• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

IBA’T IBANG MAKABAYANG ORGANISASYON NAGSAGAWA NG IGLAP PROTESTA, KASABAY SA IKA-10 ANIBERSARYO NG 2016 ARBITRAL TRIBUNAL AWARD

NAGSAGAWA ng Iglap Protesta (Lightning Rally) ang iba’t ibang makabayang organisasyon kasabay na rin sa paggunita ng ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Tribunal Award, upang ipahayag ang kanilang suporta sa paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at sa kahalagahan ng internasyonal na batas. Isinagawa ang nasabing iglap protesta sa harap ng Embassy of the People’s Republic of China sa Makati City, 10am to 11am, July 12, 2026.

Pinangunahan ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement ang pagkilos katuwang ang Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia ng Pilipinas (LIPI), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Kabataang Artist at Manunulat para sa Sining at KultuRA (KAMASKARA), Alyansa ng Kabataan sa Komunidad (AKK), Samahan ng Magkakapitbahay sa Parola Binondo, kasama ang iba’t ibang mga loyalista, mga pro-BBM groups, at iba pang makabayang samahan.

Ang layunin ng pagkilos ay upang ipanawagan ang paggalang sa 2016 Arbitral Tribunal Award at igiit na ang patuloy na presensya at panghihimasok ng mga barko ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas ang nagdudulot ng tensyon sa West Philippine Sea.

Kasama na rin sa ipinanawagan ng grupo ang pag-alis ng mga barko ng China sa Bajo de Masinloc, dahil ang kanilang patuloy na presensya ay nagdudulot ng pangamba at nakakaapekto sa kabuhayan at kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino.

Tinututulan din ang anumang propaganda at maling impormasyon na, sa pananaw ng mga organizer, ay naglalayong baluktutin ang mga usapin kaugnay ng West Philippine Sea at ang kahalagahan ng 2016 Arbitral Tribunal Award.

Ipinapahayag din ang paninindigan ng mga organizer na ang Batanes ay bahagi ng teritoryo ng Republika ng Pilipinas, at tutulan ang anumang naratibong nagsasabing taliwas dito. Kasama sa layunin na hikayatin ang sambayanang Pilipino na manatiling nagkakaisa sa pagtatanggol sa pambansang soberanya, teritoryo, at mga lehitimong karapatang pandagat ng bansa.Bitbit ng mga kalahok sa nasabing iglap protesta ang mga sumusunod na panawagan:

THE 2016 ARBITRAL AWARD STANDS!

BATANES IS PHILIPPINE TERRITORY!

CHINA’S PROPAGANDA FAILS!

FILIPINOS DO NOT YIELD!

ALAB NG BAYAN, DI TAYO PASISIIL!

ATIN ANG WEST PHILIPPINE SEA!

“Sama-sama nating ipakita at iparinig ang pagkakaisa para sa ating karagatan, sa ating mga mangingisda, sa ating Coast Guard at Armed Forces (Navy, Air Force, Army), Police, marine scientists, educators, diplomats, sa ating pamahalaan, mga kabataan, at sa kinabukasan ng ating saling lahi”, pahayag pa ng grupo.

Gaya ng inaasahan naging mapayapa, maayos, at disiplinado ang ginanap na pagtitipon ng iba’t ibang makabayang organisasyon bilang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, at patuloy na ipagtatanggol ang soberanya, teritoryo, at mga lehitimong karapatan ng Pilipinas alinsunod sa internasyonal na batas. 

(PAUL JOHN REYES)