• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 18th, 2026

JAPAN COAST GUARD VESSEL, DUMAONG SA MAYNILA

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAINIT na tinanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Japan Coast Guard (JCG) training vessel na Itsukushima sa pagdating nito sa Maynila noong Hulyo 16 para sa apat na araw na port visit na naglalayong palakasin ang ugnayan at kooperasyon ng Pilipinas at Japan sa larangan ng maritime safety at maritime security.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, magsasagawa ang PCG at JCG ng mga courtesy call, professional exchanges, ship at facility tours, onboard activities, at sports engagements upang higit pang mapagtibay ang kanilang samahan.

Kasama rin sa paglalayag ang mga ship rider mula sa Indonesia, Malaysia, Vietnam, Pilipinas, at Singapore, bilang bahagi ng pagpapalakas ng kooperasyon ng mga bansang kasapi sa rehiyon sa usaping pandagat.

Ang Itsukushima, sa pamumuno ni Captain Naoki Mizoguchi, ay nasa huling yugto ng overseas training voyage ng JCG para sa Fiscal Year 2026, na nagbibigay ng praktikal na pagsasanay sa mga cadet nito sa nabigasyon, pamumuno, at maritime operations. (GENE ADSUARA)

7.5 million Filipino households ang makakatanggap ng direktang ayuda

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG 7.5 million Filipino households ang makakatanggap ng direktang ayuda mula sa gobyerno sa panglungsad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo.

Ang UPLIFT program ay inilungsad bilang tulong sa mga naghihikahos na pamilya sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin at protektahan ang pambansang ekonomiya, sabi ni Quimbo.

Sa ilalim UPLIFT program, tinatayang 7.5 million households ang mabibiyayaan ng financial assistance, batay sa klasipikasyong ng tatlong grupo.

Sa Group 1, tinatayang 3.5 million households na naka enroll sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ay makaktanggap ng ₱2,000 cash assistance. 

Sa Group 2, aabot sa 2.5 million poor at near-poor households, batay sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) subalit hindi covered ng 4Ps o Walang Gutom Program, ay makakatanggap ng ₱2,000 per month mula Hulyo hanggang Disyembre 2026.* 

Samantalang sa Group 3, tinatayang 1.5 million low-income workers at kanilang pamilya, batay sa kanilang Social Security System (SSS) records, ay makakatanggap ng ₱2,000 monthly mula Hulyo hanggang Disyembre 2026, depende sa program guidelines nito. 

“The assistance package forms part of the administration’s broader effort to protect purchasing power, stimulate household consumption, and strengthen domestic economic activity amid continuing global economic uncertainties,” sabi ni Quimbo.

 “Our objective has always been clear: to ensure that government assistance reaches those who need it most while maintaining fiscal discipline and supporting sustainable economic growth. UPLIFT is a concrete example of how coordinated action between the Executive and Congress can deliver meaningful relief to millions of Filipino families,” dagdag ng kongresista.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa koordinasyon ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, ang nagpapatupad ng UPLIFT Assistance Program. (VINA de GUZMAN)

Pangungutya ng Chinese state media outlet sa mga Pilipino, kinondena ng mga mambabatas

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINONDENA ng mga mambabatas ang isang Chinese state media outlet sa paglalarawan nito sa mga Pilipino bilang unggoy.

“Dati nang-aangkin lang ng hindi sa kanila — ngayon naman nangungutya na,” pahayag nila Deputy Speaker Paolo Ortega ng La Union, Deputy Speaker Jay Khonghun ng Zambales, Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong, at Manila Rep. Ernix Dionisio.

 “This is not how a responsible regional power behaves. This is the conduct of a bully that has run out of legal arguments and has resorted to bigotry,” dagdag ng mga apat na kongresista na tinawag na “The Young Guns.”

Anila, malinaw ang ginagawang taktika ng China. Sa una, aangkinin nila yung sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa ilalim ng international law. At kung sila ay nabigo, babastusin nila ang mga Pilipino, gaya ng ginawa ng China Daily.

Tinukoy ng mga mambabatas ang AI-generated video at editorial cartoons na nilabas ng China Daily na anila’y “blatantly racist and dehumanizing.”

“Depicting Filipinos as monkeys is not merely offensive — it is a vile, racist attack that exposes the moral bankruptcy and intellectual desperation of Beijing’s propaganda apparatus,” pahayag ng mga mambabatas.

Sinuportahan nila ang mga naging pahayag ng Department of National Defense at ng Department of Foreign Affairs hinggil sa 2016 South China Sea Arbitral Award, kung saan kinatigan ng international tribunal, sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) , ang karapatan at soberenya ng Pilipinas sa mga inaangkin ng China sa Spratleys at West Philippine Sea.

Nagpahayag din ng suporta ang apat ng kongresista kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga hakbang nito na protektahan ang soberenya at karapatan ng mga Pilipino.

Labing apat na bansa ang sumuporta sa Pilipinas at wala ni isa ang umindorso sa nine-dash line ng China sa pag aangkin sa halos buong karagatan ng South China Sea.

Imbes na respetuhin ang arbitral ruling, pinili ng China na guluhin ang isyu at panliligalig sa mga Filipino fishermen at sundalo. Maging sa propaganda nito ay pinapakalat ng unggoy ang mga Pilipino na hindi bigyan ng respeto.

“Such actions reveal not strength, but profound insecurity and weakness. The Philippines will not be intimidated. We reject this degrading propaganda in its entirety,” pahayag ng mga kongresista.

“We demand that China Daily immediately remove the offensive materials and that Beijing halt all future racist content. Public discourse between nations must be rooted in dignity, mutual respect, and truth — not lies, threats, and dehumanizing caricatures,” anila. (VINA de GUZMAN)

5 MANGINGISDA HULI SA AKTONG ILLEGAL NA NANGINGISDA SA MANILA BAY

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

LIMANG mangingisda ang arestado matapos maaktuhan ng mga operatiba ng Northern NCR Maritime Police Station na illegal na nangingisda sa katubigan ng Manila Bay sa isinagawang seaborne patrol operation, Huwebes ng umaga.

Alas-10:10 ng umaga ng Hulyo 16, 2026, nagsasagawa ng regular na seaborne patrol ang mga tauhan ng Northern NCR MARPSTA na nakataaga sa MLET Baseco sakay ng isang loaned patrol banca nang mamataan nila ang puting bangkang pangisda na may pangalang FBca ” ROCHELLE ” na aktuwal umanong gumagamit ng trawl o active fishing gear habang nangingisda sa katubigan ng Manila Bay, humigit-kumulang 5.79 kilometro mula sa dalampasigan ng Baseco Beach Port Area, Maynila.

Nagpakilala ang mga operatiba bilang mga miyembro ng PNP Maritime Group at humingi ng pahintulot na makasakay sa bangka, na kusang-loob namang ipinagkaloob ng kapitan bago isinailalim sa beripikasyon ang kanilang mga dokumento at permit sa pangingisda.

Dito, napag-alaman na ang nasabing bangka ay isang small-scale fishing vessel, na ipinagbabawal na mangisda sa loob ng municipal waters ng Lungsod ng Maynila. Bukod dito, napatunayang gumagamit ito ng active fishing gear o trawl, na mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa umiiral na batas sa pangisdaan.

Dahil dito, naresto ang mga sakay bangka na sina alyas Mario, alyas Rogelio at tatlo pang tripulante dahil sa paglabag sa Section 86 (Unauthorized Fishing) at Section 95 (Use of Active Gear in Municipal Waters, Bays and Other Fishery Management Areas) ng R.A 10654 bago ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.

Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang nasabing bangka na nagkakahalaga ng ₱500,000, isang FUSO marine engine na nasa ₱20,000 ang halaga, 30 metrong trawl fishing net na nasa ₱20,000 ang halaga at 40 kilong alamang na may kabuuang halagang ₱2,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Northern NCR MARPSTA ang mga inaresto at mga nakumpiskang kagamitan habang inihahanda ang kaukulang dokumentasyon bago ito i-endorso sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Capital Region (BFAR-NCR) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon sa PNP Maritime Group, patuloy nilang pinapaigting ang pagpapatupad ng batas sa karagatan upang labanan ang iligal na pangingisda, pangalagaan ang yamang-dagat ng bansa, at tiyakin ang napapanatiling paggamit ng mga katubigan para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. 

(Richard Mesa)

LTFRB, NAGLABAS NG SCO VS JEEPNEY OPERATOR NA NASANGKOT SA AKSIDENTE SA BATAAN

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa operator ng pampasaherong jeep na nasangkot sa aksidente sa Bataan na ikinasugat ng 18 pasahero noong Hulyo 14.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ipinadala na ang SCO sa Dinalupihan-Olongapo Multipurpose Cooperative, ang operator ng naturang pampasaherong jeep.

“Maaaring humantong sa suspensyon o kanselasyon ng prangkisa ang kasong ito. Ngunit bilang paggalang sa due process, kailangan muna naming marinig ang kanilang panig bago magpasya,” ani Chairman Vigor.

Batay sa paunang imbestigasyon, bumangga ang jeep sa isang bus na nakaparada sa gilid ng kalsada bago ito sumalpok sa isang poste. Dahil dito, 18 katao kabilang ang driver ang nasugatan.

Pinaniniwalaang nagkaroon ng problema sa preno ng sasakyan na posibleng naging sanhi ng aksidente na naganap sa Barangay Roosevelt.

Ayon kay Chairman Vigor, sisiyasatin ng LTFRB ang lahat ng pangyayaring humantong sa insidente, kabilang ang kondisyon at roadworthiness ng naturang pampasaherong jeep.

Nakasaad sa SCO na maaaring lumabag ang operator sa mga probisyon kaugnay ng kaligtasan sa kalsada, partikular sa obligasyon nitong tiyaking ligtas ang serbisyong ibinibigay sa mga commuter.

May tatlong araw ang operator mula sa pagtanggap ng SCO upang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang prangkisa nito. Nakatakda ang pagdinig sa kaso sa Hulyo 28.

Samantala, inatasan ni Chairman Vigor ang kinauukulang Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) na alamin ang kalagayan ng mga nasugatan, lalo na ang usapin ng kanilang insurance claims. (PAUL JOHN REYES)

Marcos: 7.5 milyong low-income may dagdag ayuda

Posted on: July 18th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INANUNSIYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes na magkakaloob ang pamahalaan ng panibagong bugso ng cash assistance para sa 7.5 milyong mahihirap na kabahayan sa gitna na rin ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng muling tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Pangulo, palalawakin ng gobyerno ang suporta sa mga Pilipino sa pamamagitan ng Uplift Assistance program na ipatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Sa ilalim ng programang ito, agad na makatatanggap ng tulong ang 7.5 milyong kabahayan, o katumbas ng 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa,” ani Marcos.

Nasa 1.5 milyong low-income earners na beripikado ng Social Security System (SSS) ang makatatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre o kabuuang P12,000 sa loob ng anim na buwan.

Samantala, 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ang makatatanggap ng P2,000 one-time cash grant.

Magbibigay rin ng tulong sa 2.5 milyong mahihirap at “near-poor” households na natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS).

“Layunin ng Uplift Assistance na matiyak na patuloy na matutugunan ng mga pamilyang Pilipino ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Pinalawak natin ang saklaw ng programa upang mas marami ang makinabang,” dagdag ni Marcos.

Dagdag pa ng Pangulo, titiyakin ng gobyerno na maipapamahagi ang tulong nang mabilis at ma­ginhawa sa pamamagitan ng digital na pamamaraan.

Nabatid na naglaan na ang Department of Budget and Management ng P12.375 bilyon na pondo para sa nasabing ayuda. 

Layon ng Pangulo na walang maiiwanang Pilipino sa gitna ng epekto ng krisis sa Gitnang Silangan.