• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 arestado sa droga sa Valenzuela

APAT na hinihinalang drug personalities kabilang ang 17-anyos na senior high school student ang naaresto ng pulisya sa anti-criminality operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Alas-11:40 ng tanghali nang makuhanan umano ng isang transparent plastic sachet ng umano’y pinatuyong dahon ng marijuana ang binatilyong estudyante makaraang tangkain takasan ang mga tauhan ni Police Sub-Station 3 Commander P/Capt. Joan Dorado na nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sa Sampaguita Street corner Dama De Noche, Brgy., Marulas habang sakay ng isang motorsiklo.

Naaktuhan naman ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa A Dolorito St,, Brgy. Punturin alas-8:50 ng gabi at nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng suspected shabu na nakuha umano kay alyas “Ruel”, nasa hustong gulang.

Nauna rito, naaresto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 1 ang dalawang indibidwal na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’ sa D. Bonifacio St., Brgy. Canumay East alas-6:10 ng gabi at nakumpiska sa kanila ang gamit na baraha, bet money at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Carlos”.

Sa Brgy., Malinta, nadakip din ng mga tauhan ng Police Sub-Station 4 ang dalawang lalaki habang nagsusugal naman umano ng ‘dice game’sa Pinagpala St., Sito Pinalagad pasado alas-9:30 ng gabi. Nakuha sa kanila ang bet money, dice cube at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam umano kay alyas “Marvin’, 27.

Hinihikayat naman ni Valenzuela Police P/Col. Joseph Talento ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga kahina-hinalang aktibidad. (Richard Mesa)