• July 31, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Navotas Rep. Toby Tiangco, suportado na tanggalin ang “systems loss” charges

MATAPOS ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tanggalin ang “systems loss” charges, sinegundahan naman ito ng isang mambabatas at kanyang inulit ang kanyang naunang panukala sa hangarin na mapababa ang singil sa kuryente.

“Noong 2016, hindi ito (House Bill No. 942) umusad. Ngayon, malinaw na kinikilala na mismo ng Pangulo na dapat nang itigil ang pagpapasa ng systems loss sa mga konsyumer.

Umaasa ako na sa kongresong ito ay magkakaroon na tayo ng sapat na political will upang maisabatas ang repormang ito,” pahayag ni Navotas Rep. Toby Tiangco.

Maluwag na tinanggap ni Tiangco ang panawagan ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address nitong Lunes. Aniya, ang Pangulo ang gumawa ng oportunidad na ilunsad muli ang nabinbin na reporma na direktang magpapababa ng kuryente.

“Natutuwa ako na ang panukalang ito ay malinaw nang bahagi ng legislative agenda ng Pangulo. Matagal na nating sinasabi na hindi makatarungan na ang ordinaryong konsyumer ang pinagbabayad sa mga pagkalugi at inefficiencies na wala naman silang kinalaman,” sinabi ni Yamsuan.

Sa kasalukuyang sistema, ang mga electric utilities company ay pinapayagan na ma-recover ang system losses sa mga consumers. Sa panukala ni Tiangco, pagbabawalan na lahat, kahit private distribution utilities o electric cooperatives singilin sa kanilang mga customer ang system losses.

“Kung seryoso tayo sa pagpapababa ng singil sa kuryente, dapat alisin ang mga bayaring hindi naman kasalanan ng mamamayan. Ito ay konkretong hakbang na mararamdaman agad ng bawat pamilyang Pilipino sa kanilang buwanang bayarin,” sinabi ni Tiangco. 

(VINA de GUZMAN)