• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

₱31.95-M AYUDA, IPINAMAHAGI NG NHA SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG ODETTE SA CEBU

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben A. Tai, ng kabuuang ₱31.95-M halaga ng tulong pinansyal sa 3,195 pamilya na mga biktima ng bagyong Odette sa Cebu, dalawang seremonya na ginanap sa mga lungsod ng Talisay at Danao.

Ayon sa mensahe ni GM Tai, hangad ng cash aid mula sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) na mapagaan nito ang mga mga naging gastos sa pagsasaayos ng mga nasirang tahanan ng mga pamilya.   

“Sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., makakaasa po kayo na patuloy ang pagsisikap ng NHA na magpaabot ng tulong pinansyal sa bawat pamilyang naapektuhan ng sakuna at kalamidad upang magkaroon ang bawat isa ng ligtas at komportableng pamumuhay, maging ang pagkakataon na makabangon at makapagsimulang muli,” pahayag ni GM Tai. 

Ayon naman kina NHA Region VII Manager Engr. Hermes Jude G. Juntillo at Cebu District Officer-in-Charge Engr. Dante U. Estrobo, tumanggap ang bawat pamilya-benepisyaryo ng ₱10,000 sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya.

Sa kabuuang bilang ng mga pamilyang nakatanggap ng ayuda, 1,519 ang mula sa Talisay City habang 1,547 ang mula sa Danao City at 129 naman ang mula sa Carmen.

Sa pamamagitan ng EHAP, pinalawak ng NHA ang mga serbisyong pabahay nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga biktima ng kalamidad, upang matulungan silang muling maitayo ang kanilang mga tahanan. Bukod sa bagyo, saklaw rin ng EHAP ang iba pang natural at man-made na mga sakuna tulad ng lindol, sunog, at pagbaha.

Samantala, dumalo rin sina Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas Jr. na kinatawan ni Brgy. Tabunok Captain Benjie Cabigas, Danao City Mayor Ramon D. Durano III, Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas Jr., at Municipality of Carmen Mayor Carlo T. Villamor upang ipakita ang kanilang suporta sa programa ng ahensya. (PAUL JOHN REYES)