• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Walang makapigil sa Road Warriors

NATUTO na ng kanilang leksyon ang NLEX.

Hindi na hinayaan ng Road Warriors na mawala ang kanilang double-digit lead sa second half para sagasaan ang Titan Ultra Giant Risers, 135-100, at patuloy na solohin ang liderato sa Group A ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Bumira si guard Schonny Winston ng 30 points, 9 rebounds at 6 assists  habang may 29 markers, 7 boards at 4 assists si Robert Bolick.

Dumiretso ang NLEX sa kanilang ikatlong sunod na panalo na regalo nila para sa ika-80 kaarawan ng kanilang chairman na si Manny V. Pangilinan.

“I think we’re getting a lot of contributions from different guys obviously,” ani coach Jimmy Alapag na nakahugot ng 22 points kay balik-import DeQuan Jones. “Berto (Bolick) and Schonny (Winston) are a big part of what we do.”

Nauna nang pinadapa ng tropa ni Alapag ang guest team Macau, 114-75, at nalusutan ang Terrafirma, 101-100, kung saan nalusaw ang itinayo nilang 23-point lead sa third period.

Bagsak ang Titan Ultra sa 0-3 marka bagama’t nakahugot kay import Tirrell Brown ng 27 points at 10 rebounds sa kanyang debut game.

Mula sa 30-24 abante sa first period ay nakawala ang Road Warriors sa se­cond quarter, 59-36, mula sa fastbreak basket ni Wins­ton sa huling 2:07 minuto bago ang halftime.

Nakabangon ang Giant Risers sa likod nina Brown, Bryan Sajonia at Joshua Munzon para makalapit sa 63-72 sa 7:33 minuto ng third quarter.

Ngunit hindi bumitaw ang NLEX at muling lumamang sa 97-82 sa pagtiklop ng nasabing yugto sa pagbibida nina Bolick, LJ Gonzales at Tony Semerad.

Mula rito ay hindi na nakabalik sa laro ang Titan Ultra .