• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

Walang makapigil sa Road Warriors

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NATUTO na ng kanilang leksyon ang NLEX.

Hindi na hinayaan ng Road Warriors na mawala ang kanilang double-digit lead sa second half para sagasaan ang Titan Ultra Giant Risers, 135-100, at patuloy na solohin ang liderato sa Group A ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Bumira si guard Schonny Winston ng 30 points, 9 rebounds at 6 assists  habang may 29 markers, 7 boards at 4 assists si Robert Bolick.

Dumiretso ang NLEX sa kanilang ikatlong sunod na panalo na regalo nila para sa ika-80 kaarawan ng kanilang chairman na si Manny V. Pangilinan.

“I think we’re getting a lot of contributions from different guys obviously,” ani coach Jimmy Alapag na nakahugot ng 22 points kay balik-import DeQuan Jones. “Berto (Bolick) and Schonny (Winston) are a big part of what we do.”

Nauna nang pinadapa ng tropa ni Alapag ang guest team Macau, 114-75, at nalusutan ang Terrafirma, 101-100, kung saan nalusaw ang itinayo nilang 23-point lead sa third period.

Bagsak ang Titan Ultra sa 0-3 marka bagama’t nakahugot kay import Tirrell Brown ng 27 points at 10 rebounds sa kanyang debut game.

Mula sa 30-24 abante sa first period ay nakawala ang Road Warriors sa se­cond quarter, 59-36, mula sa fastbreak basket ni Wins­ton sa huling 2:07 minuto bago ang halftime.

Nakabangon ang Giant Risers sa likod nina Brown, Bryan Sajonia at Joshua Munzon para makalapit sa 63-72 sa 7:33 minuto ng third quarter.

Ngunit hindi bumitaw ang NLEX at muling lumamang sa 97-82 sa pagtiklop ng nasabing yugto sa pagbibida nina Bolick, LJ Gonzales at Tony Semerad.

Mula rito ay hindi na nakabalik sa laro ang Titan Ultra .

Spain pasok na sa finals ng FIFA World Cup

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PASOK na sa finals ng FIFA World Cup 2026 ang Spain matapos na talunin nila ang France 2-0.

Unang nakapagtala ng goal si Mikel Oyarzabal sa first half ng laro sa laro na ginanap sa Dallas Stadium.

Habang ang pangalawang goal ay nakamit ni Pedro Porro.

Nakatakdang bumiyahe ang Spain sa New Jersey kung saan hihintayin nila ang mananalo sa pagitan ng England at Argentina.

PBBM, itinalaga si Sarmiento para pangunahan ang Bangsamoro peace panel

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento bilang bagong chair ng Peace Implementing Panel (PIP) para sa Bangsamoro peace process.

Pinalitan ni Samiento si retired military general Cesar Yano, na nagretiro noong Pebrero.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pangangasiwaan ni Sarmiento ang pagsusulong ng peace process kasama ang MILF upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao region.

Sinabi ni Castro na taglay ni Sarmiento ang malawak na karanasan at kadalubhasaan sa local government at public administration, umakma para sa nasabing posisyon habang isinusulong ng gobyerno ang pangmatagalang kapayapaan sa nasabing rehiyon.

 (DARIS JOSE)

Malakanyang, umaasa na ipapasa ng Kongreso ang mga priority bills ni PBBM sa gitna ng budget season, impeachment

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMAASA ang Malakanyang na ipapasa ng Kongreso ang mga priority legislative measures ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kabila ng nalalapit na deliberasyon ng panukalang 2027 national budget at nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nananatiling kumpiyansa ang Pangulo na bibilisan ng mga mambabatas ang pagkilos sa priority bills ng administrasyon dahil nakalaan ito para mapakinabangan ng publiko.

“Since iyan po naman din ay priority bills ng Pangulo ay umaasa po siya na ito ay mapapabilis kasi ito ay para talaga sa ating mga kababayan,” ayon kay Castro matapos na tanungin kung kumpiyansa ang administrasyon na ang mga panukalang batas ay maaaprubahan ngayong taon sa kabila ng paglipat ng pansin at pokus ng Kongreso sa panukalang national budget sa susunod na buwan na impeachment proceedings ng Senado.

Nagbigay din ng update si Castro sa kalagayan ng 8 priority measures na tinukoy ng Pangulo.

Ani Castro, ang panukalang National Center for Geriatric Health Act, pag-amiyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act, at panukalang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act ay nananatiling nakabinbin sa bicameral conference committee.

Ang panukalang amyendahan ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act ay nakabinbin din habang ang Last Mile and Geographically Isolated, Disadvantaged and Conflict-Affected Areas Schools Act ay naka-enroll at ang kopya nito ay naka-transmit na sa Malakanyang noong Hunyo 25.

Samantala, ang panukalang amyendahan ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act ay sponsored na sa Senate floor noong Hunyo 17.

Tinuran pa ni Castro na ang panukalang Anti-Political Dynasty Act ay inaprubahan na sa third reading ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at kasalukuyang nasa ilalim ng ‘period of interpellation’ para sa second reading sa Senado.

Ang panukalang Presidential Merit Scholarship Program, ay pumasa na sa Kongreso sa third reading at nakabinbin sa Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education.

At nang tanungin si Castro kung tatalakayin ng Pangulo ang kanyang mga priority measures sa nalalapit na State of the Nation Address sa Hulyo 27, tumangging magbigay ng detalye si Castro ukol dito.

“Ayaw kong pangunahan ang Pangulo,” aniya pa rin. (DARIS JOSE)

4 NA CICL, NAIBALIK NA SA PAMILYA

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KAPILING na ng kanilang pamilya at nakapag-aral na ang apat na binatilyong Children in Conflict with the Law (CICL) matapos matagumpay na makumpleto ang intervention program ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Ayon kay MDSW Chief Jay Reyes Dela Fuente, ang apat na kabataan na pawang nasa edad 14 at 15 anyos ay nasangkot sa mga kasong riot at theft, dahilan upang isailalim sila sa ilang buwang intervention sa Manila Boystown Complex sa Marikina.

Sinabi ni Dela Fuente na matapos makumpleto ang rehabilitasyon, ligtas nang naibalik ang mga binatilyo sa pangangalaga ng kani-kanilang mga magulang. Kasabay nito, tinulungan din silang makabalik sa paaralan upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at mabigyan ng panibagong pagkakataon sa buhay.

Bukod sa pagbabalik sa eskwela, pinagkalooban din ang mga kabataan ng capital assistance upang magsilbing panimula sa kanilang kabuhayan at makatulong na maiwasan ang muling pagkakasangkot sa paglabag sa batas.

Ayon sa MDSW, ang naturang hakbang ay bahagi ng programang “Serbisyong Yorme, Lahat may Pag-asa at Pagkakataon,” na naglalayong bigyan ng pag-asa at pangalawang pagkakataon ang mga kabataang nagkamali upang maging responsableng miyembro ng lipunan. 

(Gene Adsuara)

PBBM, nais matiyak na may sapat at balanseng suporta sa mga maaapektuhan ng bagong tensyon sa Middle East- Malakanyang

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAIS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matiyak na walang Pilipinong maiiwan at hindi mabibigyan ng suporta ang mga sektor na maaapektuhan ng panibagong tensyon sa Middle East, ayon sa Malakanyang.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang mga posibleng hakbang upang matulungan ang mga apektadong sektor, kabilang ang transportasyon, habang pinananatiling balanse ang epekto nito sa buong ekonomiya.

“Sa ngayon ay nakausap natin mismo si Secretary Banoy (Giovanne Lopez), at siya naman ay inaatasan na pag-aralan ang sitwasyon at kailangan na balansehin ang mga pangyayari dahil kapag tumaas ang presyo ng pamasahe, definitely ay tataas din ang mga presyo ng ibang mga produkto,” ani Castro.

“Ang nais ng Pangulo ay walang maiwan, kailangan matulungan ang lahat sa tamang pamamaraan at sa balanseng pamamaraan. So, inaaral ito ngayon according to Secretary Banoy Lopez,” dagdag ni Castro.

Tinanong din si Castro kung bukas ang Pangulo sa posibilidad ng dagdag-pasahe matapos humiling ang ilang transport group ng fare adjustment dahil sa panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

“Isinabay din natin ang tanong na ganiyan dahil nga nakikita natin sa news. At muli, binanggit din ni Secretary Banoy Lopez na kasabay ito sa pag-aaralan sa ngayon para tama ang ating pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayan sa transport sector para hindi sila maiwan.Pero tuloy pa rin ang pagtulong din natin sa mga kababayan natin na mga consumers,” ani Castro.

Samantala, wala pang ibinigay na bagong detalye ang Malacañang kaugnay ng pagpupulong ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee, kabilang ang usapin sa posibleng pagsuspinde o pagtanggal ng excise tax sa diesel at gasolina. 

(DARIS JOSE)

Bagkus may kinalaman na sa national security…Kaso ni VP Sara, hindi isang ordinaryong grave threats- Malakanyang

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na ang alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi lamang ordinaryong grave threats case.

Iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang usapin ay may kinalaman na sa national security dahil ang di umano’y puntirya rito ay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa katunayan, binasura ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang argumento ng depensa 

na ang kontrobersiyal na pahayag ni VP Sara sa kanyang November 2024 livestream ay tugon lang sa mga tanong at hindi pagbabanta.

“Kung ito ay hindi threats, ano pa ba ang maaari nating i-define sa salitang threats? So, ang ganitong klase na pagresponde ay normal at dapat na i-justify at i-tolerate?” ayon kay Castro.

Sinabi pa ni Castro na ang reklamo ay hindi dapat itrato bilang isang ordinary grave threats case dahil hindi simpleng tao ang pinag-uusapan dito.

“Hindi ito simpleng grave threats na maaaring isampa diyan sa korte. Hindi involved dito ang simpleng tao. Ang pinag-uusapan po natin dito ay Pangulo. Ito ay isyu about national security,” anito.

Pinalagan din ni Castro ang argumento ng depensa na ang naging pahayag ni VP Sara ay hindi naman nakadirekta kina Pangulong Marcos, kay Unang Ginang Lisa at dating House Speaker dahil hindi naman present ang mga ito habang isinasagawa ang livestream.

“Hindi ito lihim, lahat ng tao halos nakapanood, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo,” ang pahayag ni Castro.

Sa ilalim aniya ng batas ukol sa grave threats, “the offense is consummated once the threatened party becomes aware of the threat.”

“Ang grave threats, alam ng bawat Pilipino ay nako-consummate kapag iyong taong binanatan ay nalaman ito… Hindi ito simpleng grave threats. Ito ay mayroong kaugnayan sa national security ng ating bansa,” anito.

Bukod dito, hindi naman aniya itinanggi ng kampo ni VP Sara ang naging pahayag nito, subalit binibigyang katuwiran lamang ang kanyang mga sinabi.

Winika ni Castro, pasan ngayon ng depensa ang patunayan ang pagbibigay-katwiran sa mga naging pahayag ni VP Sara kabilang na ang pahayag nito ay nag-ugat mula sa pagtrato ni dating undersecretary Zuleika Lopez ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Ang burden of evidence ay nagsi-shift sa tao na umamin na siya ay magpapapatay,” ayon kay Castro.

Idinagdag pa ni Castro na hindi naipresenta ng prosekusyon ang karagdagang ebidensiya dahil, inamin naman na ni VP na sinabi niya ang mga pahayag na ito.

“Dapat sila ang magpatunay ng justifiable reasons nila kung bakit nila ito ginawa at sinabi,” ang tinuran ni Castro. (DARIS JOSE)

Pang-hapong klase sa Malabon NHS, sinuspinde dahil sa natanggap na pagbabanta

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAG-UTOS ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang pagsuspinde sa pang-hapong klase sa Malabon National High School, kasunod ng natanggap na pagbabanta sa pamamagitan ng social media hinggil sa umano’y magaganap na pagpatay sa mga estudyante sa naturang paaralan.

Sa kalatas na inilabas mula sa tanggapan ni Mayor Jeannie Sandoval, pinayagan na nilang umuwi ang mga mag-aaral sa naturang paaralan, bilang pag-iingat upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Pasado alas-8;45 ng umaga nang i-post sa FB page ng isang nagpakilalang Bela Asx ang umano’y magaganap na pagpatay sa mga estudyate mula Grade 7 hanggang Grade 12 na magsisimula ng alas-2:30 ng hapon sa pamamagitan ng pamamaril at wala silang pake kung mahuli man sila.

Kaagad nakipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod kay Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission at kay Northern Police District (NPD) Director Benliner Capili na rumesponde naman agad sa loob at paligid ng paaralan upang tiyakin ang seguridad habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon kaugnay sa kumalat na pagbabanta.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado, umiwas sa pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon, at umasa lamang sa mga opisyal na anunsyo.

Tinitiyak din ng mga awtoridad na ang sinumang mapatutunayang responsable ay pananagutin at sasailalim sa buong saklaw ng umiiral na batas.

“Ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ay nananatiling pangunahing prayoridad,” pahayag ng tanggapan ng alkalde. 

(Richard Mesa)

JOSEPH SY, IBABALIK NA SA BI DETENTION FACILITY

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAIBABALIK na sa detention facility ng ahensya si Joseph Sy sa loob ng linggong ito matapos ideklara ng kanyang mga attending physician na maaari na siyang ma-discharge mula sa ospital.

Nasa kustodiya ng BI si Sy kaugnay ng deportation proceedings na isinagawa ng Bureau matapos ang imbestigasyon sa umano’y pagkuha nito ng mga dokumento para sa pagkama-mamayang Pilipino.

Patuloy na dinidinig sa hukuman ang kaso kasunod ng naging desisyon ng Court of Appeals, na kasalukuyang nire-review ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga legal na remedyo na pinapahintulutan ng batas.

Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, pinayagan lamang ang pananatili ni Sy sa ospital dahil sa konsiderasyon at sa pangangailangang medikal habang siya ay nasa kustodiya ng pamahalaan.

“Ang pansamantalang pananatili ni G. Sy sa ospital ay pinahintulutan dahil sa medikal na pangangailangan. Ngayong pinatunayan na ng kanyang mga attending physician na maaari na siyang ma-discharge, wala na ang medikal na batayan para sa kanyang patuloy na pananatili sa ospital,” ani Viado.

Binigyang-diin ng Commissioner na nananatili si Sy sa legal na kustodiya ng Bureau habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng kanyang kaso.

“Ang planong pagbabalik kay G. Sy sa detention facility ng BI ay isang hakbang na administratibo at kaugnay ng kustodiya, at hindi dapat ipakahulugan na may epekto ito sa patuloy na pagdinig ng kaso sa hukuman,” dagdag ni Viado.

Sinabi rin niya na iginagalang ng Bureau ang proseso ng hudikatura at patuloy nitong pinag-aaralan at isinusulong ang mga naaangkop na legal na hakbang na pinahihintulutan ng batas.

“Hangga’t hindi pa tuluyang nareresolba ang kaso, patuloy na gagampanan ng Bureau ang mandato nito alinsunod sa umiiral na mga batas at itinatag na mga legal na proseso,” aniya.

Tiniyak din ni Viado na nananatiling prayoridad ng Bureau ang kapakanan ng lahat ng mga taong nasa kustodiya nito.

“Kung mangailangan si G. Sy ng karagdagang medikal na atensyon anumang oras, titiyakin ng Bureau na maibibigay sa kanya ang angkop na pangangalagang medikal alinsunod sa makataong pamantayan at umiiral na mga regulasyon,” aniya.

Muling iginiit ng Bureau of Immigration ang pangako nitong itaguyod ang rule of law, igalang ang due process, at tapat na gampanan ang mandato nito habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng kaso. (Gene Adsuara)

“No disconnection policy” na pinalalawig ng Energy Regulatory Commission’s (ERC) ay temporary measure lamang

Posted on: July 16th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG sinasabing “no disconnection policy” na pinalalawig ng Energy Regulatory Commission’s (ERC) ay temporary measure lamang at hindi tugon sa walang habas na pagtaas ng singil ng kuryente, ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago nitong Miyerkules.

“Band-aid solution lang ang pagpapalawig ng no disconnection policy. Na-de-delay lang ang problema pero hindi ito nalulutas. Sa huli, kailangan pa ring bayaran ng mga konsumer ang mga sobra-sobrang singil na ipinapataw sa kanila,” sinabi ni Elago. 

Ginawa ni Elago ang pahayag matapos mapaulat ng kinokonsidera ng ERC ang pagpapalawig ng ‘no disconnection policy’ lampas ng July 31 sa gitna ng mga reklamo hinggil sa sobrang taas ng singil sa kuryente.

“Hindi naman nabubura ang utang. Naiipon lang ito habang patuloy na tumataas ang singil sa kuryente. Maraming pamilya na ang hirap pagkasyahin ang kanilang kita para sa pagkain, upa, at iba pang pangunahing pangangailangan. Hindi makatarungang ipagpaliban lang ang pasanin sa halip na bawasan o tanggalin ito,” dagdag ng kongresista.

Nitong July 13, naghain ang Gabriela Women’s Party ng House Resolution 1189 na pinaiimbestigahan ang mga ulat na overbilling, incorrect meter readings at mataas na singil ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) at tila pinababayaan ng ERC na protektahan ang mga consumers nito.

Nanawagan si Elago sa ERC na gamitin ang kanilang kapangyarihan at atasan ang Meralco na tugunan ang mga reklamo ng mga customers nito.

“Ang tunay na proteksyon sa mga konsyumer ay hindi ang pagpapalawig ng ‘no disconnection policy.’ Ang mahalagang hakbang tungo sa tunay na pagresolba ng problema ay ang pagpigil sa labis na singil at pagtiyak na hindi pinapasan ng taumbayan ang tubo ng malalaking pribadong kumpanya. Dapat mas paigtingin ng gobyerno ang regulasyon sa power sector at tiyaking napapanagot ang mga pribadong power utility. Ang kuryente ay batayang serbisyo at hindi negosyo,” sinabi ni Elago. ( Vina de Guzman)