon ng Malabon City Police Station, sumakay ang mag-aama sa isang pampublikong jeepney sa Hulong Duhat dakong alas-4:40 noong Biyernes ng hapon at habang tinatahak ang kahabaan ng C. Arellano St. hinarang sila ng kulay maroon na Toyota Vios na walang plaka.

Bumaba ang dalawang sakay na ang isa ay nakasuot ng itim na jacket, maong na pantalon, puting cap at facemask habang berdeng t-shirt, jersey na short at facemask ang suot ng isa bago pinagbabaril ang biktima na dahilan para madamay din ang dalawa niyang anak.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang mag-aama sa Ospital ng Malabon bago inilipat sa TMC.

Iniutos na ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission ang pagsasagawa ng follow-up operation para matukoy ang pagkakilanlan ng mga suspek at maaresto ang mga ito habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril. (Richard Mesa)

Rider na tulak, huli sa aktong nagbebenta ng droga sa Valenzuela

Posted on: August 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LAGLAG sa selda ang isang rider na tulak umano ng droga nang maaktuhan ng pulis na nagbebenta ng shabu sa kanyang parokyano sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, kinilala ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief P/Lt. Sherwin Dascil ang suspek bilang si alyas “Nick”, 36, residente ng Brgy. Parada.

Ayon kay Lt. Dascil, nakatanggap sila ng SMS complaint mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal drug activities sa M. Gregorio Street Barangay Canumay West kaya kaagad niyang inatasan ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng validation at monitoring sa lugar.

Bandang alas-12:30 ng hating gabi nang maaktuhan ng mga tauhan ni Lt. Dascil ang suspek na may iniabot umanong shabu sa isang hindi kilalang lalaki kaya kaagad nila itong nilapitan sabay nagpakilala bilang mga pulis at inaresto si ‘Nick’ habang nagawang makatakas ng kanyang parokyano.

Nakumpiska kay alyas Nick ang limang plastic sachets na naglalaman ng nasa 3.48 ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P26,112, itim na coin purse, isang P500 bill, P200 recovered money, driver’s license at isang motorsiklo na gamit umano nito sa iligal gawain.

Ani SDEU investigator P/MSg Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangeroud Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. 

(Richard Mesa)

LTFRB, NAGTAKDA NG PAGDINIG KAUGNAY SA MGA PETISYON SA DAGDAG-PASAHE

Posted on: August 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANGUNGUNAHAN ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II ang pagdinig kasama ang mga lider ng hindi bababa sa pitong pangunahing transport group sa Lunes, Agosto 3, upang talakayin ang mga nakabinbing petisyon para sa dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay Chairman Vigor, ang pagdinig na nakatakda sa ganap na 9:00 AM ay alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez na muling suriin at kwentahin ang hiling na dagdag-pasahe batay sa mga petisyong inihain ng iba’t ibang transport group.

“Layunin nating makabuo ng mga hakbang na katanggap-tanggap hindi lamang sa sektor ng PUV kundi pati na rin sa mga commuter, lalo na sa harap ng patuloy na hamon dulot ng sitwasyon sa Gitnang Silangan,” ani Chairman Vigor.

“Patunay din ito ng pagiging sensitibo ng pambansang pamahalaan sa mga alalahanin ng PUV sector na itinuturing naming makatwiran at lohikal.”

Mga saklaw ng pagdinig:

• Public utility jeepneys – kinakatawan ng PISTON at Manibela

• UV Express – Metro Comet Transport Service Cooperative, 997 Sandigan Transport Cooperative, UV Express National Alliance of the Philippines

• Aircon taxi – Metro Comet Transport Service Cooperative at Light of Glory Transport Service, Inc.

• Motorcycle taxi – United Transportation Coalition of the Philippines

Ipinadala na ang mga imbitasyon sa mga nabanggit na transport group, ngunit bukas din ang pagdinig para sa iba pang grupo, ahensya ng gobyerno, at mga stakeholder. Lahat ng petisyon para sa dagdag-pasahe ay inihain mula Marso hanggang Hulyo ngayong taon.

“Layunin ng pagdinig na tumanggap ng ebidensya, komento, at posisyon ng lahat ng interesadong partido hinggil sa mga nakabinbing petisyon,” dagdag ni Chairman Vigor.

Hinihikayat din ang mga nais magpahayag ng pagtutol o suporta na magsumite ng nakasulat na position paper at mga kaukulang dokumento alinsunod sa patakaran ng Board.

“Tinitiyak ng LTFRB na palaging susundin ang landas ng patas at walang kinikilingan upang makabuo ng solusyong katanggap-tanggap sa lahat ng sektor,” pagtatapos ni Chairman Vigor. 

(PAUL JOHN REYES)

DOLE: Vloggers na below 15 kailangan ng work permit

Posted on: August 4th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga magulang, guardian at employer na ang mga batang wala pang 15- taong gulang na lumalahok sa vlogs, livestreams, digital advertisements at iba pang online content ay kinakailangang kumuha ng work permit.

Ipinahayag ni Labor Secretary Francis Tolentino sa Labor Advisory No. 12, Series of 2026 na saklaw ng mga panuntunan laban sa child labor ang digital media at content creation. Ang advisory na may petsang Hulyo 21 ay tumutukoy sa mga batang lumalahok sa mga aktibidad na pampublikong libangan o impormasyon sa tradis­yonal at online media.

Sa ilalim ng Republic Act 9231, karaniwang hindi maaaring pagtrabahuhin ang mga batang wala pang 15-taong gulang, maliban kung sila ay nasa sole responsibility ng magulang o legal guardian sa isang negosyo na pawang miyembro lamang ng pamilya ang empleyado, o kung mahalaga ang kanilang partisipasyon sa pampublikong libangan o impormasyon.

Dapat kumuha ang mga employer ng permit mula sa DOLE bago kunin ang isang batang saklaw ng patakaran. Ang saklaw ay tinutukoy batay sa uri ng trabaho ng bata at sa platform na naglalabas ng mater­yal, gaya ng telebisyon, radyo, sinehan, teatro, print, streaming servi­ces, social media, vlogs, digital advertisements, web series, podcasts at iba pang content na ipinamamahagi sa broadcast o digital platforms.

Kapag ang bata ay nagtatrabaho sa ilalim ng responsibilidad ng magulang o legal guardian sa tradisyonal o online media, ang magulang o guardian ang mananagot.