• August 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOLE: Vloggers na below 15 kailangan ng work permit

NAGPAALALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga magulang, guardian at employer na ang mga batang wala pang 15- taong gulang na lumalahok sa vlogs, livestreams, digital advertisements at iba pang online content ay kinakailangang kumuha ng work permit.

Ipinahayag ni Labor Secretary Francis Tolentino sa Labor Advisory No. 12, Series of 2026 na saklaw ng mga panuntunan laban sa child labor ang digital media at content creation. Ang advisory na may petsang Hulyo 21 ay tumutukoy sa mga batang lumalahok sa mga aktibidad na pampublikong libangan o impormasyon sa tradis­yonal at online media.

Sa ilalim ng Republic Act 9231, karaniwang hindi maaaring pagtrabahuhin ang mga batang wala pang 15-taong gulang, maliban kung sila ay nasa sole responsibility ng magulang o legal guardian sa isang negosyo na pawang miyembro lamang ng pamilya ang empleyado, o kung mahalaga ang kanilang partisipasyon sa pampublikong libangan o impormasyon.

Dapat kumuha ang mga employer ng permit mula sa DOLE bago kunin ang isang batang saklaw ng patakaran. Ang saklaw ay tinutukoy batay sa uri ng trabaho ng bata at sa platform na naglalabas ng mater­yal, gaya ng telebisyon, radyo, sinehan, teatro, print, streaming servi­ces, social media, vlogs, digital advertisements, web series, podcasts at iba pang content na ipinamamahagi sa broadcast o digital platforms.

Kapag ang bata ay nagtatrabaho sa ilalim ng responsibilidad ng magulang o legal guardian sa tradisyonal o online media, ang magulang o guardian ang mananagot.