Photocopy, xerox, printing ng pera kahit black and white bawal –BSP
- Published on July 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGBABALA ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa pag-imprenta, pag-photocopy, at pamamahagi ng pisikal o digital na facsimile ng Philippine currency.
Ayon sa BSP, ang sinumang mahuhuli ay maaaring makulong ng 5 hanggang 10 taon.
Inihayag ng BSP na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng reproduction ng pera kahit black-and-white bilang proteksyon sa integridad ng currency. Ang babala ay lumutang matapos ang legal na debate sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na nagbunsod ng mga viral meme tungkol sa pamemeke ng pera.
Nag-ugat ang isyu sa biro ng ilang social media users na ginamit ang courtroom evidentiary rule sa physical currency, na tila ba ang nakopyang perang papel ay maituturing na “original” at puwedeng ipambili ng goods.
Binanggit ng BSP na ang parusa ay alinsunod sa BSP Circular No. 829, Series of 2014. Hinimok din ng ahensiya ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan o sa law enforcement agencies ang anumang kahina-hinalang imprenta o paghawak ng mga disenyo ng perang papel ng Pilipinas.