Aquino Bridge sa Tarlac bumigay sa habagat
- Published on August 31, 2026
- by Francis Paolo Torres
TULUYANG bumigay ang gitnang bahagi ng Aquino Bridge sa Tarlac City bago maghatinggabi nitong Biyernes dahil sa malalakas na pag-ulan at rumaragasang tubig-baha na dala ng southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kabilang ang Tarlac sa mga lugar na isinailalim ng state weather bureau sa red rainfall warning, tanda ng matitinding pag-ulan.
Ang naturang tulay ay nagsisilbing pangunahing daan mula Tarlac City patungo sa mga bayan ng Sta. Ignacia, Mayantoc, Camiling at San Clemente, at nagbibigay rin ng access patungong Mangatarem, Pangasinan.
Bunga ng pagkasira, nagdulot ito ng matinding abala sa mga motorista at biyahero. Inabisuhan ng pamahalaang lungsod ang mga motorista na gamitin ang Agana Bridge bilang alternatibong ruta at mag-ingat sa pagmamaneho lalo na sa gitna ng malalakas na ulan.
Samantala, pansamantalang hindi muna padaraanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Agana Bridge upang maiwasang mapinsala ito.
(DARIS JOSE)