“No disconnection policy” na pinalalawig ng Energy Regulatory Commission’s (ERC) ay temporary measure lamang
- Published on July 16, 2026
- by Francis Paolo Torres
ANG sinasabing “no disconnection policy” na pinalalawig ng Energy Regulatory Commission’s (ERC) ay temporary measure lamang at hindi tugon sa walang habas na pagtaas ng singil ng kuryente, ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago nitong Miyerkules.
“Band-aid solution lang ang pagpapalawig ng no disconnection policy. Na-de-delay lang ang problema pero hindi ito nalulutas. Sa huli, kailangan pa ring bayaran ng mga konsumer ang mga sobra-sobrang singil na ipinapataw sa kanila,” sinabi ni Elago.
Ginawa ni Elago ang pahayag matapos mapaulat ng kinokonsidera ng ERC ang pagpapalawig ng ‘no disconnection policy’ lampas ng July 31 sa gitna ng mga reklamo hinggil sa sobrang taas ng singil sa kuryente.
“Hindi naman nabubura ang utang. Naiipon lang ito habang patuloy na tumataas ang singil sa kuryente. Maraming pamilya na ang hirap pagkasyahin ang kanilang kita para sa pagkain, upa, at iba pang pangunahing pangangailangan. Hindi makatarungang ipagpaliban lang ang pasanin sa halip na bawasan o tanggalin ito,” dagdag ng kongresista.
Nitong July 13, naghain ang Gabriela Women’s Party ng House Resolution 1189 na pinaiimbestigahan ang mga ulat na overbilling, incorrect meter readings at mataas na singil ng kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) at tila pinababayaan ng ERC na protektahan ang mga consumers nito.
Nanawagan si Elago sa ERC na gamitin ang kanilang kapangyarihan at atasan ang Meralco na tugunan ang mga reklamo ng mga customers nito.
“Ang tunay na proteksyon sa mga konsyumer ay hindi ang pagpapalawig ng ‘no disconnection policy.’ Ang mahalagang hakbang tungo sa tunay na pagresolba ng problema ay ang pagpigil sa labis na singil at pagtiyak na hindi pinapasan ng taumbayan ang tubo ng malalaking pribadong kumpanya. Dapat mas paigtingin ng gobyerno ang regulasyon sa power sector at tiyaking napapanagot ang mga pribadong power utility. Ang kuryente ay batayang serbisyo at hindi negosyo,” sinabi ni Elago. ( Vina de Guzman)