• July 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 10th, 2026

Alex Eala, seeded player na sa National Bank Open

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAPOS ang makasaysayang kampanya ni Alexandra “Alex” Eala sa 2026 Wimbledon Championships, nakatakda siyang maging seeded player sa prestihiyosong National Bank Open sa Toronto, Canada.
Dahil sa pag-angat niya sa world rankings, makakakuha si Eala ng first-round bye sa WTA 1000 tournament na gaganapin mula Agosto 2 hanggang 13.

Si Eala, na unang Filipina na nakapanalo ng women’s singles main-draw match sa Wimbledon at unang Pilipino sa Open Era na umabot sa ika-apat na round, ay tinalo ang Mexican player na si Renata Zarazúa at ang defending champion na si World No. 3 Iga Świątek bago siya tinalo ni Jasmine Paolini sa Round of 16.

Ang kanyang Wimbledon run ay nagbigay ng bagong career-high ranking na No. 28 sa WTA, mula sa dating No. 32.

pinakamalaking torneo sa women’s tennis sa labas ng apat na Grand Slams, na dinadaluhan ng mga top-ranked players.

Ang kanyang pagsabak bilang seeded player sa Toronto ay inaasahang magpapatibay pa ng kanyang reputasyon bilang isa sa mga rising stars ng women’s tennis.

Pagkilala para sa tagumpay nina Alex Eala, EJ Obiena, at Carlos Yulo, inihain sa Senado – Sen. Go

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAIN ng magkakahiwalay na resolusyon si Sen. Christopher “Bong” Go upang kilalanin ang mga kamakailang tagumpay ng mga atletang Pilipino sa larangan ng tennis, athletics, at gymnastics.

Binigyang-diin ni Go, na siya ring Chairperson ng Senate Committee on Sports, na ang mga tagumpay nina Alexandra “Alex” Eala, Ernest John “EJ” Obiena, at Carlos Yulo ay patunay ng lalim ng talento ng mga Pilipino at nagpapatibay sa panawagan para sa mas matatag na grassroots sports development sa bansa.

Partikular na binigyang-pansin ni Go ang makasaysayang kampanya ni Eala sa 2026 Wimbledon Championships, kung saan siya ang kauna-unahang Filipina na nakapanalo ng women’s singles main-draw match at unang Pilipino sa Open Era na umabot sa ika-apat na round ng torneo. Natalo ni Eala ang Mexican player na si Renata Zarazúa at ang defending champion na si World No. 3 Iga Świątek bago siya tinalo ni Jasmine Paolini sa Round of 16.

Samantala, kinilala rin ni Go ang back-to-back gold medals ni EJ Obiena sa outdoor athletics season. Nagtala si Obiena ng panalo sa Poland matapos lampasan ang 5.72 meters at muling nagwagi sa Austria nang makapagtala ng bagong meet record na 5.75 meters.

Hindi rin nakaligtaan ni Go ang panalo ni Carlos Yulo sa men’s floor exercise sa 2026 Asian Men’s Artistic Gymnastics Championships sa Zunyi, China, kung saan nakapagtala siya ng 14.700 points upang masungkit ang gintong medalya.

Ayon kay Go, ang mga tagumpay ng tatlong atleta ay hindi lamang nagbigay ng karangalan sa bansa kundi nagsilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino.

Aniya, “Malaking karangalan po para sa ating bansa ang ipinakita nina Alex Eala, EJ Obiena, at Carlos Yulo. Ipinakita nila na kayang makipagsabayan ng atletang Pilipino sa pinakamataas na antas kung may disiplina, tiyaga, at tamang suporta.”

Binanggit ng senador na dapat palakasin ang grassroots sports programs upang matulungan ang mga kabataan na mahasa sa murang edad.

Dagdag pa niya, ang sports ay hindi lamang tungkol sa medalya kundi mahalagang kasangkapan para sa kalusugan, disiplina, pangarap, at mas magandang kinabukasan ng mga Pilipino.

Dating chief of staff Zuleika Lopez ni VP Sara, ipatatawag sa susunod na linggo

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPATATAWAG ng House prosecution sa susunod na linggo ang dating chief of staff ni V P Sara Duterte na si Zuleika Lopez para umupo sa witness stand ng Senate impeachment court ang dating chief of staff ni Vice President Sara Z. Duterte na si Atty. Zuleika Lopez.

Ang schedule ay nakumpirma nitong Miyerkules matapos linawin ni House prosecutor Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor ang lineup ng mga saksi para sa susunod na linggo.

Si Lopez ay tetestigo pagkatapos ni Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kapag nagbukas muli ang trial sa susunod na Lunes, Hulyo 13.

“For Monday, Your Honors, we will be presenting Atty. Jeremy Lotoc. For Wednesday, we will be presenting Atty. Zuleika Lopez. And for Wednesday, our third witness, we will be presenting Capt. Belinda Bello,” ani Defensor.

Sinabi rin ni Defensor na hindi na kasama si NBI Director Melvin Matibag sa lineup sa susunod na linggo.

“Not yet, Your Honor. We will manifest on Monday if we can consider him for the Wednesday session depending on how the trial goes or how long the testimonies will take for both parties,” pahayag nito.

Matapos ang manifestation ng prosekusyon, inatasan ni Senador Chiz Escudero ang pagpapalabas ng subpoena sa mga saksi para sa July 13-15 trial dates.

Sinabi ng prosekusyon na plano nitong gamitin ang lahat ng nakalaang 11 trial days para sa presentasyon ng ebidensiya para sa fourth impeachment article, na nag-aakusa kay VP Duterte ng culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust sa alegasyon ng pagbabanta umano kina President Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Inaasahan din tatapusin sa susunod na linggo ang testimonya ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nagbigay testimonya para sa kaso sa ilalim ng Article IV.

Inihayag ni Calilung ang authenticated video at transcript ng Nov. 23, 2024 livestream, screenshots mula sa recording ni duterte, at official statements na inisyu ng government agencies bilang tugon sa kanyang mga pahayag.

Ipinaliwanag din nito ang digital forensic procedures ng NBI para sa ‘identifying, collecting, preserving and verifying electronic evidence.’

Inaasahan na tetestigo si Lotoc sa findings ng NBI sa pahayag ni Duterte na pagkuha ng assassin para patayin ang Presidente, First Lady at dating Speaker kung namatay ito.

Ipahahayag naman kay Lopez ang mga naging kaganapan sa kanyang detention ng House Committee on Good Government and Public Accountability at sa Nov. 23, 2024 livestream ng VP na magsisilbing bahagi ng ebidensiya ng prosekusyon sa ilalim ng Article IV.

Inaasahang haharap din si Bello, executive director ng House of Representatives Legislative Security Bureau, at tatalakayin ang ipinatupad na kautusan ng komite bago inilipat si Lopez sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong. 

(Vina de Guzman)

 CONG BARZAGA, KINASUHAN NG CYBERLIBER NG MPO SA MANILA RTC

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINASUHAN ng cyberlibel si dating Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ng Manila Prosecutors Office (MPO) at inihain sa Manila Regional Trial Court (MRTC).

Kaugnay ito ng reklamo ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano dahil sa post ni Barzaga sa social media.

Matatandaan na inakusahan ng dating kongresista na tumatanggap umano ng suhol mula kay business tycoon Enrique Razon Jr. ang mga miyembro ng National Unity Party (NUP) — na dating kinabibilangan din niya kapalit ng pagsuporta sa speakership ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Pinanigan ng MPO ang reklamo ni Valeriano at sinabing mapanirang-puri ang mga post ni Barzaga na mabilis na kumalat online.

Nirekomenda ng MPO sa korte ang P10,000 na piyansa para sa dating kongresista. 

(Gene Adsuara)

Teenager, arestado sa pagbayad ng pekeng pera sa Malabon

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TIMBOG ang 18-anyos na teenager matapos umanong gumamit ng pekeng pera bilang pambayad sa isang food establishment sa Malabon City.

Sa ulat ng tanggapan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission, napansin ng kahera ng nasabing food establishment sa Brgy., Catmon ang kahina-hinalang anyo ng isang-libong pisong perang papel na ibinayad ng suspek kaya agad itong humingi ng tulong mga pulis at barangay tanod na nasa lugar.

Kaagad namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 4, kasama ang mga tanod na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nasamsam sa kanyang pag-iingat ang ilang karagdagang pekeng perang papel na may magkakaparehong detalye.

Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa umiiral na batas hinggil sa ilegal na pagmamay-ari at paggamit ng pekeng salapi.

Nagpaalala naman ni Col. Mission sa publiko na maging mapanuri sa pagtanggap ng pera, lalo na sa malalaking denominasyon at kung may mapansin aniyang kahina-hinalang perang papel, agad itong iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya. (Richard Mesa)

“A threat is a threat,” deklarasyon ng House prosecution panel 

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAPOS ang ikatlong araw ng impeachment trial sa Senado kung saan kanilang ipinaliwanag na wala sa batas ang sinasabing “conditional threat.”

Ayon kay House prosecutor San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, ang “conditional threat” na nais na palutangin ng depensa ay hindi maituturing na totoong banta.

 “Alam niyo ho, siguro hindi nagma-matter kung conditional or absolute. In any case, wala naman po sa criminal law na conditional threat na tinatawag. Basta threat, basta nagawa po ang isang threat, ‘yun na po ‘yun, threat na po ‘yun,” pahayag ni Zamora.

“So kung nagtataka ang iba, ano ba ‘tong conditional threat? Kasi may condition daw na gagawin ito kapag nangyari muna ang isang bagay. Eh nasabi na din po ‘yung threat, di ba? So there is no such thing as a conditional threat,” dagdag ng kongresista.

Ayon naman kay Atty. Benjamin Tolosa Jr., legal spokesperson at counsel ng House prosecutors, ang pagsasabi na conditional ang pagbabanta sa buhay ng isang tao ay hindi nangangahulugan na mas malala ito kung patutunayan ang banta.

 “Consistent ho ‘yung position namin dyan kahit doon sa Article of Impeachment. That does not diminish the gravity of the acts done. It does not make it in any way right,” sinabi ni Tolosa. 

Sinabi ni Tolosa na ang testimonya ni John Mark Calilung, senior agent ng National Bureau of Investigation (NBI), ang nagpatibay sa posisyon ng prosecution.

Sa ginawang testimony ni Calilung, pinatotoo niya ang digital evidence at official government statements kaugnay sa ika apat na Articles of Impeachment kung saan inaakusahan si Duterte na kumontrata ng hitman upang patayin sina President Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos ar dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung sakaling may mangyari sa kanya.

“Again, in the end, ‘yung pinakamaliwanag ho siguro dito nu’ng tinanong siyang diretsuhan kung ano ho ang personal na paniniwala niya diyan. Sinabi niya that threat is absolute. So I think ‘yan ho ‘yung pinaka-relevant na naging sagot tungkol sa bagay na ‘yan,” sabi ni Tolosa. (Vina de Guzman)

Serbisyo ng gobyerno makarating sa mga ordinaryong Pinoy…PBBM, hangad na magsagawa ng ‘nationwide rounds’ si Abalos

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Cabinet Secretary Benhur Abalos Jr., na siguraduhing mararamdaman at mapapakinabangan ng bawat Filipino ang mga serbisyo ng gobyerno.

Sa katunayan, nais ng Pangulo na ikutin at libutin ni Abalos ang buong bansa.

“Instead of a CabSec focused on managing the President’s Cabinet meetings, ang utos ni Presidente kay CabSec Benhur ay siguraduhing nararamdaman at napapakinabangan ng bawat Pilipino ang mga serbisyo ng gobyerno,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“And as CabSec, President Marcos Jr. also directed him to go around the country to represent him and call on the Cabinet members to help address the concerns of the public. All these tasks are embodied in CabSec Benhur’s terms of references attached to his appointment,” aniya pa rin.

Winika pa ng Pangulo na buo ang kanyang tiwala kay Abalos, kaya nga ibinigay niya rito ang Cabinet Secretary post at para sa administrasyon na palawakin ang maaabot na rehiyon upang makakuha ng serbisyo na kailangan ng mga ito mula sa gobyerno.

Sa kabilang dako, ang pagkakatalaga kay Abalos ay maaaring ikonsidera bilang isang bagong posisyon at isang paraan ng Pangulo para i-redefine ang Cabinet Secretary post.

“Pursuant to his authority to reorganize the executive branch, particularly the Office of the President. And second, the plenary power to appoint. The President has the plenary power to appoint,” ang paliwanag ni Castro,.

At nang tanungin naman si Castro kung bakit nagtalaga ng Cabinet secretary ang Pangulo, at kung nakikita ng Chief Executive ang pangangailangan na iorganisa ang Office of the President, tinuran ni Castro na nais ng Pangulo ang epektibo at mas pinalawak na serbisyo ng gobyerno sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanyang opisyal sa halip na nakatuon lamang ang CabSec sa pangangasiwa ng Cabinet meetings ng Pangulo. (DARIS JOSE)

Eligible state workers, makatatanggap ng 2024 PBB ngayong taon – Malakanyang

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ng Malakanyang na makatatanggap ang mga eligible government employees ng kanilang 2024 Performance-Based Bonus (PBB) sa loob ng taon.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, ang pondo para sa 2024 PBB ay ibibigay sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

Tinukoy ang Department of Budget and Management (DBM), sinabi ni Castro na ipalalabas ng mas maaga ang bonus, depende sa implementasyon ng iskedyul.

“Inaasahang maipagkakaloob ngayong taon. Baka mas maaga pa. Ang pondo para rito ay nakapaloob sa FY 2026 General Appropriations Act,” ani Castro.

Nauna rito, ianprubahan ng Office of the President (OP) ang pagkakaloob ng 2024 Performance-Based Bonus (PBB) sa mga kuwalipikadong empleyado ng gobyerno.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ng Department of Budget and Management (DBM) ang kopya ng Resolution No. 2026-1, ipinalabas noong Hulyo 2, pormal na inanunsyo ang pag-apruba ng OP ng 2024 PBB.

Ang pag-apruba ay kasunod ng pagrebisa ng technical working group (TWG), nilikha sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 61, ipinalabas noong 2024, may mandato na magtatag ng ‘streamlined at simplified government performance management at incentives system.’

“EO No. 61 harmonizes the Results-Based Performance Management System and the Performance-Based Incentive System with ease of doing business initiatives,” ayon sa ulat.

“The grant of the FY (fiscal year) 2024 PBB shall proceed in accordance with the guidelines to be issued by the EO No. 61 TWG, with the Secretary of the Department of Budget and Management as the signatory for and on behalf of all EO No. 61 TWG members,” ang nakasaad sa resolusyon.

Tinuran pa ng DBM na ang memorandum circular (MC) na ipinalabas din noong Hulyo 3 ay naglalaman ng mga alituntunin para sa pagkakaloob ng 2024 PBB.

Saklaw ng circular covers ang lahat ng departamento, burukrasya, tanggapan at iba pang ahensiya ng national government, kabilang na ang ibang executive offices, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations, local water districts at local government units.

Saklaw din ang Kongreso, judiciary, constitutional commissions, Commission on Human Rights at Office of the Ombudsman.

Sa ilalim ng MC, “an agency’s eligibility for the 2024 PBB will depend on its overall score in four accountability dimensions: performance results, process results, financial results, and citizen or client satisfaction results.”

Para maging kuwalipikado, ang isang ahensiya ay dapat na makakuha ng overall score na 70 puntos sa ilalim ng scoring system na ibinigay ng MC.

Gayunman, ayon sa MC, “if an agency receives a rating lower than 4 in any of the eligibility criteria based on the assessment and scoring system, the units and individuals, including the head of the unit, found to be most responsible for the deficiency will be “isolated and excluded from the grant of the FY 2024 PBB.” 

“The maximum score that may be obtained by the agency is 100 points. An agency shall be considered eligible for the FY 2024 PBB upon attaining a total score of at least 70 points,” ang mababasa pa rin sa MC.

Ang mga eligible delivery units, kabilang na ang kanilang mga opsiyal at empleyado, ay makatatanggap ng bonus sa uniform rates sa iba’t ibang ahensiya, may halaga base sa total score ng ahensiya.

Ang PBB rate ng isang eligible agency na nabigong magsumite ng lahat ng reportorial requirements para sa assessment ng agency performance sa ilalim ng eligibility criteria sa tamang oras ay mababawasan ng limang porsiyento. ( DARIS JOSE)

Vendor, timbog sa sumpak sa Malabon

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGSAK sa kulungan ang isang vendor nang mabisto ang dalang sumpak o improvised firearm na kanya umanong ibinebenta sa Malabon City, Miyerkules ng gabi.

Sa ulat, itinawag ng barangay sa tanggapan ni Malabon City Officer-in-Charge P/Col. Kenneth Mission ang ginagawa umanong pagbebenta ng sumpak ng suspek sa Brgy. Longos.

Kaagad namang nagresponde sa lugar ang mga tauhan ni Col. Mission subalit, nang mapansin ng suspek ang pagdating ng mga ito ay nagmadali itong tumakas.

Gayunman, napansin ng mga pulis ang lumantad na bahagi ng sumpak na nakalagay sa bitbit na eco bag ng suspek kaya hinabol siya ng mga ito hanggang sa maaresto.

Nakumpiska ng mga pulis ang dalawang improvised shotgun at dalawang bala ng 12-guage na nakalagay sa dalang eco bag ng suspek.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A.10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Patuloy na hinihikayat ni Col. Mission ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar. 

(Richard Mesa)

PCG PANSAMANTALANG SINUSPINDE ANG BIYAHE NG MALILIIT NA SASAKYAN

Posted on: July 10th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PANSAMANTALANG sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga biyahe ng maliliit na sasakyang pandagat sa ilang lugar sa Hilagang Cebu dahil sa masamang panahon at maalon na karagatan.

Ayon sa Coast Guard Station (CGS) Northern Cebu, ipinatupad ang suspensyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda at iba pang gumagamit ng karagatan.

Batay sa inilabas na abiso:

Coast Guard Sub-Station (CGSS) Daanbantayan – Sinuspinde ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat na 35 gross tons (GT) pababa, kabilang ang mga motorbanca at iba pang maliliit na pampasaherong bangka. Pinapayagan namang bumiyahe ang mga sasakyang higit sa 35 GT, depende sa pahintulot ng Coast Guard at sa umiiral na kondisyon ng panahon.

CGSS Malapascua – Sinuspinde rin ang paglalayag ng mga sasakyang 35 GT pababa, kabilang ang mga bumibiyahe patungong Carnaza Island at Gato Island.

CGSS Bantayan – Ipinatigil ang biyahe ng mga sasakyang pandagat na mas mababa sa 15 GT, kabilang ang maliliit na bangkang pangisda at iba pang magagaang sasakyang pantubig.

CGSS Madridejos – Sinuspinde ang paglalayag ng mga sasakyang mas mababa sa 35 GT. Pinapayuhan naman ang mga operator ng mga sasakyang 35 GT pataas na mag-ingat at sumunod sa mga tagubilin sa kaligtasan ng Coast Guard.

CGSS Santa Fe – Sinuspinde rin ang biyahe ng mga sasakyang mas mababa sa 35 GT, habang ang mas malalaking sasakyang pandagat ay pinapayuhang patuloy na subaybayan ang lagay ng panahon at sundin ang mga abiso ng Coast Guard.

Mahigpit na pinapayuhan ng PCG ang mga mangingisda, operator ng sasakyang pandagat, at iba pang gumagamit ng karagatan na ipagpaliban muna ang kanilang paglalayag sa mga apektadong lugar hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon at karagatan.

Hinihikayat din ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga pinakahuling weather bulletin ng PAGASA at sundin ang lahat ng mga abiso sa kaligtasan na inilalabas ng Philippine Coast Guard. (Gene Adsuara)