• August 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

Post-SONA Davao trip ni PBBM, sumasalamin sa pamamahala ng ‘walang favoritism

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAGTANGGOL ni Executive Secretary Ralph Recto ang naging pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Davao Region, isang araw matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA).

Sumasalamin aniya ito sa maayos na pamamahala na “fair and without favoritism.”

Nauna rito, binisita ni Pangulong Marcos ang Davao de Oro para pangunahan ang distribusyon ng halos P133 milyong halaga ng agricultural machinery, farm inputs, at fisheries assistance; ininspeksyon ang upgraded facilities ng Davao de Oro Provincial Hospital–Montevista; at pag-turn over sa P113 million na Socio-Civic Projects Fund (SCPF) assistance para sa 565 barangay sa iba’t ibang tatlong Davao provinces.

Bumiyahe rin ang Pangulo sa Davao City—hometown ng ally-turned-critic nito na si Vice President Sara Duterte—para inspeksyunin ang government housing project.

Binasura ni Recto ang ulat na ang kamakailan lamang na out-of-town engagements ni Pangulong Marcos ay naglalayon na palakasin ang kanyang ika-5 SONA, inilarawan ang mga ito bilang “another opposition fake news.”

“Walang pinipiling lugar, walang pinapaboran. Kung saan kailangan ang tulong, pinupuntahan niya,” ang sinabi ni Recto.

“The President’s engagements are driven by what the people want, and his popularity in the places he visits is never a factor in his scheduling,” aniya pa rin.

Idinagdag pa ni Recto na nakatuon si Pangulong Marcos sa pamamahala kaysa sa paghahanda para sa reelection.

“After all, he is not running for reelection. He is running a country,” ang tinuran ni Recto.

“He does not wake up at dawn and fly an hour in bad weather for content. He’s been crisscrossing the archipelago since Day One,” anito pa rin. ( DARIS JOSE)

Navotas Rep. Toby Tiangco, suportado na tanggalin ang “systems loss” charges

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAPOS ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tanggalin ang “systems loss” charges, sinegundahan naman ito ng isang mambabatas at kanyang inulit ang kanyang naunang panukala sa hangarin na mapababa ang singil sa kuryente.

“Noong 2016, hindi ito (House Bill No. 942) umusad. Ngayon, malinaw na kinikilala na mismo ng Pangulo na dapat nang itigil ang pagpapasa ng systems loss sa mga konsyumer.

Umaasa ako na sa kongresong ito ay magkakaroon na tayo ng sapat na political will upang maisabatas ang repormang ito,” pahayag ni Navotas Rep. Toby Tiangco.

Maluwag na tinanggap ni Tiangco ang panawagan ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address nitong Lunes. Aniya, ang Pangulo ang gumawa ng oportunidad na ilunsad muli ang nabinbin na reporma na direktang magpapababa ng kuryente.

“Natutuwa ako na ang panukalang ito ay malinaw nang bahagi ng legislative agenda ng Pangulo. Matagal na nating sinasabi na hindi makatarungan na ang ordinaryong konsyumer ang pinagbabayad sa mga pagkalugi at inefficiencies na wala naman silang kinalaman,” sinabi ni Yamsuan.

Sa kasalukuyang sistema, ang mga electric utilities company ay pinapayagan na ma-recover ang system losses sa mga consumers. Sa panukala ni Tiangco, pagbabawalan na lahat, kahit private distribution utilities o electric cooperatives singilin sa kanilang mga customer ang system losses.

“Kung seryoso tayo sa pagpapababa ng singil sa kuryente, dapat alisin ang mga bayaring hindi naman kasalanan ng mamamayan. Ito ay konkretong hakbang na mararamdaman agad ng bawat pamilyang Pilipino sa kanilang buwanang bayarin,” sinabi ni Tiangco. 

(VINA de GUZMAN)

Mayor Jeannie, ibinida ang tagumpay sa pamamahala, pag-unlad, at opportunities para sa Malabueños

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINIDA ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang mga nakamit na tagumpay sa pamamahala, pag-unlad, at opportunities para sa bawat Malabueños ng kanyang administrasyon sa buong taon sa kanyang ika-apat na State of the City Address (SOCA) na ginanap sa Malabon City Sports Complex, Miyerkules ng umaga.

Sa temang “Mas Bughaw at Matatag na Malabon: Pinalawak na Oportunidad, Pinabilis na Pag-unlad”, inisa-isa ng alkalde kung papaano naipagpatuloy ng kanyang administrasyon ang Lucky 9-Point Agenda upang maitaguyod ang pag-unlad ng ekonomiya, mapagbuti ang serbisyo publiko, mapalakas ang katatagan, at mapalawak ang oportunidad sa bawat Malabueno.

Inilahad ng alkalde ang pagsigla ng negosyo sa ilalim ng kanyang Agenda 1, ang paglakas ng ekonomiya na bahagi ng Agenda 2 at mas maraming oportunidad sa ilalim ng Agenda 3, kabilang ang pagpapalawak ng maraming trabaho at suporta sa edukasyon.

Ibinida rin ni Mayor Jeannie ang pagiging global ng Malabon sa ilalim ng Agenda 4, ang rklamasyon pasa sa mas malaking lungsod sa Agenda 5 at suporta sa mga nag-aalaga ng hayop na kanyang Agenda-6.

Patuloy din aniya ang modernisasyon sa pagkakaloob ng serbisyo sa publiko sa ilalim ng Agenda 7 kung saan tinagurian ng SMART City ang Malabon, ang libreng serbisyo ng Ospital ng Malabon na kanyang Agenda-7 at ang suporta para sa mga breadwinners sa Agenda-9 sa pamamagitan ng Malabon Ahon Blue Card (MABC) kung saan iniutos na niya ang paglalabas sa ikatlong tranche.

“Sa ika-apat na taon ng ating panunungkulan, malinaw na ang ating direksiyon. Ang pundasyong ating inilatag ay matibay, ng mga programang ating sinimulan ay nagbubunga na, at ang mga proyektong ating isinusulong ngayon ay magbubukas ng mas maramiing pagkakataon para sa mga susunod pang taon,” pahayag ni Mayor Jeannie.

“Hindi tayo nagsisimula muli. Patuloy nating pinagtitibay ang mga nagawa, pinalalawakang mga programang napatunayang epektibo, at itinataas ang pamantayan ng ating paglilingkod upang mas marami pang Malabueño ang makinabang,” dagdag niya. (Richard Mesa)

Ayon sa Malakanyang…Marcoleta, Jinggoy nasa ilalim na ng hurisdiksyon ng Sandiganbayan

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na nasa ilalim na ng hurisdiksyon ng Sandiganbayan sina Senator Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada sa gitna ng panawagan ng una sa Senate impeachment court na humanap ng paraan para payagan sila na magpartisipa sa impeachement trial ni Vice-President Sara Duterte.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, naniniwala siya na ang ruling ng impeachment court, kung anuman ito, ay hindi mananaig.

“Kung ano man ang magiging desisyon ng Senado patungkol sa manifestation ni Senator Marcoleta, hindi rin po ito mananaig dahil ngayon ang jurisdiction po ni Senator Jinggoy at ni Senator Marcoleta ay nasa kamay po ng Sandiganbayan,” ani Castro.

Si Marcoleta, nakaditine dahil sa kinahaharap na non-bailable plunder case kaugnay ng umano’y hindi pagdeklara ng P75 milyon campaign donations, humirit sa Senate impeachment court na maghanap ng paraan na payagan sila ni Estrada, nakaditine dahil sa plunder at graft charges, na magpartisipa sa paglilitis.

Nanindigan naman si Senator Alan Peter Cayetano na dapat na payagan ang dalawang senador na dumalo sa impeachment trial.

Subalit, sinabi ni Castro, tinuran ni retired Associate Justice Antonio Carpio na ang indibiduwal na nakaditine dahil sa graft at plunder ay dapat na suspendihin.

“At the same time, according din kay Justice Carpio, na ang mga tao na nakakulong habang dinidinig ang kaso patungkol sa mga kaso ng graft and corruption, at kasama din dito kasi similar nature ang plunder, sila dapat ay suspended,” ani Castro.

Winika pa ni Castro na hindi pinapayagan ng korte ang mga abogado na mag-practice ng kanilang propesyon nakapag nakaditine, maliban na lamang kung kinakatawan ng mga ito ang kanilang sarili.

Maliban dito, sinabi ni Castro na binasura ng Sandiganbayan ang piyansa ni Estrada.

Sinabi pa ni Castro na lumalabas na iba ang opinyon ng Sandiganbayan sa opinyon ni Cayetano, nagpahayag na sina Estrada at Marcoleta ay maituturing na political prisoners

“Kung iyan po ang kanyang paniniwala, hindi naman din po siguro ito ang paniniwala ng Sandiganbayan. Iba ang kaniyang pananaw, iba rin naman ang pananaw ng mga korte.,’ ang winika ni Castro. ( DARIS JOSE)

P350,000 tax-free income bill, inihain

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAIN nina House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at Speaker Faustino “Bojie” Dy III nitong Martes ang House Bill (HB) No. 10345, sang-ayon sa panukalang tax relief ni Presidente Bongbong Marcos sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA).

“President Marcos SONA placed tax relief where families will feel it, in the pay they bring home after every cutoff, and Speaker Bojie Dy has made sure the House responds with a bill rather than applause alone. Raising the tax-free ceiling to P350,000 gives workers more room for food, tuition, medicine and the bills that do not wait,” ani Marcos.

Isinusulong ng panukala na amyendahan ang Section 24 ng National Internal Revenue Code.

Sa ilalim ng TRAIN law, ang mga indibidwal na may taunang taxable income na hindi lalagpas sa P250,000 ang exempted sa income tax simula 2018.

Itataas ng HB 10345 ang exemption ng P100,000, o taunang annual taxable income na hindi lalagpas sa P350,000.

Itinakda naman sa 15% ang rate para sa taxable income na mataas sa P350,000 ngunit hindi lalagpas sa P400,000. Para naman sa income na mahigit sa P400,000, nanatili ito sa kasalukuyang base taxes.

(VINA de GUZMAN)

Castro kay Imee Marcos ‘impakta’ video:‘It takes one to know one’ 

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NIRESBAKAN ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang naging pahayag sa video na inilabas ni Sen. Imee Marcos, araw ng Martes, Hulyo 28, kung saan nabanggit na mayroon umanong “ICC” sa loob ng Malakanyang.

Sa nasabing video, nabanggit ang kahulugan ng letrang I ng tinutukoy na ICC, na inilarawan bilang impakta—at bigla na lamang itong naputol sa katagang “Clai.”

Kaya naman ang hula at komento ng mga netizens sa nabanggit na video ng senadora, tila tumutukoy daw ito sa kasalukuyang press officer na si Usec. Claire Castro.

“Yong ganoong salita, hindi ko kasi siya sinasabi, hindi ko siya nababanggit kaya kay Maricel ko na pinabanggit. Hindi ako sanay sa mga ganoong salita. Hindi ako normal na nagsasalita ng ad hominem sa kapwa ko. So, kung sila ang nakapag-describe ng ganoong salita, alam nila kung ano ang ibig sabihin nito; alam nila ang deskripsyon ng salitang impakta,” ang winika ni Castro.

“It takes one to know one, kaya kung sila ay affected sa aking mga nababanggit dahil tayo’y kumakalaban sa fake news, at iyan ang kanilang pananaw, isang impakta ang kumalaban sa fake news. Sino ngayon ang naglalarawan ng totoong impakta? ‘Yong gumawa ng video? ‘Yong kasama sa video? ‘Yong nagdirek ng video? ‘Yon ang masasabi nating naglalarawan sa salitang ‘yan,” diing pahayag pa ni Castro.

Pinawi naman ni Castro ang pangamba ng iba na baka maagaw na niya ang korona sa pagiging impakta mula kay Imee Marcos.

“Huwag silang mag-alala, ang korona ay nasa kanila—na kay Senator Imee at sa mga grupo nila; at hindi natin kayang agawin ito mula sa kanila. Wala ako sa kalingkingan ni Senator Imee para sa ganyang klaseng deskripsyon. Sila ay nasa maximum level,” pagtatapos ni Castro. ( DARIS JOSE)

Mambabatas, planong palakasin ang NBDB sa preparasyon at produksyon ng mga public school textbooks

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nanawagan sa Kongreso na ipasa ang kanyang panukala kung papaano resolbahin ang kakulangan ng mga textbooks at future-proof learning materials sa mga pampublikong paaralan.

Sa inihaing House Bill (HB) 7868 ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan, idinetalye ng mambabatas ang plano na palakasin ang National Book Development Board (NBDB) sa preparasyon at produksyon ng mga public school textbooks at koordinasyon sa Department of Education (DepEd) para balangkasin ang National Textbook and Learning Resources Plan.

“Formulating a National Textbook and Learning Resources Plan will not only see to it that enough textbooks are available for our public school learners, it will also ensure that these and other learning materials are relevant and effective in educating future-ready Filipino learners,” sinabi ni Yamsuan.

 Aniya, ang panukala ay alinsunod sa sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na palakasin ang sektor ng edukasyon.

 “Tulad nga nang sinabi ng Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA [State-of-the-Nation Address, ‘edukasyon pa rin ang pangunahing nagtataguyod ng kakayahan This is why with the opening of Congress’ Second Regular Session, we are hoping our measure could be taken up and swiftly acted upon as it will once and for all address the problem of the availability of textbooks in public schools, especially in areas outside Metro Manila and Luzon,” sabi ni Yamsuan. (VINA de GUZMAN)

PCG, NAG-ABISO SA MAARING PAGBAGSAK NG DEBRIS NA ROCKET NA LONG MARCH 6A NG TSINA

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ang Philippine Coast Guard (PCG) ng isang abiso para sa kaligtasan sa dagat kaugnay ng nakatakdang paglulunsad ng Long March 6A rocket ng People’s Republic of China mula sa Taiyuan Satellite Launch Center sa Shanxi Province. Ang paglulunsad ay nakatakda sa pagitan ng 8:54 AM at 9:19 AM (oras ng Pilipinas) bukas, Hulyo 30, 2026.

Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon (CGDNELZN), may posibilidad na ang ilang bahagi ng rocket ay bumagsak sa isang itinalagang drop zone sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na humigit-kumulang 83 nautical miles mula sa Dalupiri Island, Cagayan; 88 nautical miles mula sa Babuyan Island; at 104 nautical miles mula sa Burgos, Ilocos Norte.

Hinihikayat ng PCG ang lahat ng operator ng mga sasakyang-pandagat at mga mangingisda na iwasan ang tinukoy na lugar sa panahon ng itinakdang oras ng paglulunsad at mag-ingat nang husto kapag naglalayag sa mga karatig na karagatan.” ayon sa CGDNELZN

Pinapayuhan din ang publiko na huwag lapitan o pulutin ang anumang pinaghihinalaang bahagi ng rocket na maaaring matagpuan. Kung may makitang kahina-hinalang bagay, agad itong iulat sa pinakamalapit na yunit ng Philippine Coast Guard.

Ang naturang abiso ay bahagi ng pagsisikap ng PCG na itaguyod ang kaligtasan sa karagatan sa ilalim ng programang iCARE (Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement) at ng ONE at Sea (Organized National Engagement at Sea) strategic concept, na naglalayong mapanatili ang ligtas at maayos na maritime domain ng bansa. (Gene Adsuara)

Higit 14K kilo ng expired na karne at iba pang food products, nasamsam sa Valenzuela

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMABOT sa 14,541.57 kilo ng expired meat at iba pang food products ang nakumpiska sa magkahiwalay na operasyon ng National Meat Inspection Service (NMIS), National Bureau of Investigation (NBI), at City Veterinary Services Office (CVSO) sa Valenzuela City.

Sa operasyon ng NMIS at NBI noong Hulyo 10, 2026, nakumpiska ang 7,600.21 kilo ng expired imported frozen meat products, kabilang ang beef, pork, at chicken, na ibinebenta online sa Barangay Arkong Bato. Nasa kustodiya na ng NMIS ang mga ito at isasailalim sa tamang disposal ng Bureau of Animal Industry.

Samantala, nasamsam din ang 6,941.36 kilo ng iba’t ibang food products noong Hulyo 11, 2026, sa isinagawang operasyon ng CVSO sa Barangay Gen. T. de Leon, kabilang ang pork, beef, chicken, french fries, assorted vegetables, duck breast, at iba’t ibang uri ng seafood.

Matapos ang masusing inspeksyon, itinuring ang mga ito na hindi ligtas para sa konsumo at isasailalim sa tamang proseso ng disposal.

Patuloy namang pinaaalalahanan ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang publiko na bumili lamang ng karne at iba pang food products mula sa mga lehitimo at mapagkakatiwalaang tindahan.

Para sa mga katanungan, paglilinaw, o pag-uulat kaugnay ng mga kahina-hinalang produktong karne, maaaring makipag-ugnayan sa CVSO sa 8352-2000 loc. 2111. (Richard Mesa)

DRIVER NA SANGKOT SA PAGBANGGA NG MIYEMBRO NG PHILIPPINE COAST GUARD, AGAD NA INISYUHAN NG SCO NG LTO

Posted on: July 30th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AGAD na umaksyon ang Land Transportation Office (LTO), sa direktiba ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, sa pamamagitan ng paglalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at drayber ng isang sasakyan na sangkot sa insidente ng pagkakabangga sa isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nagsasagawa ng checkpoint operation kasama ang mga tauhan ng LTO sa Roxas Boulevard, Parañaque City noong Hulyo 26.

Batay sa inisyal na ulat ng insidente, nagtamo ng mga pinsala ang biktima matapos mabangga ng naturang sasakyan habang nasa aktuwal na pagpapatupad ng checkpoint operation.

Dahil dito, inaatasan ang rehistradong may-ari at ang drayber ng naturang sasakyan na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa itinakdang pagdinig at magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay, kalakip ang mga kaukulang orihinal na dokumento, upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat maharap ang drayber sa kasong Reckless Driving at kung bakit hindi siya dapat ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring magresulta sa pagsuspindi o pagbawi ng kanyang driver’s license.

“Ang driver’s license ay hindi lamang pahintulot na makapagmaneho, kundi patunay na ang isang tao ay may disiplina at paggalang sa batas at regulasyon ng ahensya. Kapag ang resulta ng pagmamaneho ay pinsala sa isang tauhang nasa aktuwal na pagpapatupad ng batas, obligasyon ng LTO na suriin kung nananatili siyang karapat-dapat maghawak ng lisensya,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Kasunod nito, inatasan ang drayber na agad na isuko ang kanyang driver’s license sa tanggapan ng IID, na isasailalim sa 90-araw na preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Pansamantala ring inilagay sa alarm status ang naturang sasakyan.

Muling iginiit ng LTO na ang driver’s license ay hindi lamang pahintulot upang makapagmaneho, kundi isang pribilehiyong ipinagkakaloob sa mga may kakayahang sumunod sa batas, gumalang sa kapwa, at unahin ang kaligtasan sa lansangan. Binigyang-diin ng ahensya na ang bawat may hawak ng lisensya ay inaasahang patuloy na patunayan, sa bawat paglalakbay, na karapat-dapat siyang pagkatiwalaan sa pamamagitan ng responsableng pagmamaneho at mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon. (PAUL JOHN REYES)