• October 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 13th, 2026

The Action Lady: Paano Ginawang ‘Most Outstanding’ ni Kapitan Jennette B. Manlapig ang Brgy. 69 sa Caloocan

Posted on: July 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

CALOOCAN CITY — Hindi kailanman pumasok sa orihinal na plano ni Kapitan Jennette B. Manlapig ang pasukin ang mundo ng politika. Ngunit ngayon, kilala siya bilang isang ehemplo ng maagap at tapat na pamumuno sa Brgy. 69, Zone-6, Distrito 2 ng lungsod.

“Actually, wala po talaga akong planong tumakbo o sumali sa politika,” pahayag ni Kapitan Manlapig. “Subalit ito ang naging huling kahilingan ng mahal ko sa buhay—ang aking namayapang Daddy. Noong siya ay nabubuhay pa, siya ang aking katuwang at gabay sa pagpapatakbo at pagtulong sa aming barangay.”

Bilang pagpupugay sa legasiya ng kanyang ama, agad na kumilos si Kapitan Manlapig nang maupo sa puwesto. Unang sumailalim sa rehabilitasyon ang kanilang Barangay Hall upang mas maging maayos at presentable sa mga bisita at sa mga kabarangay. Upang masiguro naman ang kaligtasan ng komunidad, naglagay siya ng mga CCTV camera at karagdagang mga ilaw sa mga kalsada upang maging maliwanag ang paligid.

Alaga sa Senior Citizens at Kalusugan ng Publiko

Sa ilalim ng kanyang pamamahala, binigyang-halaga ang kapakanan ng mga nakatatanda. Bumili ang barangay ng isang Service Vehicle na nagagamit ng mga Senior Citizen para sa libreng hatid-sundo tuwing sila ay magpapagamot o may check-up sa ospital. Bukod dito, palagi ring nakahanda at libre ang kanilang mga maintenance na gamot.

Dahil sa banta ng tag-ulan, baha, at mga sakit, mahigpit na ipinatutupad ng barangay ang kalinisan at kaayusan:

Proyektong HAPAG: Alinsunod sa programa ng DILG, aktibong isinusulong ng barangay ang urban farming at mga prinsipyo ng Clean & Green.

Pag-iwas sa Pagbaha: Regular ang isinasagawang de-clogging o paglilinis sa mga kanal at estero upang matanggal ang mga naipong basura na sanhi ng pagbara ng tubig.

Disiplina sa Kalsada: Agad na ipinapaalis ang anumang nakabalang o nakasagabal sa daan upang maiwasan ang trapiko at upang hindi ito pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng Dengue.

Karangalan Bunga ng Nagkakaisang Serbisyo

Ang ganitong agresibo at tapat na paglilingkod ay hindi nagtagal upang mapansin. Kamakailan lamang ay ginawaran ang Barangay 69 ng prestihiyosong parangal bilang “Most Outstanding Barangay.”

Binigyang-diin ni Kapitan Manlapig na ang tagumpay na ito ay bunga ng pagkakaisa. Lubos ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga Barangay Staff at mga Kagawad sa kanilang walang sawang pakikipagtulungan. Nagpaabot din siya ng pasasalamat kina Mayor Along Malapitan at Congressman Oca Malapitan sa patuloy na suporta at mga ambag sa pag-unlad ng kanilang barangay.

Sa pamamagitan ng gawa, malasakit, ngalan ng kanyang ama, pinatutunayan ng “The Action Lady” na ang tunay na pinuno ay nakikita sa mabilis at konkretong aksyon.

( Sonny Asignacion)

Star-Studded na Mayor RJM Night, Naghatid ng Saya sa BayaniJuan Festival 2026

Posted on: July 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIAONG, QUEZON – Naging makasaysayan at punong-puno ng sigla ang ginanap na Mayor RJM Night noong gabi ng Hunyo 24, 2026, sa Festival Stage ng Municipal Hall Grounds. Bilang bahagi ng BayaniJuan Festival 2026, pinangunahan ni Mayor RJ Mea ang gabing ito na dinaluhan ng napakaraming mamamayan upang saksihan ang pagtatanghal ng mga tanyag na artista.

Naging sentro ng atensyon ang mga de-kalibreng pagtatanghal na nagpasigla sa mga Tiaongin. Kabilang sa mga nagbigay ng saya at musikang tumatak sa mga manonood ay ang kilalang OPM icon na si Chito Miranda, na naghatid ng enerhiya sa entablado. Hindi rin nagpahuli ang sikat na aktor at performer na si Piolo Pascual, na nagbigay ng kanyang espesyal na pagtatanghal para sa mga mamamayan ng Tiaong.

Higit pang nagpasaya sa gabi ang partisipasyon ng paboritong performer na si Maymay Entrata. Ang kanyang masiglang pagtatanghal ay nagdagdag ng kulay at tuwa sa nasabing festival night, na tunay na kinatuwaan ng mga kabataang Tiaongin at ng buong madla.

Sa mensahe ni Mayor RJ Mea, ipinaabot niya ang kanyang pasasalamat sa mga artistang nakibahagi sa pagdiriwang at sa lahat ng mga mamamayang nagpakita ng suporta sa pagpapatuloy ng BayaniJuan Festival. Ang matagumpay na pagtitipon na ito ay patunay ng pagkakaisa at masayang kultura ng mga taga-Tiaong.

Ang gabi ay nagtapos na may kagalakan sa puso ng bawat dumalo, na magsisilbi ring alaala ng isang masigla at matagumpay na selebrasyon para sa bayan ng Tiaong. (Yvonne Bagang/ Photos Boy Morales)

Baccay, Umupo na Bilang Bagong Pinuno ng PRO-Calabarzon Palit kay Marantan

Posted on: July 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

CALABARZON — Opisyal nang umupo ngayong Biyernes si Police Brigadier General Dominic Baccay bilang bagong Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 4A (Calabarzon). Pinalitan niya si PBrig. Gen. Hansel Marantan, na nagretiro na sa serbisyo matapos maabot ang mandatory retirement age na 56 taong gulang.

Si Baccay, na itinuturing na isa sa mga pinakabatang miyembro at karangalan ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Kapanalig” Class of 1997, ay hindi na bago sa rehiyon. Bago ang itinalagang liderato, nagsilbi na siya bilang Deputy Regional Director for Operations (DRDO) ng PRO-4A sa ilalim ng pamumuno ng dating Regional Director na si PBrig. Gen. Paul Kenneth Lucas. Dahil dito, kabisado na niya ang sitwasyong pampulitika, heograpiya, at mga katangiang pisikal ng buong rehiyon.

Nakuha naman ni Baccay ang kanyang ranggo bilang isang heneral (one-star general) noong siya ay italaga bilang Executive Officer ng PNP Directorate for Logistics (DL).

Inaasahang magiging malaking tulong ang kanyang malawak na karanasan sa operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Calabarzon.

(Yvonne Bagang/ Boy Morales)

4 arestado sa droga sa Valenzuela

Posted on: July 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

APAT na hinihinalang drug personalities kabilang ang 17-anyos na senior high school student ang naaresto ng pulisya sa anti-criminality operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Alas-11:40 ng tanghali nang makuhanan umano ng isang transparent plastic sachet ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana ang binatilyong estudyante makaraang tangkain takasan ang mga tauhan ni Police Sub-Station 3 Commander P/Capt. Joan Dorado na nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sa Sampaguita Street corner Dama De Noche, Brgy., Marulas habang sakay ng isang motorsiklo.

Naaktuhan naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa A Dolorito St,, Brgy. Punturin alas-8:50 ng gabi at nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng suspected shabu na nakuha umano kay alyas “Ruel”, nasa hustong gulang.

Nauna rito, naaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 1 ang dalawang indibidwal na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’ sa D. Bonifacio St., Brgy. Canumay East alas-6:10 ng gabi at nakumpiska sa kanila ang gamit na baraha, bet money at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Carlos”.

Sa Brgy., Malinta, nadakip din ng mga tauhan ng Police Sub-Station 4 ang dalawang lalaki habang nagsusugal naman umano ng ‘dice game’sa Pinagpala St., Sito Pinalagad pasado alas-9:30 ng gabi. Nakuha sa kanila ang bet money, dice cube at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam umano kay alyas “Marvin’, 27.

Hinihikayat naman ni Valenzuela Police P/Col. Joseph Talento ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga kahina-hinalang aktibidad. (Richard Mesa)

Tricycle driver na tulak, tiklo sa drug bust sa Caloocan

Posted on: July 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang isang tulak na tricycle driver na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu nang maaresto sa buy bust operation sa Caloocan City, Sabado ng hating gabi.

Sa ulat ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang suspek ay isang 22-anyos na tricycle driver na kabilang sa kanilang drug watchlist.

Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), kaagad ikinasa ng mga ito sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.

Hindi na nakapalag ang suspek nang sunggaban ng mga operatiba ng SDEU matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu dakong alas-12:13 ng hating gabi sa Remedios St., Brgy., 180. 

Umaabot sa 55.11 grams ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P374,748.00 ang nasamsam sa suspek, kasama ang buy bust money na isang tunay na P500 bill at 27 pirasong boodle money at isang motorsiklo.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

IBA’T IBANG MAKABAYANG ORGANISASYON NAGSAGAWA NG IGLAP PROTESTA, KASABAY SA IKA-10 ANIBERSARYO NG 2016 ARBITRAL TRIBUNAL AWARD

Posted on: July 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSAGAWA ng Iglap Protesta (Lightning Rally) ang iba’t ibang makabayang organisasyon kasabay na rin sa paggunita ng ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Tribunal Award, upang ipahayag ang kanilang suporta sa paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at sa kahalagahan ng internasyonal na batas. Isinagawa ang nasabing iglap protesta sa harap ng Embassy of the People’s Republic of China sa Makati City, 10am to 11am, July 12, 2026.

Pinangunahan ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement ang pagkilos katuwang ang Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia ng Pilipinas (LIPI), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Kabataang Artist at Manunulat para sa Sining at KultuRA (KAMASKARA), Alyansa ng Kabataan sa Komunidad (AKK), Samahan ng Magkakapitbahay sa Parola Binondo, kasama ang iba’t ibang mga loyalista, mga pro-BBM groups, at iba pang makabayang samahan.

Ang layunin ng pagkilos ay upang ipanawagan ang paggalang sa 2016 Arbitral Tribunal Award at igiit na ang patuloy na presensya at panghihimasok ng mga barko ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas ang nagdudulot ng tensyon sa West Philippine Sea.

Kasama na rin sa ipinanawagan ng grupo ang pag-alis ng mga barko ng China sa Bajo de Masinloc, dahil ang kanilang patuloy na presensya ay nagdudulot ng pangamba at nakakaapekto sa kabuhayan at kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino.

Tinututulan din ang anumang propaganda at maling impormasyon na, sa pananaw ng mga organizer, ay naglalayong baluktutin ang mga usapin kaugnay ng West Philippine Sea at ang kahalagahan ng 2016 Arbitral Tribunal Award.

Ipinapahayag din ang paninindigan ng mga organizer na ang Batanes ay bahagi ng teritoryo ng Republika ng Pilipinas, at tutulan ang anumang naratibong nagsasabing taliwas dito. Kasama sa layunin na hikayatin ang sambayanang Pilipino na manatiling nagkakaisa sa pagtatanggol sa pambansang soberanya, teritoryo, at mga lehitimong karapatang pandagat ng bansa.Bitbit ng mga kalahok sa nasabing iglap protesta ang mga sumusunod na panawagan:

THE 2016 ARBITRAL AWARD STANDS!

BATANES IS PHILIPPINE TERRITORY!

CHINA’S PROPAGANDA FAILS!

FILIPINOS DO NOT YIELD!

ALAB NG BAYAN, DI TAYO PASISIIL!

ATIN ANG WEST PHILIPPINE SEA!

“Sama-sama nating ipakita at iparinig ang pagkakaisa para sa ating karagatan, sa ating mga mangingisda, sa ating Coast Guard at Armed Forces (Navy, Air Force, Army), Police, marine scientists, educators, diplomats, sa ating pamahalaan, mga kabataan, at sa kinabukasan ng ating saling lahi”, pahayag pa ng grupo.

Gaya ng inaasahan naging mapayapa, maayos, at disiplinado ang ginanap na pagtitipon ng iba’t ibang makabayang organisasyon bilang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, at patuloy na ipagtatanggol ang soberanya, teritoryo, at mga lehitimong karapatan ng Pilipinas alinsunod sa internasyonal na batas. 

(PAUL JOHN REYES)

Photocopy, xerox, printing ng pera kahit black and white bawal –BSP

Posted on: July 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA ang ­Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa pag-imprenta, pag-photocopy, at pamamahagi ng pisikal o digital na facsimile ng Philippine currency.

Ayon sa BSP, ang sinumang mahuhuli ay maaaring makulong ng 5 hanggang 10 taon.

Inihayag ng BSP na mahigpit na ipinagbaba­wal ang anumang uri ng reproduction ng pera kahit black-and-white bilang proteksyon sa integridad ng currency. Ang babala ay lumutang matapos ang legal na debate sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na nagbunsod ng mga viral meme tungkol sa pamemeke ng pera.

Nag-ugat ang isyu sa biro ng ilang social media users na ginamit ang courtroom evidentiary rule sa physical currency, na tila ba ang nakopyang perang papel ay maitutu­ring na “original” at puwedeng ipambili ng goods.

Binanggit ng BSP na ang parusa ay alinsunod sa BSP Circular No. 829, Series of 2014. Hinimok din ng ahensiya ang publiko na i-report sa kanilang tanggapan o sa law enforcement agencies ang anumang kahina-hinalang imprenta o paghawak ng mga di­senyo ng perang papel ng Pilipinas.

Ads July 13, 2026

Posted on: July 13th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments