HANGARIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalatag ng digital infrastructure sa buong bansa para makapaghatid ng mga serbisyong kapaki-pakinabang at mas maginhawang buhay para sa bawat Pilipino.
Ito ang mensahe ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nang pinasinayaan niya ang paglulunsad ng GovNet Ilagan sa Ilagan, Isabela nitong Martes.
Binigyan diin ni Dy ang kahalagahan ng digital transformation na tulad ng GovNet initiatives ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mas mabilis na paraan para maserbisyuhan ang publiko.
“Ang paglulunsad ng GovNet Ilagan ay hindi lamang po tungkol sa pagkakaroon ng internet o fiber optic cables. Ito po ay daan tungo sa mas mahusay na pamamahala—dahil kapag konektado ang ating mga ahensya, mas mabilis ang koordinasyon, mas epektibo ang serbisyo, at mas gumagaan ang buhay ng ating mga kababayan. Ito po ang tunay na layunin ng digital transformation,” sinabi ni Dy.
Ayon kay Dy, ang mga inisyatibo tulad ng GovNet ay pundasyon para sa isang tunay na Digital Pilipinas.
“We are laying the groundwork for a digitally empowered nation,” sabi ni Dy.
Idinagdag ni Dy ang papel ng ginagampanan ng House of Representatives na suportahan ang digital transformation ng bansa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga batas tulad ng eBayad Bill, isa sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“Our goal is to help build the foundations of a truly modern government—one where Bagong Pilipinas evolves into a Digital Pilipinas, where government services are faster, more transparent, and more accessible to every Filipino,” sabi ni Dy.
“Sapagkat ang digital transformation ay hindi lamang nagdadala ng innovation. Ito rin po ay mahalagang instrumento para sa accountability, responsibility, at public trust,” dagdag ng kongresista.
(Vina de Guzman)