ISA sa siyam na full-length features ng 22nd Cinemalaya na may temang “Reel Reflections”, ang queer drama na “Tayo Lang Ang Nakakaalam” na pinagbibidahan nina Martin del Rosario at Miguel Odron.
Kasama sa cast sina Yayo Aguila, Epy Quizon, Madeleine Nicolas, Bodjie Pascua, Bong Cabrera, Adrian Lindayag, at Nour Hooshmand, sa direksiyon ni David R. Corpuz.
“It’s a romantic queer movie,” sabi ni Martin sa Cinemalaya 2026 mediacon na ginanap noong Hulyo 8, Miyerkules, sa Grand Atrium ng Shangri-La Plaza, Shaw Blvd., Mandaluyong City.
Dagdag pa ng aktor, “Tatalakayin nito yung complexities ng queer relationship. Kasi usually sa queer relationship, marami kayong bagay na hindi puwedeng masabi dahil mahuhusgahan kayo ng kapwa niyo.
“So, nang dahil dun sa mga hindi niyo sinasabi, ano yung consequences nun especially dun sa family na kami-kami lang ang nakakaalam nito?
“Magkakaroon ng drama dun, and magiging complex yung relationship namin sa isa’t isa.”
Aminado namang gay si Miguel, na nag-come out noong Hunyo 2020 sa social media.
Kumustang katrabaho si Miguel?
“Ok, Ok si Miguel. Ahhmm hindi naman nahirapan with our chemistry. Nandun agad-agad,” pahayag ni Martin.
“Comfortable kami agad-agad. Kasi mag-work on chemistry kung may ilangan. Walang awkwardness.
“Maganda rin yung proseso ng production, kasi nag-workshop kami. Relationship workshop.
“Actually doon pa lang sa workshop, kumportable na kami sa isa’t isa.”
Kahit ndghubas si Martin last year sa dalawang run ng dulang “Anino sa Likod ng Buwan”, at sa Cine Silip official entry na “Haplos sa Hangin”, hindi niya ito ginawa sa “Tayo Lang Ang Nakakaalam.”
“Hindi siya daring. Restrained drama siya, e. Mga emosyon na itinatago na hindi puwedeng ilabas dahil baka mahusgahan ng tao,” sabi ni Martin.
Hindi explicit ang mga eksena nila ni Miguel?
“Hindi explicit. Mas drama. Ano siya, drama. Family drama yung kuwento.”
Ang 22nd edition ng Cinemalaya filmfest ay gaganapin sa Agosto 6-18, 2026 sa Shangri-La Plaza, Gateway Cineplex, at select Ayala Malls cinemas.
Ang opening film ay ang “Enjoy Your Stay”, at ang closing film ay ang “Filipiñana.”
Natanong si Martin kung hoping ba siya na mag-best actor din sa Cinemalaya?
“Bonus lang yun, bonus lang yung mga awards. Ang mahalaga, makagawa kami ng magandang pelikula,” sambit ni Martin.
“Which I think, maganda naman yung nagawa namin. So excited na nga akong mapanood. Excited na akong mag-Cinemalaya para mapanood itong ginawa namin.”Second Cinemalaya film ni Martin ang “Tayo Lang Ang Nakakaalam”, ang first entry ang “Dagitab” noong 2014.
“Matagal ko nang pinangarap na makaulit sa Cinemalaya. So, nag-audition ako [last year]. Nakuha ako, ang galing!” Pag-amin ni Martin.
Ang huling gay role naman ni Martin sa pelikula ay ang comedy na “The Panti Sisters”(2019) na kalahok sa ikatlong Pista ng Pelikulang Pilipino, at nagpanalo rin sa kanya bilang best actor.